Kabanata 1 : Ang Prinsesa

67.9K 3.6K 1K
                                    


Nagising ako nang may narinig akong ingay. Pagdilat ko, muntik na akong mapasigaw dahil sa nakikita ko.

Wala na ako sa attic namin.

Tinignan ko ang paligid. Nakaupo ako ngayon sa isang bumagsak na puno na hindi ko alam kung paano nangyari. Marami ring kakaibang puno sa paligid kaya ang tingin ko ay nasa gubat ako. Pero paano ako napadpad dito? Ang huling naaalala ko, binasa ko ang nakasulat sa kawayan . . .

Pagtingin ko, wala na ang kawayan sa tabi ko pero sa pagkakaalala ko, hawak-hawak ko iyon nang mahigpit nang . . . nang . . . napunta ako sa baul. Tama. Parang may kung anong pwersa ang humatak sa akin galing sa baul at paggising ko, ito na ang naabutan ko.

Hala. Nananaginip ba ako? Hindi kaya nakatulog ako sa attic at panaginip lang 'to? Pero parang totoo lahat. Ang sakit ng katawan ko at hindi ko alam kung bakit. Nasira rin iyong palda ko at nawala ang isang sapatos ko. Noong tinignan ko ang bag ko, nandito pa ang notebooks at books ko. Napahawak ako sa ulo ko dahil hindi ko alam kung nababaliw na ba ako at imahinasyon ko lang lahat ng 'to.

Tumayo ako at pinunit ko iyong nakalaylay na parte ng palda ko kaya naging hanggang tuhod na lang ang haba. Hinanap ko rin ang isa ko pang sapatos pero hindi ko makita sa paligid ko. Ang weird tuloy sa pakiramdam dahil isa lang ang suot ko kaya hinubad ko na lang at naglakad ako nang nakamedyas. Ang hirap din maglakad at iika-ika ako dahil masakit ang kaliwang paa ko.

Pero nasaan ba ako? Bakit nasa gitna ako ng gubat? At saka talaga bang hinigop ako ng lumang baul na iyon? Totoo ba 'to o panaginip lang?

Umupo ulit ako roon sa punong natumba at binuksan ko ang bag ko. Hinanap ko ang phone ko at naalala kong nilapag ko pala iyon sa tabi ng baul habang binabasa ko ang nakasulat sa kawayan.

Bigla naman akong nakarinig ng paglalakad kaya agad akong nagtago sa likod ng isang malaking puno. Kinabahan ako dahil baka mabangis na hayop iyon. Kung kaya ko lang umakyat sa puno ay kanina ko pa ginawa pero hindi ko kaya ngayon dahil sa kalagayan ng paa ko. Hindi ako sumilip doon sa pwesto ko kanina dahil naririnig ko na malapit na rito ang ingay kaya naman niyakap ko na lang nang mahigpit ang bag ko habang nararamdaman ko ang sobrang bilis na pagtibok ng puso ko.

"Anya ay toy?" (Ano ito?)

Nagulat ako nang makarinig ako ng boses kaya kahit mapanganib ay sumilip ako nang kaunti at may nakita akong lalaking nakatayo roon habang hawak-hawak ang kapares ng sapatos ko. Paano niya iyon nakita? Kanina ko pa iyon hinahanap ah? Buti na lang at nilagay ko sa loob ng bag ko iyong isa pa.

Mas lalo akong nagulat nang inamoy niya iyon at hindi ko maiwasang hindi mamula dahil baka kung anong isipin niya. Tinignan ko ang expresyon ng mukha niya pero hindi ko mabasa.

Napatingin ako sa kabuuan ng lalaki at ngayon ko lang napagtanto na naka-bahag lang siya at putong, o iyong telang nakalagay sa ulo, at may nakasabit na espada sa bewang niya. Maganda rin ang pangangatawan niya at kayumanggi ang kutis. Mukhang parte siya ng isang tribo at mukhang nasa liblib na lugar ako. Napasulyap naman ako sa mukha at ewan ko pero parang may kakaiba . . . hindi ko matukoy nang maayos. Basta may kakaiba akong naramdaman sa kanya.

Bigla naman siyang napatingin sa direksyon ko kaya nagtago ulit ako sa likod ng puno pero nagtama ang mga mata namin at alam kong nakita niya ako. Narinig ko ang yapak niya at alam kong naglalakad siya papalapit dito.

Cyrene, mukhang ito na ang katapusan mo!

"Sin-nu ka?" (Sino ka?)

Nagulat ako nang may nakatutok na sa leeg ko na talim at hindi na ako makatingin sa likuran dahil natatakot akong gumalaw.

"Ti kunak sin-nu ka?" (Ang sabi ko, sino ka?)

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon