CHAPTER THREE

6.3K 137 10
                                    

NAKAPAGBIHIS na si Patricia nang dumating sa inuukupa nilang cabana si Vaughn Eric. Sa kanyang kwenta, pitong cabana mayroon ang Isla Verde. Hindi malinaw sa kanya kung ipinasara ng pintor ang operasyon ng Isla Verde para sa proyektong ito o sadyang nagkataon na sila lamang ang bisita. Pero kaninang umaga sa almusal ay malinaw na tiniyak sa kanya ng lalaki na huwag umano siyang mangamba na baka may mga audience sila dahil nga raw sila lamang ang occupant ng isla.
Ang cabana, maliban sa floorings, ay pawang yari sa indigenous materials. Barnisado ang binasag na kawayang dingding, double-walled ng barnisado ring weaved bamboo. Malalaking dahon ng anahaw ang bubong at pawang native din ang karamihan sa mga kasangkapan at burloloy ng cabana.
Ang lahat ng kanilang pangangailangan ay nasa loob na ng cabana. Mula sa pagkain, mga inumin, toiletries at iba pa. Ayon kay Vaughn Eric, supply ng Isla Verde ang lahat na kukuwentahin naman bago sila umalis.
Dalawang silid na pinaghihiwalay lamang ng shared toilet mayroon ang kanilang cabana. Katamtaman ang laki ng salas kung saan naka-instal ang audio-video set, samantalang mas maliit naman ang kitchen na sangkap rin sa mga importanteng kagamitan katulad ng kalan, refrigerator, microwave at iba pa. Sa mga solar panels na nakatirik malapit sa cabana kumukuha ng kuryente ang buong isla. Matatag din naman ang signal ng mga telecommunication providers kaya maliban sa paggamit ng telepono ay maari ka ring magkaroon ng internet.
Lahat ng iba pang emergency needs ng guests ay itinatawag lamang umano sa front desk na nasa main island kung saan naroon ang Gota Beach. At ang mga ito ay inihahatid ng isang speedboat.
Para kay Patricia, perpekto para sa isang matahimik na bakasyon ang Isla Verde, lamang ay tinitiyak din niyang ginto ang halaga ng pananatili rito.
Mula sa kanyang silid, narinig niya ang lagaslas ng tubig mula sa banyo. Naliligo na si Vaughn Eric. For a while nalito si Patricia kung sino ang maghahanda ng kanilang pagkain. Nagising siya kaninang umaga na nakahanda na ang almusal.
Ang lalaki rin kaya ang magluluto para sa kanilang tanghalian gayong alam niya sa kanyang sarili na mahusay naman siyang magluto? Ganoon ba siya dapat maging importante na pagsisilbihan?
Nakakahiya naman, ani Patricia kaya agad siyang kumilos. Besides, naisip niya, siya ang babae sa bahay na ito kaya tama lamang na gampanan niya ang pagiging isang babae.
Tinungo niya ang kusina. Naglagay siya ng dalawang takal na bigas sa rice cooker at saka isinalang. Binuksan niya ang refrigerator na hitik na hitik sa iba't-ibang pagkain. Kumuha siya ng isang mansanas at kumagat habang iniisip kung ano kayang ulam ang maari niyang iluto.
Nasa ganoon siyang pamimili ng menu nang sumungaw sa kusina ang lalaki.
"Nagugutom ka na?" tanong nitong tila natataranta. "Sige, papak ka muna dyan habang—" Napatigil si Vaughn Eric sa harap ng rice cooker. Pagkuwa'y ngumiti ito. "Nagsalang ka na pala."
Ngumiti siya. Again he looked so good and so fresh sa puti at itimang shorts nito at workout sando. Manaka-nakang naliligaw din sa pang-amoy niya ang musk cologne ng lalaki.
"Ako na ang bahala dito," wika niya. Muli niyang hinarap ang nakabukas na ref dahil tila siya naman ang iniispatan ng pintor. She was wearing a floral shorts at kulay asul na sando na mabuting humahakab sa kanyang kabuuan. "Ano gusto mong ulam?"
"Anything goes."
Sabi ko na nga ba, naisaloob ni Patricia. Sa tabas ng bibig nito'y tila nga walang masamang tinapay sa bibig ng lalaki.
"Pwede bang unahin na natin ang mga lobsters na ito?" tanong niya. Sa totoo lang, hindi niya matandaan kung kailan siya huling kumain ng mga ganitong uri ng lamang-dagat. Ang alam niya, tuwing umuuwi noon mula sa abroad ang kanilang tatay ay saka lamang sila nagkakaroon ng pagkakataong makakain ng ganitong first class seafoods. At dumadayo pa sila noon sa Dampa, malapit sa may Sucat sa Paranaque para makatikim ng mga gayong pagkain.
"Sige, champion 'yan," sagot ni Vaughn Eric.
Saglit pa't abala na sa pangungusina si Patricia. Nakita niyang lumabas patungo sa veranda si Vaughn Eric at naulinigan niyang may kausap sa telepono. Maya't-mayang sumusungaw sa kusina ang lalaki para mag-alok ng tulong pero politely ay tinatanggihan niya.
Maya-maya, nagulat siya sa malakas na tunog ng rock music mula sa salas. Pa-simple siyang luminga. Nakita niyang tumatangu-tango si Vaughn Eric habang nakaupo sa isang kawayang bangko mula sa veranda.
Naisip niya kung ilang taon na ang lalaki dahil tila may hilig sa mga gayon klaseng tugtugin? Ganoon din kasi ang madalas niyang naririnig mula sa kapatid niyang si Carlo. Beinte-tres na si Carlo. Si Vaughn Eric kaya?
Sabagay, naisip niya, wala naman sa edad ang pagkakagusto sa isang uri ng musika. There are young people who listen to old music, at sa kabilang dako'y may mga may edad na ring nakaka-relate pa sa mga makabagong musika.
Anu't-anuman, nagdala rin ng kasiglahan kay Patricia ang rock music. Paulit-ulit niyang tiniyak ang lasa ng kanyang mga iniluto saka nagsimulang maghanda ng mesa. Gusto niyang magtaka kung bakit parang layunin niyang gulatin sa kanyang inihandang pagkain ang lalaki.
Una niyang inihain ang lobsters. Margarine, white wine at kaunting asin lamang ang ginamit niya sa pagluto sa mga ito. Ngunit naghanda siya ng sawsawan: sukang may sili at sibuyas. Sa mga ganitong uri ng pagkain, idagdag pa ang crabs at hipon, kailangan ang sawsawang suka. Neutralizer. Puno ng aligi ang ganitong mga pagkain na maaring makapag-trigger ng alta presyon samantalang ang suka naman ang pumipigil para maging kalmado ang daloy ng dugo sa katawan.
May ensaladang gulay din, at biniyak na hinog na mangga para sa kanilang panghimagas.
"Wow," ani Vaughn Eric habang bumubunot ng upuan. "Looks so good."
Tastes even better, try mo, piping sagot ni Patricia. Kumuha na rin siya ng sariling upuan. Nakita niyang binuhat agad ng lalaki ang isang lobster.
"Akin 'tong pinakamalaki ha," wika nito.
"Teka lang. Hindi tayo magdadasal?"
Binitiwan ni Vaughn Eric ang lobster. "'Kaw na, di ako marunong."
"Magdasal?"
"E, walang nagturo. Basta ang alam ko, may langit at doon ang haybol ni Papa God. Tinatawag ko naman siya, ewan ko nga lang kung naririnig niya. Pero siguro naman oo kasi bini-bless naman niya ako."
"In the name of the Father...."
Hindi alam ni Patrcia kung talagang gutom o sadyang masiba lang si Vaughn Eric. Bakit ay manghang-mangha siya sa nakikitang apetite ng lalaki. At para ngang gusto siyang bigyan nito ng isang standing ovation sa anito'y champion sa sarap niyang luto.
"Bicolana ka ba?" mayamaya'y tanong ng lalaki.
"Hindi. Taga-Malate kami. Bakit mo naitanong?"
"Mahilig ka sa maanghang."
"Maanghang ba?"
"Sakto lang." Sumipol ang lalaki. "Sa bahay n'yo, ikaw din ang cook?"
Umiling-iling ang dalaga. "Bihira," tugon niya. "Nanay ko ang madalas magluto."
Pagkatapos uminom ng tubig, narinig ni Patricia ang malakas na dighay ng lalaki. Tumatawa at himas ang tiyan itong tumayo. "I will do the dishes."
"Hindi, ako na."
"Ako na."
Nagpaubaya si Patricia.
Common decision nina Vaughn Eric at Patricia na hindi na sila magra-rice para sa dinner, sa halip, suhestiyon ng lalaki, mag-barbeque na lamang sila sa tabing-dagat. Sa simula gustong tumanggi ng dalaga. Ang ganoong set-up – barbeque sa tabing-dagat – ay magdadala sa kanilang dalawa sa isang intimate na sitwasyon. Saang anggulo man niya sipatin ay hindi makatarungan para kay Paolo ang kanyang pagpapaubaya sa bawat naisin ng lalaki.
Sa totoo lang nakakadama ng bahagyang surot ng budhi ang dalaga. Kausap niya sa telepono si Paolo kanina. Nasa kanya na sana ang lahat ng pagkakataon upang magsabi ng totoo sa nobyo, ngunit pinangatawanan niya ang pagsisinungaling. Nanindigan siyang kasama niya si Camille sa isang espesyal na slimming event dito sa lalawigan ng Camarines Sur kung saan silang dalawa ang naanyayahang magsilbing resource persons.
"Ok, hon, mag-iingat ka dyan, ha," paalala ni Paolo. "I miss you. Most of all, I love you."
"Love you, too, Paw-Paw."
Ngunit katwiran ni Patricia, mag-aaway sila nang husto ni Paolo kung magsasabi siya ng totoo. She had come to a point na wala nang pagpipilian kundi ang sunggaban ang isang oportunidad na magsasalba sa buhay ng kanyang ina. Ang kanyang naging desisyon ay kailanman hindi kayang unawain ng selosong nobyo kaya minarapat niyang itago na lamang sa lalaki ang lahat.
Ang nalalabing panabla ni Patricia ay ang manatiling tapat sa nobyo. Ang anyaya ni Vaughn Eric para sa isang barbeque sa dalampasigan ay tila isang pagyurak sa pagkalalaki ni Paolo, at paglapastangan sa kanilang relasyon. Kaya gusto niyang tumanggi sa simula.
Ngunit sa dulo, naisip niyang killjoy siya. Ang ganda-ganda ng lugar, ang ganda-ganda ng bawat sandali pero bakit gusto niyang pagdamutan ang sarili? Once in a blue moon lamang siya magkaroon ng ganitong pagkakataon kaya sa huli ay ipinasya niyang iwaglit pansamantala ang mga alalahanin. Lalo pa't nakausap din niya sa telepono ang kapatid na si Carlo at sinabi nitong nakakaupo na ang kanilang ina at unti-unti nang nanunumbalik ang lakas ng katawan.
Besides, parang mahirap patahanin ang kanyang kalooban na napuno ng pananabik nang magbigay ng anunsiyo si Vaughn Eric.
Napabuntonghininga si Patricia. Alright, enjoy while the moment lasts, aniya saka ipinasyang ilabas na ng freezer ang mga liyempo para sa kanilang barbeque.
"This is what I've always longed for," mahinang wika ni Vaughn Eric. Nakaupo ito sa buhangin sa tabi ng bonfire, nakasalikop sa mahahabang biyas ang mga kamay habang pinapanood ang unti-unting paglubog ng araw. "So quiet. So calm."
Sa mismong likuran ng lalaki, nakalatag ang isang beach blanket kung saan nakaupo mula sa pinakamalayong dulo si Patricia. Sa gitna ng malaking kumot nakalatag ang mga kailangan nila para sa barbeque, kasama na ang mataas na botelya ng isang champagne na nakatanim sa isang bucket na puno ng binasag na yelo.
Ang dalaga man sa kinauupuan ay namamangha sa nakikitang transpormasyon ng paligid – mula sa maliwanag na daigdig hanggang sa mabilis na pagkakahulog ng dilim. Sa totoo lang, may bahid ng lungkot para sa dalaga ang nakikitang pamamaalam ng araw. Naalala niya ang kanyang ama. Bata pa siya, madalas silang dalhin ng kanilang ina sa Manila Bay at pinapanood din nila ang dapithapon. Sasabihin noon ng kanilang nanay, "Ilang ganyan na lang, uuwi na ang inyong tatay."
Walang-wala sa hinagap niya na may dapithapon pa siyang masasaksihan ngunit hulas sa kanyang dibdib ang pananabik para sa pagbabalik ng ama.
Tuluyan nang sinakmal ng damdamin si Patricia. Miss na miss na kita, daing ng kanyang puso. Tulungan mo akong maging matatag.
"Umiiyak ka ba, Trish?"
Mabilis na pinahid ng dalaga ang mga pumatak na luha. Bahagya siyang ngumiti saka umiling-iling. "Na-miss ko lang bigla ang tatay ko." Mabilis niyang ikinuwento sa lalaki ang Manila Bay drama nilang mag-iina.
"Mahal na mahal mo tatay mo," komento ni Vaughn Eric.
Tumangu-tango siya, at inaming, "Papa's girl ako e. Mahal na mahal din ako ng tatay ko. Sinasabi niya, manang-mana ako sa kanya."
"Mabuti ka pa." Marahas na buntonghininga ng lalaki. Tuluyan nitong tinalikdan ang sunset upang harapin ang dalaga. Kapwa sila nasa magkabilang dulo ng blanket. "Ako nga hindi ko nakilala ang tatay ko."
Napamaang si Patricia.
Iginagalang ng lipunan ang pamilya ng mga Romulo, kaya nang biglang magdalantao ang ina ni Vaughn Eric na si Emerita ay agad itong ipinatapon sa Europa, lalo pa't natuklasan ng mga Romulo na tsuper lamang ni Emerita ang lalaking sabi ng mga magulang ay naghasik ng lason sa kanilang pangalan.
Sa Europa isinilang at lumaki si Vaughn Eric. Doon din siya nakapag-aral hanggang sa makapagtapos siya ng kursong Liberal Arts kung saan nahubog ang kanyang intellectual capacities para sa medieval arts.
Diborsiyado si Vaughn Eric. Beinte siyete siya nang magpakasal sa isang babaeng Aleman na aktres sa isang teatro. Ngunit bata pa lamang si Vaughn Eric ay pangarap na niyang makabuo ng isang sariling pamilya – iyong hindi katulad ng nabuo nilang mag-ina. Kaya kaagad siyang nag-file ng diborsiyo nang sa ikatlong ulit ay sumailalim sa aborsiyon ang kanyang asawa. Katwiran ng babae, mahigpit ang kompetisyon ng mga aktor sa Europa kaya mawala ka lang ng kaunting panahon ay wala ka nang career na babalikan. Sa madaling sabi, ayaw ng babae na magbuntis.
Sa Europa, maraming kakilala at kaibigang mga Pinoy sina Vaughn Eric at ang inang si Emerita. Tuluyang itinakwil ni Emerita ang pamilya sa Pilipinas. Nagdala ito ng labis na sama ng loob sa magulang. Gayunma'y hindi nito pinigilan si Vaughn Eric na makilala ang pamilyang pinagmulan. Bago pumasok sa unibersidad, mag-isang umuwi ng Pilipinas si Vaughn Eric batay na rin sa kahilingan ng magulang ng kanyang ina.
Nagustuhan ni Vaughn Eric ang Pilipinas. Anupa't taon-taon, tuwing bakasyon, paulit-ulit siyang bumabalik. Makailang ulit niyang niyaya ang kanyang ina ngunit tila sadyang nakalimot na si Emerita.
Nang mamatay ang mag-asawang Romulo, si Vaughn Eric ang nagmana ng ancestral house sa Laguna at gayundin ng ilang kayamanan. Paliwanag sa testamento ng matatanda, malaki umano ang naging kasalanan ng mga ito kay Emerita at umasang sa pamamagitan ng pagkakaloob ng ari-arian kay Vaughn Eric ay matutubos ang kanilang pagkukulang. Bagay na hindi naman kinontesta ng dalawa pang kapatid ni Emerita.
Bilang isang opisyal ng matatag na bangko sa Europa, malaki ang responsibilidad ni Emerita kaya muli itong nagpaiwan nang ipasya ni Vaughn Eric na sa Pilipinas na muna manirahan upang personal na mapangasiwaan ang kabuhayang iniwan ng mag-asawang Romulo. Ganoon pa man, regular ang paglipad ng binata para makapiling ang nagkakaedad na ring ina.
Treinta na si Vaughn Eric at mahigit isang taon na rin siyang nananatili sa Pilipinas. Wala siyang kakayahan magpatakbo ng negosyo ngunit nagkaroon siya ng mga pinagkakatiwalaan na siyang namamahala ng negosyo para sa kanya.
Sa kanyang edad, nananatili kay Vaughn Eric ang pangarap para sa isang buo at masayang pamilya. Marami siyang kalaro sa kama. Anytime na naghuhuramento ang kanyang sandata ay laging may available na babae para ito payapain. Ngunit hanggang ngayon ay tila hindi pa rin matagpuan ng binata ang babaing magpapatibok hindi lamang ng kanyang kamunduhan kundi higit, ng kanyang puso.
"Mag-barbeque na tayo," wika ng lalaki pagkatapos magkuwento. "Ako ang mag-iihaw, prepare ka ng sauce."
"No problem."
Nagsimulang umalingasaw ang iniihaw na karne. Malalim na napahugot ng hininga si Vaughn Eric. "Hmmm, amoy pa lang, nakakabusog na," anitong pumihit. Dinampot mula sa bucket ang champagne saka nagsalin sa dalawang malaking goblet. Inabot kay Patricia ang isa. "For you."
"Salamat." Agad na sumimsim ng kaunti ang dalaga. "Those girls," aniya pagkuwan, "I'm sure magaganda lahat sila."
Kaswal na sumagot si Vaughn Eric, "Oo," anitong bahagyang luminga sa bonfire upang tingnan ang niluluto.
Kumbinsido sa sagot si Patricia. "Mayayaman ding mga babae?"
"Hindi naman," tanggi ng binata. "May ilan, ang ilan naman ay nag-aasta lang." Kumibit nang bahagya ang mga balikat ni Vaughn Eric saka bahagya ring ngumiti. "But it doesn't matter to me. Kung gusto kita, wala naman problema mayaman ka man o pobre."
Ilan nga kayang mga babae iyon? Naisaloob ng dalaga. Lima? 'Sandosena? Hindi alam ng dalaga kung maituturing bang masusuwerte ang mga babaing iyon o mga malas at pawang luka-luka. Ang malinaw sa kanya, those girls are equally lustrous ladies na mabuting tumutugon sa carnal needs ng pintor.
"Nagtataka lang ako," mayamaya'y sambit niya pagkaraan ng ilan pang simsim sa kanyang alak. "May mga babae ka naman, sabi mo nga lahat sila ay magaganda, pero bakit naghanap ka pa ng iba para sa portrait project mong ito?"
Nakangiting humarap muli sa dalaga ang binata. Hawak nito sa magkabilang kamay ang unang set ng lutong barbeque. Inabot sa kanya ang isa saka nagsalita."Alam mo, Trish, kaming mga pintor ay may iba't-ibang appreciation pagdating sa kagandahan. We can find beauty kahit sa tambak ng basura, at kahit pa sa dumi ng kalabaw. But for us, not all beautiful are worth the art. May kanya-kanya silang silbi."

           

"A-anong meron ako para—"

Matuwid na napatitig ang pintor sa kanyang modelo. Matagal. Wari'y sinusuri ang buong pagkatao ni Patricia.

Anupa't gustong pagsisihan ng dalaga kung bakit nagkapag-usisa pa siya ng ganoon. Damang-dama niya ang panunuot ng mga titig ng lalaki. Ang intensidad ay katulad ng kung papano nito iginuguhit ang kanyang kahubdan. Suddenly, she was conscious, alarmed of his predatorial instincts.

"The first time I laid eyes on your photographs sa Distilleria Lauchengco, I told myself I found my subject," paliwanag ni Vaugn Eric. "Your almost-naked body from those photographs propels every mind to the deepest, wildest imagination – huwag nang sabihing mga daliri mo pa lang ay sapat nang magpalasing sa kalalakihan. Your eyes...."

Tila nawawalan ng panimbang si Patricia sa higit pang intensidad ng pagkakatitig ni Vaughn Eric. Pakiramdam niya'y silaw na silaw siya sa kapangyarihang taglay ng mga matang iyon. At kakatwang tila naman wala siyang lakas upang kumawala sa tila mahika ng lalaki. Her eyes wide open, at tila lubos iyong isinusumite sa pang-aaninag ng lalaki.

"Your eyes, Trish, have blown me away." Tila maliliit ngunit maririkit na apoy ang mga katagang pumuslit mula sa bibig ng lalaki. "Punung-puno ng kahulugan. They spark about hell and heaven. Swearing. Enchanting."

Mabilis na napapaso si Patricia. Bigla rin ang paghahabol niya ng hininga.

"And finally, Trish, your lips..." Dahan-dahang umangat ang kamay ni Vaughn Eric. Tila nababato-balaneng inabot ang nakaawang na bibig ng babae.

Kagyat ang lagablab ng apoy na sumakmal kay Patricia. Tila malalagot ang kanyang hininga habang dahan-dahan, buong ingat at pagsambang kinakapa ng mga dulo ng daliri ni Vaughn Eric ang kabuuan ng kanyang mga labi. Tuyung-tuyo ang kanyang lalamunan, habang ang kanyang dibdib ay halos magiba sa kaba.

Sa kabilang dako'y nagsusumigaw ang kanyang isip. Gusto niyang wakasan ang pananakop ng lalaki, gusto niyang iligtas ang sarili sa tiyak na kapahamakan, ngunit mandi'y paralisado ang kanyang kabuuan at walang kakayanang tumalima sa kanyang iniisip.

"Your lips only speaks about the truth," patuloy sa mahinang tinig ang lalaki. "They are medium of so much faith and freedom. But above all, Trish, your lips keep a thousand promise."

Bumabarena sa katinuan ni Patricia ang mga dantay ng kamay ng lalaki sa kanyang bibig, kung papanong tila delubyong sumisira naman sa kanyang damdamin ang agas nitong tinig.

Pagkuwa'y tumahimik si Vaughn Eric. Paulit-ulit itong bumuntunghininga. "God, Trish, you have no idea just how beautiful you are."

Tama ba ang kanyang nakikita? Lipos ng paghahangad ang anyo ni Vaughn Eric. His eyes were pleading, at ang mga daliring nakadantay sa kanyang mga labi ay tila nagmamalimos ng pahintulot upang higit pang maging mapangahas.

Patuloy na tinatangay ng kakaibang hilagyo ang buong pagkatao ni Patricia, kung papanong tuluyan ding naging mabuway ang katwiran ng kanyang isip. Batid niyang wala siya sa posisyon upang pamahalaan ang kanyang damdamin, katunayan ay wala siyang lakas upang harangin ang sarili. Ang solamenteng naghahari sa kanyang kalooban ay ang kapangyarihan at impluwensiya ng lalaki.

Nang lumapit ang mukha ni Vaughn Eric ay dahan-dahang nagsara ang kanyang mga mata. Buo ang disposisyon niyang madurog sa ilalim ng apoy na walang patid na inihahasik ng lalaki.

Bumagsak ang kopitang hawak ni Patricia. "P-please..."

Breathless EncounterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon