Chapter 31 - Ang Mangkukulam

2.9K 146 14
                                    

Lumabas si Pepe mula sa dilim ng eskinita sa likod ng kanilang bahay. Walang masyadong tao dito kaya dito niya naisipan na dumaan. Sa harap kasi ng bahay nila ay madadaanan niya ang kanilang mga kapitbahay na lagi siyang inaasar at malalaman ng nanay niya na umalis siya.

Habang naglalakad ay bahagyang tumatalbog ang kanyang beltbag sa kanyang baywang at kasabay nito ay kumakabog naman ang kanyang dibdib dahil hindi niya alam kung ano ang mangyayari ngayong gabi. Gayunpaman, kailangan niyang sumulong para sa kanyang kaibigan, hindi lang dahil sa pangako niya sa kapatid nito kung hindi dahil din sa ilang ulit na pagligtas nito sa kanya mula sa mga magnanakaw sa kanilang lugar. Pumara siya ng bus papunta sa Fairview, Quezon City, "Sana hindi trapik", isip niya.

Alas-diyes na ng gabi ng dumating si Pepe sa Fairview, "Grabe talaga ang trapik sa EDSA," sabi niya. Sumakay uli siya ng jeep at bumaba sa Maynilad Central Depot sa Quirino Highway, malapit dito ang La Mesa Eco Park. Mula doon ay ilang daang metro na lamang ang layo ng kumpanya na pakay niya. Naglakad si Pepe, "Teka, bakit wala namang yung building?" Tinignan ni Pepe ang paligid pero wala ang gusali na nasa larawan at wala ring ilaw na senyales ng isang kumpanya. Naglakad pa si Pepe sa Quirino Highway subalit wala pa rin ito, "Bakit ganun? Imposible naman na mali ang impormasyon ni Elena."

Sa kanan niya ay isang mahabang pader. Umakyat si Pepe dito at humarap sa kaliwa at ginalugad ng kanyang mata ang mga gusali at bahay, "Wala talaga". Ngayon ay humarap siya sa gubat ng La Mesa, "May ilaw doon!" sabi niya. Tumalon si Pepe sa kabila ng pader at tumapak sa lupa ng kagubatan.

Umagos ang malamig na hangin mula sa loob ng gubat sa katawan ni Pepe. Marahan siyang naglakad sa ilalim ng matataas na puno sa gitna ng kadiliman. Gabay lamang niya ay ang munting ilaw sa di kalayuan. Unti-unti ay lumaki ang ilaw at nadagdagan ito. Mula sa mga dahon ay nasilip niya ang isang malaking gusali na napapalibutan ng matataas na pader. Nakaharap ito sa Quirino Highway at bakas ang gulong ng maraming sasakyan na luminis sa paligid nito.

Mayroong dalawang daang metro ng espasyo mula sa gubat at sa mga pader, "Mahirap pasukin ito at tagong-tago. Malamang ay may kontak sila sa gobyerno," isip niya. Umakyat si Pepe sa isang puno at doon tinignan ang buong paligid, "Totoo nga. Maraming bantay katulad ng sabi ni Elena. Nasaan ka Karl?" isip niya.

Binaybay ng mata niya ang parihabang gusali at ang matataas na pader nito. Sa main gate sa gitna ay mayroong dalawang guardhouse. Sa apat na sulok naman sa loob ng pader ay mayroong mga tore. Isa-isang tinignan ni Pepe ang mga bantay, "Yun!" isip niya nang makita si Karl na nakatayo sa isang tore, "Ang layo."

Bawat tore ay may isang gwardiya at sa bawat mukha naman ng pader ay mayroong naglalakad na dalawa pa, "Batuhin ko kaya para makuha ang atensyon niya?" Bumaba ng puno si Pepe at kumuha ng maliit na bato. Sinipat niya ang kanyang pakay at bumuwelo bago ito pinakawalan.

Mabilis na lumipad ang bato at tumama ito sa pisngi ni Karl bago tumalbog pababa sa lupa. Humarap si Karl sa direksyon ni Pepe at hinanap ang pinanggalingan ng bato. Hinawi ni Pepe ang mga dahon na tumatakip sa mukha para makita siya, nagkatinginan ang dalawa at agad na tumalon si Karl pababa. "Nakilala niya kaya ako?" Nanatili si Pepe sa puno at hinintay na makalapit ang kaibigan. Tinignan niya ang paligid at wala namang nakita na pagbabago sa kilos ng ibang gwardiya kaya bumaba na siya ng puno. "Karl," mahinang tawag ni Pepe. Tinignan niya ang mukha ng kaibigan subalit wala itong reaksyon at para bang nasa ilalim ito ng mahika.

"Ang lakas naman ng loob mo," sabi ng isang matinis na boses sa likod. Biglang napalingon si Pepe at nakita ang isang maliit at matandang babae na nakatayo sa tabi ng isang malaking puno. Mahaba at itim ang buhok nito; nakasuot ng bestida na may iba't ibang kulay at maraming nakasabit na iba't ibang hugis sa leeg at hikaw.

"Hindi ko siya naramdaman!" isip ni Pepe habang nakatingin sa matanda. "Kanina pa kita pinagmamasdan," sabi ng matanda. May kakaibang lambing sa pagsasalita nito at pagkatapos magsalita ay tumawa.

Aswang Hunter | New BloodWhere stories live. Discover now