Kabanata 11 : Patungo sa Hangganan

34K 1.8K 276
                                    

Tanging paghampas ng hangin sa mga puno ang naririnig sa kalagitnaan ng gabi. Maliwanag ang mga bituin ngunit wala ang buwan sa kalangitan. Nakadungaw ako sa pawid na bintana sa aking balay, nagmumuni-muni 'pagkat napakaraming bumabagabag sa akin ngayon.

Nagpasya si Urduja na tumungo sa Nayon ng Sambal pagsikat ng araw upang ipagbili ang mga nabihag na mandirigma. Hindi pa rin sang-ayon ang ilang Gabay sa nais niya ngunit buo na ang desisyon niya.

Nabaling ang paningin ko sa bagong markang nakaukit sa aking kamay. Mahirap pa ring paniwalaan ang lahat ngunit unti-unti ko na ring natatanggap. Isa lang ang tungkulin ko sa lugar at panahong ito: ang maging karapat-dapat na babaylan para kay Urduja. Marahil kapag nagawa ko na iyon ay makakabalik na ako sa tunay kong mundo.

"Malalim na naman ang iniisip mo?"

Hindi na ako nagulat nang makita ko si Ridge na nakasandal sa pawid na dingding. Tulad ko ay nakatingin din siya sa langit habang nakahalukipkip ang kanyang mga kamay.

"Hindi ka ba natutulog?" tanong ko at sumilay ang mabilis na ngiti sa kanyang mga labi.

"Ikaw ba?"

Hindi ako nakasagot. At gaya ng ginagawa niya tuwing dumadalaw siya ay pumasok siya sa aking balay at umupo sa sahig. Dala na naman niya ang mapang kanyang iginuhit. Umupo ako sa gilid niya at tiningnan namin ang lugar na aming pupuntahan.

"Sambal . . ." sambit ko.

Ayon kay Anam, ang punong Kalakian, ang mga Sambal ay mga barbarong maituturing. Nakatali ang kanilang kultura sa paniniwala sa mga anito, diyos at diyosa na kanilang ginagamit bilang dahilan sa pagpatay at pagpapalawig ng kanilang lupain. Mainam din silang gumamit ng mga armas at likas sa pakikipaglaban.

Sa mapang iginuhit ni Ridge, makikita na halos magkadikit ang Kaboloan at Sambal ngunit hindi nila nais sakupin ang isa't isa.

"Ayon kay Ditan ay makikipagkita tayo sa hangganan kung saan nagtatagpo ang dalawang nayon," ani ni Ridge habang nakaturo sa linyang naghihiwalay sa Kaboloan at Sambal. "Tiyak na hindi magiging tahimik ang palitang ito kaya kailangan nating maging handa."

Hindi ko na napakinggan pa ang sumunod niyang sinabi at tinitigan ko lang ang kanyang mukha. Naalala ko ang sinabi niya noong napunta rin siya rito at hindi maalis sa isip ko iyon.

"—mga patibong at—"

"Ito ba ang sinasabi mong tadhana?" pagsingit ko kaya napatigil siya sa pagsasalita. Tumingin siya sa akin at naging seryoso naman ang kanyang mukha. "Tadhana ba ang dahilan kung bakit tayo napunta sa nakaraan?"

Ilang minutong katahimikan ang isinagot niya sa akin. Tumingin siya sa itaas at tila naglalakbay ang kanyang isip hanggang sa muli tumungo ang kanyang paningin sa akin.

"Hindi ba sabi mo, napunta ka rito noong binasa mo ang nakasulat sa kawayan na nasa baul na nakatago sa attic ninyo?" tanong niya at tumango naman ako. Sa pagkakatanda ko, ganoon din ang nangyari sa kanya ngunit hindi ko tiyak kung saan niyanakita ang piraso ng kawayan.

"At iyon din ang nagdala sa atin sa gubat, papunta sa lugar na ito," dagdag ko.

"Alam mong galing ako sa angkan ni Bagim." Muli akong tumango. "Matagal nang hinihintay ng aming angkan ang pangyayaring ito."

"Hinihintay?"

"Oo. Ayon sa isang kasulatan na iniwan mismo ni Bagim, darating ang takdang panahon kung kailan magtatagpuan niyang muli ang susi sa nakaraan," sabay tingin niya sa akin. "Ang babaylan."

"At paano mo naman nalaman na ako iyon?"

Bago pa niya masagot ang aking tanong ay parehong nabaling ang aming atensyon sa kaluskos na narinig namin sa labas ng aking balay. Nagtama ang aming mga mata, lihim na nangungusap sa kung sino o ano ang nasa paligid. Sabay kaming tumayo at dahan-dahan akong lumapit sa bintana habang siya ay nakaabang sa may pintuan.

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon