3: HAMMIRR

56 2 0
                                    


"Mahal na hari, babalik po ako sa probinsiya ng Terndernez upang muling magsiyasat," ani Amdim matapos magtungo sa silid-tanggapan ng hari.

Naabutan ng unang heneral si Hammirr na kasalukuyang nag-aaral ng ilang mga sulating nakalap tungkol sa bagay na hinahanap nila.

Tumango ang hari pagkakita kay Amdim kaya nagpatuloy ang binatang heneral. "Ayon po sa ating tagapagsiyasat na si Miyen ay mayroon silang namatyagang lalaki na nagtungo sa guhong mansyon na ating nasiyasat. Sa ngayon ay patuloy nilang hinahanap ang lalaking iyon—kaya kung inyong pahihintulutan ay nais kong tumulong sa operasyon na ginagawa nina Miyen, kamahalan," suhestyon niya.

"Gawin mo ang alam mong mas makabubuti—si heneral Zoria na lamang muna ang maiiwan dito sa palasyo," tugon ng hari.

Matapos sumang-ayon ng hari sa nais ng unang heneral ay nagtungo agad ito sa probinsiya ng Tendernez kasama ang pulutong na kawal upang magsiyasat sa nasabing estrangherong lalaki.

Noong mga sandaling iyon naman ay nanatili muna sa palasyo ang hari ng higit isang linggo para sa pagdadalamhati sa yumaong kapatid at protektor.

Nagbilin din siya sa lahat ng nasa palasyo na pansamantalang limitahan ang pagpasok sa tore ng prinsipe na nasa kanang bahagi ng palasyo.

Ang palasyo ng Serihch, kung titingnan mula sa itaas ay mistulang hugis ng clover na may limang dahon.

Sa unang dahon sa kanan ay ang tore kung saan ginaganap ang iilang pagtitipon, handaan at mahalagang pulong ng mga kasapi ng mahaharlika sa bansa. Ang ikalawang dahon sa kanan naman ay ang tore ng prinsipe na si Cazmir. Ang gitnang tore, na siyang pinakamataas ay tinatawag din na tore ng bantayan na sa pinakatuktok ay makikita ang portal patungo sa Welkinnova.

Ang unang dahon naman sa kaliwa ay tore ng mga heneral at kawal habang ang ikalawang dahon ay ang tore ng mahal na hari.

Sa pinakabungad ng bawat tore ay isang malawak na bulwagan na makikita rin sa kanan ang hardin ng kalituhan, liwasan na nasa kaliwa at iba pang nagbibigay kulay sa palasyo bago humantong sa ikatlong tarangkahan. Mayroon kasing tatlong tarangkahan na madadaanan bago tuluyang makapasok sa palasyo.

Sa likuran ng palasyo ay makikita ang napakataas na bangin na ang ibaba ay ilog na diretso sa karagatan ng Eloim Osean. Mayroong himpilan sa bandang likod-lagusan upang magmatyag kung may paparating na kung sino. Sa dakong ito ginanap ang huling pamamalaam kay Axeliz.

Sa oras na iyon ay naroon ang hari, nakaupo sa isang batong inukit bilang upuan upang magmuni-muni. Hindi kasi maiwaksi ng kaniyang isipan ang nasilayan sa buhok ng kaniyang anak.

Ni hindi sumagi sa isip ni Hammirr na pipiliin ng Supramisia ang nag-iisa niyang anak.

Tahimik na nakatanaw ang ginoo sa karagatan ng Eloim Osean ng biglang dumating ang lalaking may anim na talampakan ang taas, balbasero ang mukha na may tatlong malalalim na kalmot sa kaliwang pisngi. Mapapansin din ang maskulado nitong pangangatawan kahit pa nakasuot ito ng baluting pangheneral.

"Mahal na hari, narito lang po pala kayo," anas ni Zoria, ang ikalawang heneral. Saka ito yumukod upang magbigay galang.

Nang sumenyas ang hari ay muli itong tumugon.

"Isang magandang balita, mahal na hari. Sa wakas ay nahuli na rin ang dalawang ginoo na kasama noon ni Oldnick sa malawakang pagtakas sa isla ng Kavak. Natunton sila sa puting lupain—"

THE REALMS 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon