Chapter 33 - Sensitibo

2.5K 125 10
                                    


"Kawawa naman sila," isip ni Pepe. Gusto sana niyang itanong kung paano sila namatay subalit maari lamang itong ikalungkot ni Elena kaya itinikom na lang niya ang kanyang bibig.

Dumating sila sa dulo ng maikling hallway, bumukas ang pinto ng Infirmary at pumasok sila. Puti ang kulay ng kwarto pati ang mga kagamitan nito. Isang malaking flatscreen TV na konektado sa kanang pader ang nakaharap sa kanila. Sa ilalim ng TV ay may isang pahabang lamesa at sa likod ng lamesa ay mayroong puting kurtina na tumatakip sa kung anuman ang meron sa likod. Sa harap naman ng lamesa ay mayroong couch na nakasandal sa gilid.

Naglakad si Elena sa kaliwang parte ng kwarto at lumampas sa kurtina. Apat na malilinis na kama ang nandoon. "High tech itong mga ito," isip ni Pepe nang makita ang mga aparato sa tabi ng mga kama. Hiniga ni Elena si Pepe sa isa dito at hinila ang mga kurtina sa paligid para matakpan sila.

"Mas bibilis gumaling ang mga sugat mo sa ilaw na ito," sabi ni Elena matapos itapat ang isang pabilog na ilaw sa katawan ni Pepe. Napapikit ang binatilyo sa ilaw at hinarang niya ang kanyang kaliwang kamay sa mukha. Pagkatapos nito ay nakaramdam siya ng paghinga sa kanang tenga, "Wala kang ibang ikikilos maliban sa mga sasabihin ko," bulong ni Elena.

"Ha? Anong gagawin niya?" Isip ni Pepe.

"Higa ng mabuti," sabi ni Elena. Bumaba ang kamay ni Pepe sa kanyang gilid at umayos ang kanyang paa at katawan sa kama. Sinubukan niyang kumilos pero hindi niya ito magawa. Tumalikod si Elena kay Pepe, hinawi niya ang kurtina at naglakad palabas. Isang agos ng tubig mula sa isang gripo ang narinig ni Pepe at pagkatapos nito ay pumasok si Elena sa kurtina na may tinutulak na tray. Laman ng tray ay isang palanggana na may tubig at isang maliit na tuwalya ang nakatiklop sa gilid.

Tumayo si Elena isang hakbang ang layo mula sa kama, "Itaas ang dalawang braso at kamay," sabi niya. Kumilos ang mga braso at kamay ni Pepe at tumuro ito sa kisame. Bagama't kita ni Pepe si Elena sa gilid ng kanyang mata, hindi naman niya mapihit ang ulo niya para tuluyang makita ang ginagawa nito.

Kumilos ang mga kamay at daliri ni Elena na para bang may tinutulak pakaliwa. Kasabay naman nito ay umakyat ang damit ni Pepe sa kanyang dibdib. Umakyat pa ito sa leeg niya at mabilis na natanggal.

"Hala!" sabi ni Pepe, "Hinuhubaran mo ako!"

Walang imik si Elena. Tinaas niya ang kanyang kaliwang kamay at lumutang ang damit ni Pepe sa tapat ng ulo niya. "Dahan dahan ibaba ang braso," sabi ni Elena at nangyari nga ang kanyang sinabi at bumalik sa gilid ni Pepe ang mga ito. Pagkatapos nito ay sabay ulit kumilos ang mga kamay ni Elena na parang bang nagtitiklop ng damit at nakita ni Pepe na tumitiklop ang damit niyang nakalutang sa hangin. Itinuro ng kaliwang kamay ni Elena ang ilalim ng tray at lumipad ang damit ni Pepe papunta doon.

"Kailan kaya nila ako tuturuan ng ganito? Parehas sila ni Lola na ginagawa ito eh, parang telekenesis!" isip ni Pepe.

Ang kanang kamay naman ni Elena ang tumaas at lumutang ang isang puting tuwalya sa tabi ng palanggana. Sumawsaw ito sa palanggana sabay sa kilos ng kanyang kamay. Sunod dito ay nagdikit ang mga kamay ni Elena na parang hawak niya ang towel. Umikot ang tuwalya sa hangin at tumulo ang tubig sa palanggana. Lumutang papalapit sa dibidib ni Pepe ang tuwalya at dumikit ito sa kanyang balat. Napahinga ng malalim si Pepe sa init ng tuwalya at napapikit ang kanyang mga mata. Dahan-dahan pumunas ang tuwalya sa katawan niya. Sinunod nito ang bawat galaw ng kamay ni Elena at nalinis ang kanyang mga sugat.

Lumutang muli ang tuwalya pabalik sa palanggana at umikot-ikot ito para mabanlawan. Bumalik ang pagkaputi nito matapos mapiga at pinunasan ulit ni Elena si Pepe.

"Ahhh, ang sarap," isip ni Pepe.

Bumalik ang tuwalya sa palanggana, "Hay salamat tapos na," isip ni Pepe subalit nagulat siya sa sunod na nangyari. Naramdaman niya na mayroong kumakalas ng kanyang sinturon at beltbag, "Hoy! Wait lang!" isip niya subalit hindi tumigil si Elena. Umangat ang mga ito at pumunta sa ilalim ng tray.

Aswang Hunter | New BloodWhere stories live. Discover now