CHAPTER FIVE

4.2K 100 5
                                    

HUMIGIT-KUMULANG isang-daan ang mga bisitang dumalo sa dinner party. Napuna ni Patricia, mahigit kalahati ay pawang mga dayuhan. Marami ang puti, mayroon ding mga Asyano. Lahat sila ay tuwang-tuwa sa ginaganap na pagdiriwang.

Sabi ni Vaughn Eric habang kumukuha sila ng pagkain, "Hindi ko alam kung matutuwa ako o maaasar."

Kunot-noong tiningnan niya ang lalaki. "Saan? Kanino?"

"Hindi mo ba napapansin, ang mga luku-lukong Kano, pinapapak ka ng tingin," sabi ng binata habang naglalagay ng pagkain sa sariling pinggan. "Masisiyahan ba ako dahil alam kong inggit na inggit sila sa akin o maghuhuramentado dahil parang ginagago nila ako?"

Gustong malaglag mula sa pagkakapusod ang mahabang buhok ni Patricia. Pakiramdam niya'y dumagdag pa ang kanyang ganda. "Naku, Vaughn, magtigil ka," babala niya. "Ang ganyan kalalaking tao, baka isang tulak lang sa'yo, e, sumadsad ka."

"Gusto mo akong subukan, Trish?"

Napatitig siya sa lalaki, at gusto niyang magulat dahil tila seryusung-seryuso ito. "You're just cracking another joke, aren't you?" tanong niya.

"Mukha ba akong nagbibiro?"

Napabuntonghininga si Patricia. "Gusto mo umuwi na lang tayo? Hindi ba sabi mo, narito tayo para mag-enjoy, pero bakit parang away ang hanap mo?"

"Nakakapikon."

"Forget about it, Vaughn. Kumain na tayo."

Nagdala rin ng dalawang basong red wine si Vaughn Eric sa kanilang mesa. Patapos na silang kumain nang isa-isang ipakilala ni John ang mga bisita. Napag-alaman nila, mga Australyano at

Amerikano ang mga puting panauhin, kabilang na ang kababaihan, samantalang mga Koryano naman at Hapones ang mula sa Asya.

"And finally, my dear guests, I would like you to meet my very special guest for tonight – Vaughn Eric Romulo and his Lady. They are the sole couple of Isla Verde."

Sabay na tumayo ang dalawa, kumaway sa mga bisita.

Nagpatuloy si John. "Vaughn Eric Romulo is Europe's known portrait painter. I'm glad he considered this peninsula for his holiday. May you have an excellent stay, Mr. Romulo!"

Mula sa kinaroroonan, naghagis ng saludo ang pintor kay John.

Lumipas ang mga sandali. Patuloy na nagsalin ng alak para sa kanilang dalawa si Vaughn Eric. Mayamaya ay nakiumpok sa kanila si John. Ilang sandali ng kuwentuhan, inuman at tawanan ang pinagsaluhan ng dalawang lalaki, hanggang sa anyayahan sila ni John na magtungo sa lobby ng hotel, anito'y upang matingnan at tayain ni Vaughn Eric ang mga kuwadrong nakasabit doon.

Sa totoo lang hindi masyadong interesante kay Patricia ang mga portrait-portrait. Anupa't habang nagdidiskusyon ang dalawang lalaki sa harap ng isang larawan ay patuloy na humakbang ang dalaga patungo sa ibang panig ng lobby. Mayamaya siya kung mag-hi and hello sa mga nakakasalubong na bisita ring katulad niya, na nakikiusyuso rin sa mga larawan na nagsisilbing tampok ng malaking bulwagan.

Hanggang sa magawi siya sa isang bahagi ng lobby kung saan nakahilera ang iba't-ibang preserved marine life mula isda, varieties ng sea orchins, cocumbers, king crabs, mga corals at iba't-ibang shellfish. Nagtataka siya kung ano ang ginawang proseso upang ma-preserve ang mga ito without altering their original appearance.

Ilang sandali niyang binistahan ang mga inabusong marine life, sinubukang hawakan isa-isa hanggang sa agawin ang kanyang atensiyon ng manipis at kontroladong halakhak ng isang babae. Tumuwid si Patricia saka iginala ang mata. Nakita niyang halos maglambitin kay Vaughn Eric ang isang mestisang babae. Maigsi ang buhok, gayundin ang suot, at agad nagkaroon ng impresyon sa sarili si Patricia na iyon ay isang mumurahing babae.

Breathless EncounterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon