Chapter Four

149K 6.6K 783
                                    

Chapter Four


"Yngrid."

Nilingon ko ang isang matandang babae. Kamukha nya ang Mama ko, pero hindi sya ganito katanda nang huli ko syang makita. Hindi sya umaalis sa pwesto na kinatatayuan nya, sampung hakbang mula sa akin. Nakatingin lang sya habang umiiyak. Natakip ang dalawa niyang kamay sa bibig niya habang nakatingin sa akin.

Tinitigan ko sya. Sino sya?

"Yngrid." Dahan dahan syang lumapit sa akin. "Anak."

Ilang segundo bago ko nagawang sumagot. Tinawag niya akong anak. Siya nga ang Mama ko?

"Ikaw ang Mama ko?" tanong ko sa kanya.

Napatigil sya nang marinig ang boses ko. Napansin ba niyang kakaiba ito? Mas lumakas ang iyak nya. Napaupo sya sa sahig malapit sa akin.

"Tita!" Nag-aalalang lumapit sa kanya ang lalaking nakita ko kanina. Nakasuot na sya ngayon ng damit. "Tita. Nagtagumpay kayo. Nabuhay nyo sya. Tiyak na matutuwa nito si Tito!" nakangiting sabi ng lalaki. Nilingon nya ako. "Ako si Andrew, pinsan mo ako. Natatandaan mo pa ba ako?"

Pinsan ko na si Andrew? Pero imposible 'yon dahil bata pa si Andrew. Ang lalaking nasa harap ko ay mukhang mas matanda ng sampung taon sa pinsan ko.

"Andrew, anak ka ng kapatid ni Mama; si Tito Louie."

Ngumiti sa akin ng todo ang lalaki. "Welcome back, Ate Yngrid. Masaya akong makita ka ulit. Mas matanda na ako sa'yo ngayon. Nineteen years old na ako."

Nineteen. Nine years old lang sya noong huli ko syang nakita. Isa kaya itong panaginip?

"Yngrid, anak ko!" Niyakap ako ng babaeng kamukha ni Mama. Sya ba si Mama? "Akala namin ng Papa mo nabigo kami. Pero nagising ka, anak. Hindi ako makapaniwala," umiiyak na sabi nya sa akin.

"Ikaw ba ang Mama ko?" tanong ko sa kanya.

"Oo anak." Humiwalay sya ng yakap sa akin para tignan at hawakan ang mukha ko. Patuloy sa pagtulo ang luha niya. "Ako nga ang Mama mo." Tumigil sya sa pag-iyak at pinunasan ang pisngi nya gamit ang dalawa nyang kamay. Tinignan nya ako mula ulo hanggang paa. Nakasuot lang ako ng puting bestida. "Ano'ng nararamdaman mo?"

Hindi ko sya sinagot. Ano ang nararamdaman ko?

"Oo nga pinsan? Ano'ng nararamdaman mo? Nagulat ka ba? Mas matangkad na ako sa'yo ngayon," nakangiting tanong sa akin ng pinsan ko.

Matagal bago ako nakasagot. Maraming tanong sa isip ko pero parang hindi naman importante sa akin kung masasagot sila. May nagbago sa akin. Hindi ako ganito dati, kilala ko ang sarili ko. Tinignan ko ang kamay ko; maging ang linya sa palad ko ay parang nag-iba.

"Wala akong nararamdaman," diretso kong sabi.

Tumingin ako sa bintanang salamin. Madilim na sa labas. Nakikita ko ang repleksyon ng mukha ko. Walang emosyon. Blanko. Bakit ganito?

"Wala akong nararamdaman na kahit ano." Tumingin ako sa kanilang dalawa. Namumutla ang mga mukha nila.

Tumingin ako sa katawan ko. Mas maputi ang kulay ko kaysa sa huli kong natatandaan. Itim na itim ang kulay ng buhok ko. Iba rin ang boses ko. Tinignan ko ulit ang repleksyon ko sa bintana, ganon parin ang mukha ko. Walang pagbabago sa hugis. Pero may nag-iba sa akin at hindi ko alam kung ano.

"Tita! Tita!"

Nakita kong walang malay si Mama, nakahiga sya sa sahig. Tumanda na talaga sya. May mga nadagdag na linya sa mukha nya. May itim din sa ilalim ng mga mata nya. Binuhat sya ng pinsan ko.

"Iaakyat ko muna si Tita." Umakyat ang pinsan ko sa hagdan at nawala na sa paningin ko.

Tumingin ako sa paligid. Nakakita ako ng pinto at nilapitan 'yon. Nakita ko ang labas ng bahay pagkabukas ko ng pinto. Magkakalayo ang mga bahay dito. May kotse sa tapat ng bahay ni Mama. Natatandaan ko ang kotse na 'yon. Madalas akong sumakay doon kapag sinusundo ako ni Mama galing sa school.

Lumabas ako ng bahay. Napansin ko na nakapaa lang ako, nawawala ang sapatos ko o kung meron man, hindi ko alam kung saan ko 'yon hahanapin. Hindi ko matandaan kung nasaan ako. Nagpatuloy lang ako ng paglalakad sa labas. Maraming bahay ako na nalagpasan at hindi ako tinahulan ng mga aso nila. Sa pagkakatanda ko, agresibo dapat ang mga ganitong klase ng aso.

Nilapitan ko ang isang bahay na walang bakod. May aso na nakatali sa labas ng bahay nila. Malaking iyon at kulay itim. Nakatingin ito sa akin at pinag-aaralan ako nang mabuti. Nilapitan ko sya pero tinitigan nya lang ako. Walang reaksyon katulad ko, blanko. Katulad ko ba sya?

Kinagat nya ang kamay ko nang hahawakan ko na ang ulo nya. Malalim ang kagat nya pero hindi ako nakakaramdam ng sakit. Hinila ko ang kamay ko pabalik para tignan ang sugat. Wala akong nakitang dugo.

"Ate Yngrid!" may sumisigaw sa pangalan ko. "Yngrid!"

Si Andrew. Lumayo ako sa aso at naglakad pabalik sa bahay. Hindi ko alam kung paano ko sya naririnig sa layo ng distansya namin. Isa rin ba ito sa mga pagbabago sa katawan ko? Nagkasakit ba ako? Pero nasa kahon ako kanina, wala sa ospital.

"Yngrid!" sigaw nya ulit. "Ate Yngrid!"

Tumakbo ako pabalik.

"Yn-AAAH!!" sigaw nya nang makita nya ako sa harapan nya. Napaupo sya sa kalsada at umatras palayo sa akin.

Tumingin ako sa paligid. May ilang bahay na nagbukas ng ilaw sa labas nila.

"Ate Yngrid?!" malakas na sabi ni Andrew.

Tinignan ko ulit sya. Tumayo na sya at pinagpagan ang likod ng pantalon nya.

"Bakit... Bakit?" Pinilig nya ang ulo nya. Huminga sya nang malalim. "Okay. Pumasok na tayo sa loob ng bahay." Naramdaman ko ang kamay niya na humawak sa braso ko, pero hindi ang init niya.

Sinundan ko sya papasok sa bahay ni Mama. Hinarap nya ako matapos nyang isara ang pinto.

"Una sa lahat pinsan, bawal kang lumabas ng bahay. Pangalawa, pilitin mo na kontrolin ang bilis mo. Paano kung may nakakita sa'yo? Aatakihin sila sa puso."

Naririnig ko parin ang mabilis na tibok ng puso nya. Lub dub. Lub dub.

"Naririnig ko ang puso mo," sabi ko sa kanya.

"Okay, wow, ang galing nito. Kailangan ko 'tong idagdag sa database." Pinagmasdan nya ulit ako. "Sampung taon. Hindi parin ako makapaniwala na posible kang matapos. Gumagalaw ka, nagsasalita at natatandaan mo kami. Ikaw na ikaw yan pinsan, kulang ka lang sa emosyon pero wag kang mag-alala, kaya naming ibalik yan." Naglakad sya papunta sa sala. "Tama tama, emosyon ang kulang sa'yo. Kaya pala ganon ang mukha mo nang makita mo ako kanina." Tumawa sya.

"Hindi ko naiintindihan kung ano ang sinasabi mo."

"Ano'ng nangyari sa kamay mo?" tanong nya.

Tinignan ko ang kamay ko. May bakas ng ngipin ng aso. Ang ganitong kalalim na kagat dapat dumudugo. Sapat na ito para may makagat syang ugat sa kamay ko. Pero wala akong dugo. Bakit wala akong dugo?

"Hwag kang mag-alala, aayusin natin ang kamay mo," sabi sa akin ni Andrew.

"Hindi ako nag-aalala."

"Oo nga pala." Mabagal syang tumango sa akin. "Emosyon. Wala ka nga pala non." Bumuntong hininga sya. Mabagal syang ngumiti. "Pero kahit pa, this is so fucking amazing!"


Project: YngridTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon