Kabanata 35 : Pulang Buwan

11.1K 951 153
                                    


Isang kahindik-hindik na ingay ang gumising sa aking diwa. Napayakap ako sa aking katawan nang maramdaman ko ang pagtagos ng malamig na hangin sa aking balat. Ilang sandali pa ang lumipas bago ko iminulat ang aking mga mata at kadiliman ang sumilay sa aking paningin.

Sinubok kong tumayo ngunit nanghihina pa rin ang aking mga binti. Pilit kong inalala kung ano ang nangyari at tila rumaragasang ilog ang mga alaalang dumaloy sa aking isipan.

Ang pagkahulog ko sa bangin. Ang paggamit kong kapangyarihan ni Ikapati. Ang pagtaas at pagbagsik ng alon ng dagat kasabay ng biglaang pagsilang ng buwan . . . at sina Iliway at Handiran.

Bagama't nanginginig ay pinilit kong tumayo at lumakad palabas. Doon ko lamang napagtanto na ako ay nasa Balay Parsua. Tila matagal na panahon ang aking ginugol upang makarating sa labasan at napasinghap na lamang ako nang aking masaksihan ang mga kaganapan.

Isang malaki at mataas na siga ng apoy ang bumungad sa aking mga mata. Nakapaligid doon ang ilang mandirigma at Kalakian na narito ngayon sa Kaboloan. Mula sa hindi kalayuan ay tila may ingay sa pook-dasalan kung saan labas-pasok ang ilang babaylan at bakas sa kanilang mga mukha ang lungkot at pag-aalinlangan.

Tila lumubog ang aking puso sa aking natanaw sapagkat batid kong ako ang may kasalanan. Aking ipinahamak ang dalawa kong gabay at bago pa man ako makatulong ay huli na ang lahat.

"Ayos na ba ang iyong pakiramdam?"

Napasikad ako nang marinig ko ang kanyang tinig. Pagtingin ko sa aking kaliwa ay nakasandal sa dingding ng balay si Ridge at tila sumasayaw sa kanyang mukha ang anino ng mga ningas ng apoy. Muling sumagi sa aking isipan ang kanyang pagsagip mula sa aking pagkahulog sa bangin bago ako mawalan ng malay.

Agad naman akong tumango. Nais kong magtanong ngunit tila umurong ang aking dila sapagkat ayaw ko ring malaman ang kasagutan.

"Ligtas si Iliway," sambit niya, "ngunit malala ang kanyang natamong pinsala.

Tila isang mabigat na bato ang naalis sa aking mga balikat nang marinig ko iyon mula sa kanya. Isang malungkot na tingin ang kanyang isinukli—babala na hindi maganda ang sunod niyang iwiwika.

"Mayroong dalawang Karakowa na nakatakas at ayon sa mga tagatanaw ay naroon si Handiran," hayag niya. "Tinangay siya ng Sambal at Namayan."

Hindi ko na napigilan ang aking mga luha ng marinig ko iyon. Nandoon pa rin ang malagim na pag-aalala sa aking mga gabay ngunit isang bahagi ng aking isipan ang nagbigay-pugay sa mga diyos at diyosa sapagkat buhay pa silang dalawa.

"Cyrene . . ."

Lumapit sa akin si Ridge at agad kong pinunasan ang luha sa aking mukha. Isang malalim na hininga ang aking pinakawalan at sinubok kong pakalmahin ang aking sarili.

"A-ayos lamang ako," mahina kong sabi.

Isang nag-aalalang tingin ang kanyang ibinigay. "Huwag mong sisihin ang iyong sarili."

Napatingin ako sa kanyang mga mata na tila nagliliyab gaya ng apoy sa aming harapan. Batid kong nais niyang pagaangin ang aking damdamin ngunit batid ko rin na ako ay nagkulang bilang punong gabay at babaylan.

"Kung naging maagap lamang ako," bulong ko.

"Cyrene," tawag niya at tumuro siya sa itaas.

Sinundan ko ng tingin ang kanyang daliri at napanganga na lamang ako sa aking nakita.

"P-paanong . . ."

"Dahil sa iyo."

Mula sa kalangitan ay nakatanaw ang kalahatan ng buwan na siyang nagbibigay ng tanglaw sa buong nayon. Ngunit sa aking pagkakatanda, kalilipas lamang ng kabilugan ng buwan noong nakaraang araw at isang yugto pa ang tatahakin nito bago muling maging buo. Kaya't paanong . . .

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon