t i m p i

6.1K 341 159
                                    

timpi

(v.) to control one's self

- Laureta, Isabelle

xxx

Oh? Andyan pa rin kayo? Akala ko, umalis na kayo.

Lahat naman kasi, iyon ang ginagawa. Wala nang nakakagulat. 

Ipagpatuloy natin ang kuwento ng buwan at ng mundo. Teka muna, ha. Itong pagkukwento ko, bale... sinisilip lang natin ang nakaraan. Bago ko pa man ikuwento 'to sa inyo, nangyari na 'tong lahat, kaya kahit anong mangyari habang kinukwento ko 'to, hindi na natin mababago ang katapusan. Wala na. Tapos na ang lahat. Ikinukwento ko na lang para... 

...patas sa mundo at sa buwan.

Sabay kaming inihatid ni Ezekiel noong araw na iyon, ako at si Caius, ngunit nauna naming inihatid ang bata. Hindi naman sa gusto ko syang itago pero... parang ganoon nga. Makailang-ulit ko rin namang inisip. Noong una pa lang. Noong hindi pa humihinga ang bata. Noong wala pang bata, namumuong dugo pa lang. Makailang-ulit kong tinanong ang sarili ko, makailang-beses kong kinuwestiyon ang mga sarili kong desisyon.

Pero patuloy sa pag-iling ang buwan.

Itatago natin ang batang tala.

Itatago natin ang batang tala, hindi dahil takot ang buwang kinukwento ko sa inyo na kunin ito ng mundo.

Itatago ng buwan ang tala dahil hindi naman nito nakikitang magbabago ang kinalalagyan nila ngayon, kung sakali mang malaman ng mundo. Gaya ng sinabi ko noong una, may bagong ikot na ang mundo. Hindi na nito kilala ang buwan. 

Wala nang nakakakilala sa buwan kundi ang tala.

Tuwang-tuwa naman si Caius kay Ezekiel. Dahil, iyon nga, mabait 'yung tao, ayaw magpatawag ng Daddy. O kaya Tatay. Papa. Kahit ano. Tito Kiel lang daw, dahil hindi naman nya ugaling burahin ang mga yapak ng mundo sa buwan at palitan ng kanya.

Noong bababa na ang tala, nagtatalon ito. Mama! Kiss mo si Tito Kiel!

Ngumiti lang si Kiel, pero hinalikan ko sya sa pisngi. Hindi ko rin alam kung tama ang ginagawa ko, pero ilang beses ko naman syang pinaalalahanan na wala lang iyon, dahil araw-araw namang humihingi ng kiss si Caius mula sa aming dalawa. Dapat pala, hindi muna ako pumasok pagkatapos naming ihatid ang napakalikot na tala.

Sigurado ka bang handa ka nang pumasok? Tanong ni Ezekiel. Baka manibago ka.

Medyo may utak naman ako, Kiel. Try kong hasain ngayon ulit, para hindi pumurol. 

Ngumiti ng malungkot ang binata. Nagbago ka na talaga, Maine.

Ngumiti na lang ako pabalik. Alam ko, Kiel.

Inaya pa nga nya akong kumain muna. Dapat pala, pinaunlakan ko na sya. Hindi ko naman kasi lubos-maisip na... makikita ko ang mundo at ang pag-ibig sa iisang araw.

Ngayon pa lang, dinudurog ko na ang mga pangarap nyo. Hindi totoo ang mga teleserye. Hindi totoo ang mga pelikula. Hindi ko sya dahan-dahang nakita. Hindi tumigil ang oras. Hindi nawala ang lahat sa paligid ko.

Wala nga akong naramdaman, eh. Kung tutuusin, dapat naghuhumerantado na ang aking puso at hindi na mapakali ang aking kalamnan noong narinig ko rin ang bulungan ng aking mga kaklase na sobrang gwapo raw ng lalaking nasa unahan. Hindi naman sila binigo ng mundo at ng malalim na biloy nito.

Kung mayroon kayong hindi maintindihan sa kuwento ko, pasensya na. Minsan, magulo ako magkuwento. Minsan, pinipili ko ang mga bagay na dapat sabihin at hindi. Minsan, gusto ko lang kalikutin ang utak nyo para mag-isip, para mahirapan din kayo, hindi ba? Ang literatura ay hindi lang dapat makulong sa mga matatamis at nakakatawang salitaan ng mga bida. 

The Devil Who Danced At MidnightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon