Kabanata 45 : Habi ng Tadhana

8.4K 916 170
                                    


"Magkikita ulit kayo ni Ridge?" tanong ni Mama habang naghahanda ako ng mga dadalhin sa sala namin.

"Opo, Mama."

Tatlong buwan na ang nakakalipas simula noong makabalik kami sa kasalukuyan at patuloy pa rin ang pagsusulat at pagsasaliksik namin sa anumang kasulatan na may kinalaman sa Kaboloan at kay Urduja.

Sabado ngayon ngunit magkikita kami sa isang pampublikong aklatan. Marami-rami na rin kaming nalaman mula sa mga salin ni Mama at sa kasaysayan ng angkan ni Bagim ngunit nais naming mabuo ang lahat ng nangyari sa Kaboloan at isalaysay sa mundo ang kanilang kinahinatnan. Upang patunayanan na hindi sila haka-haka lamang.

Nagtungo ako sa malaking aklatan sa aming bayan. Mabuti na lamang at bukas ito kahit Sabado at Linggo. Marahil isang dahilan ay nais din ng alkalde na mahikayat ang mga kabataan na magbasa ng mga libro.

Pagdating ko roon ay naabutan ko si Ridge sa bandang tanggapan sa unahan ng gusali. Sukbit niya sa kanyang balikat ang itim na bag habang nakasuot nang kaswal. Nagtama ang aming paningin at agad siyang kumaway sa akin.

Iniwan namin ang aming ID sa tagapangasiwa ng aklatan at tumungo sa bahagi kung nasaan ang hanay ng mga libro tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas. Kumuha si Ridge ng ilan sa mga ito habang naghanap ako ng bakanteng lamesa.

Inilabas ko ang aking kopya ng talaan na isinalin ni Mama sa Filipino at nagsimulang magbanghay. Kung tama ang tantiya namin ay ipinanganak si Urduja taong 1350 at napunta kami sa nakaraan noong 1368. Hindi ito tiyak sapagkat wala namang sapat na pisikal na katibayan upang patunayan ang kanyang pamumuhay. Kami lamang ni Ridge ang natatanging saksi ngunit wala rin kaming matibay na patunay kundi ang kawayang kanyang iniwan sa akin.

Pagbalik ni Ridge ay mayroon na siyang yakap na tumpon ng mga libro.

"Nakapag-outline ka na?" tanong niya.

Unti-unti na rin kaming bumabalik sa pagsasalita ng kasalukuyang sistema ng Filipino. Sa totoo lang ay nasanay na ako sa malalim na Tagalog kaya naman hirap ako noong una lalo na noong bumalik ako sa eskuwelahan. Minsan pa akong natanong ng mga kaklase namin kung bakit tila makaluma raw ang pamamaraan ko ng pagsasalita. Mabuti na lamang at nandyan si Ridge para itama at isalin ang mga nakalimutan ko nang salita.

Tumango naman ako sa kanya. "Pero hindi ko pa rin alam kung tama ang mga taon na inilagay ko."

Napakahirap gumawa ng banghay ng mga nangyari sa Pilipinas bago pa man dumating ang mga Kastila sapagkat halos ang kalahatan ng ating kultura at kasaysayan ay nabura mula sa kanilang pananakop. Ayon kay Mama, kalahati ng ebidensya ng ating kasaysayan ay mula sa mga tala ng ibang mga nayon at bansa—isang patunay na nakikipagkalakalan na ang iba't ibang nayon ng Pilipinas sa mga karatig-bansa tulad ng Tsina, Hapon at Borneo, maging sa mga mula sa malayong karagatan tulad ng India.

"May results na bang binigay si Tito?" tanong niya habang nagbubuklat ng libro,

Umiling naman ako. "Kahapon ko lang naibigay ang samples kay Papa," sagot ko. "Sabi niya ay kinakailangan pa iyong ihanda ng chemists sa grupo niya para sa carbon dating."

Ang mga sinabi ni Mama noong gabing iyon ay mula lamang sa kanyang hinuha ngunit nais naming malaman ang tiyak na panahon ng paglaganap ng kadayangan. Sapagkat ang mga papel sa talaan na ginamit ni Iliway ay mula sa itinuro namin ni Ridge noong panahong iyon, mayroong katiyakan na matutukoy namin ang gulang ng bawat pahina.

Radiocarbon dating ang isa sa mga ginagamit ng archaeologists na tulad ni Papa para rito. Marami pa silang kasalukuyang proyekto kaya hindi niya iyon maasikaso noong mga nakaraang buwan ngunit kahapon ay ipinangako niyang magagawa niya iyon ngayong linggo.

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon