CHAPTER FOUR

4.9K 96 3
                                    

MAKIROT sa mga mata ni Patricia ang tama ng mga unang silahis ng araw. Ang gayong pakiramdam ay manipestasyon na hindi nagkaroon ng sapat na pahinga ang kanyang mga mata. Oo, napuyat ang dalaga. Bagaman maagang natapos ang kanilang gabi ni Vaughn Eric ay naging mailap naman sa kanya ang antok.

Pinuyat siya ng bagabag, at, panghihinayang?

Bagabag sapagkat napagtanto niyang bawat sandali na kasama niya si Vaughn Eric sa islang ito ay nakaamba sa kanya ang panganib. Panganib na natuos niyang hindi niya kayang iwasan, manapa'y panganib na kusa niyang haharapin at tatanggapin.

Alam ng dalaga ang mga konsekwensiya at komplikasyon na maaring idulot sakaling tuluyan siyang mahulog sa bitag na tila inuumang ng lalaki. Una, mapapabilang siya sa listahan ng mga babaing napaglaruan ng pintor. Sabi ni Vaughn Eric, siya ay bukod-tangi, ngunit ano pa ang magiging kaibhan niya sakaling magpatihulog siya sa patibong ng lalaki? At ikalawa, sisirain niya ang relasyon nila ng nobyong si Paolo. Bagaman, siyempre, walang maririnig na anuman mula sa kanya ang nobyo, ngunit hindi alam ni Patricia kung makakaya niyang itago kay Paolo ang ngatngat ng kanyang budhi.

Sa kabilang dako, aminado ang maraming bahagi ng kanyang pagkababae na pinanghihinayangan niya na biglang nagwakas ang mga sandali. Ang natatandaan ni Patricia ay paimpit siyang napadaing sa antisipasyon nang makita niyang nagbabanta ang lalaki na angkinin ang kanyang mga labi. Ganap ang kawalan niya ng kontrol sa sarili at hindi niya namalayang humulagpos mula sa kanyang kamay ang kopita.

Ang malamig na likidong laman ng baso ay tumapon sa kabilang bisig ni Vaughn Eric, at nagsilbing mabisang paraan upang kagyat na apulahin ang apoy na bumabalot sa katauhan ng lalaki. Pabigla nitong binawi ang kamay mula sa bibig ng babae, at saka sinabing, "I was getting out of line,

sensiya na, Trish," anito. "Pero 'yong mga sinabi ko, totoo ang lahat and they made you different. I would say, you're a woman of greater substance."

Nawalan na ng kahulugan kay Patricia ang mga sinabi ng lalaki. Ang mahalaga sa kanya noong mga sandaling iyon ay makawala na sa paningin ng lalaki. Mapag-isa at makapag-isip. Aminin man sa hindi ng dalaga, lubha siyang napuyat hindi dahil sa mga pangamba, kundi dahil pilit tinutuklas ng kanyang diwa ang maari sanang naging mga tagpo kung hindi nahulog ang hawak na baso.

Kung siya ang masusunod, hindi gugustuhin ni Patricia na magpakita pa sa lalaki kinabukasan. Ngunit batid din niyang may kompromiso siyang dapat na tuparin. Ang maari niyang magawa ay pilitin ang sarili na huwag padaig sa kaway ng tukso. Ngunit pakiwari niya'y nagsimula siyang pamulahan ng mukha nang dumulog sa hapag para sa kanilang almusal na muling inihanda ng pintor.

Ang mainam kay Vaughn Eric ay tila bihasa itong kalamayin ang hindi komportableng mga pagkakataon. Binubuhay nito ang usapan, sinisikap maging masigla na para bang wala silang pinagdaanan. Naisip ng dalaga, lubha ngang karaniwan para kay Vaughn Eric ang mga gayong engkuwentro, samantalang halos malagutan naman siya ng hininga.

"I'm done with my sketching yesterday, ngayon ay sisimulan ko nang magpinta," anito. "Though, I would say, this process is quite tedious pero sana matapos natin hanggang bukas."

Tumangu-tango lamang si Patricia. "Ok."

"Trish?"

Napatingin siya sa lalaki. Nag-uusisa ang kanyang mga mata.

"I'm sorry about last night."

Sinikap ng dalaga na maging kalmado. Naalala niya ang sinabi ng lalaki, her eyes spark with heaven and hell. At tila masyado nang nadedehado ang kanyang pagiging babae sa paulit-ulit niyang pagkakaluoy sa ilalim ng kapangyarihan ng lalaki.

Hindi likas sa kanya ang pagiging mahina, katunayan, kilala siyang may matatag na disposisyon at personalidad. Lamang at tila mabilis iyong nahihigop ng binata. Maaring dahil nagpatangay siya at nagpaubaya.

Breathless EncounterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon