CHAPTER SEVEN

4.6K 99 5
                                    




MASAYANG-MASAYA si Patricia nang makita ang ina. Ayon kay Carlo, hapon na kahapon nang makauwi ang magulang mula sa pagamutan, at tama ang kwento ng kanyang bunsong kapatid, malakas na ang kanilang ina at mabilis ang paggaling.

"'Nay," aniyang hinagkan ang ina. Pasandig ang likod na nakahiga ito sa ibabaw ng kama. Paulit-ulit niyang hinagkan ang ina. "Kumusta na kayo?"

"Pat, anak..." Umiyak si Aling Lupe. Inabot nito ang pisngi ni Pastricia.

Kinuha ng dalaga ang kamay, dinampian ng halik. "Ngayon pa kayo iiyak, 'Nay? Ligtas na ho kayo. Magaling na magaling na," aniya. "Ang kailangan n'yo na lamang gawin ay kumain nang kumain para mabilis ang inyong paglakas."

"Na-miss kita, anak."

"Ako, 'Nay, miss na miss ko ho kayo."

"Saan ka galling? Bakit 'antagal mo?"

Saglit na nanahimik si Patricia, bago pagkuwa'y matamis siyang ngumiti sa ina. "Sa probinsiya, 'Nay. May nag-alok ng trabaho doon."

Tumangu-tango si Aling Lupe, pagkuwa'y buong pagkalugod nitong pinagmasdan ang kaisa-isang anak na babae. "Pasensiya ka na, Pat—"

"Shh," agaw ni Patricia. Alam na niya kung saan patungo ang pangungusap ng ina. "Wala kayong dapat ihingi ng paumanhin, 'Nay."

Tuloy sa pagtangis ang matanda. "Napakabuti mo, anak."

"Naku, 'Nay, baka makasama ho sa inyo ang ganyan," aniya. "Ang mabuti pa'y magpahinga na ho kayo."

"At makapag-almusal din ang Ate, 'Nay," wika ni Carlo mula sa dulo ng higaan.

Iniwan ng magkapatid ang ina. Habang tinutungo nila ang kusina, walang patid ang pag-usisa ni Patricia sa kapatid.

"Lahat ng gamut nabili mo?"

"Yes, Ate."

"Ano ang bilin ng duktor?"

"Soft meal lang muna para sa Nanay, Ate. More fruits. More water."

"Hanggang kailan siya mahihiga? Kailan siya pwedeng tumayo?"

"Anytime, 'Te, kapag kaya na ng Nanay."

Magkaharap silang naupo sa hapag. Nagtimpla ng kape si Patricia habang sinasalinan siya ng sinangag ni Carlo.

"Ilang araw kang absent, Carlo?"

"Two days lang, 'Te."

"Si Ate Dolor, babalik pa siya?" Si Dolor ay ang kanilang kapitbahay na napakiusapan nilang magbantay sa kanilang ina sa ospital. Walang anak si Dolor sa asawa nitong isang mekaniko kaya agad naman itong pumayag sa kanilang alok, lalo pa't malapit na malapit naman ito sa kanilang ina.

"Depende sa'yo, 'Te."

Naunawaan ni Patricia, kailangan nila si Dolor hangga't tuluyang manauli ang lakas ng katawan ng kanilang ina. Kailangan niyang bumalik sa trabaho. Hindi naman maaring lumiban sa klase si Carlo.

"Heto pala 'yong tirang pera, 'Te." Inilapag ni Carlo sa ibabaw ng mesa ang bugkos ng salapi. Buo niyang iniwan kay Carlo ang downpayment mula kay Vaughn Eric, gayundin ang treinta mil na nahiram niya kay Camille. Sa kanyang tantiya, kulang beinte mil ang isinauli ng kapatid.

"Kailangan natin si Ate Dolor, Carlo. Hindi pwedeng mag-isa dito sa bahay ang Nanay. Hindi rin puwedeng huminto tayo pareho." Naisip niya ang laman ng brown envelop. Kanina sa eroplano nang siyasatin niya ang laman, nagulat siyang buong dalawang-daang libong piso ang laman ng sisidlan.

Paglapag sa Maynila ay kaagad niyang pinadalhan ng mensahe si Vaughn Eric, ngunit anito'y ituring niyang bonus ang sobrang salapi.

"Ang Kuya Ed?"

Breathless EncounterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon