Kabanata 16 : Dakilang Adhikain

30.4K 1.8K 227
                                    

Ilang araw ang makalipas ang nangyaring paglusob ng mga Sambal sa Kaboloan ay nagtalaga si Urduja ng mga mandirigma at Kalakian sa mga hangganan ng nayon bilang mga tagamasid. Nanatili naman ako sa aking balay 'pagkat hindi pa tuluyang bumabalik ang aking lakas na siyang ipinagtataka ko. Ayon sa aking mga gabay, hindi pisikal na lakas kundi ang espiritwal ang ginagamit ng mga babaylan tuwing sila ay lumalaban at kinakailangan ng ilang araw na pahinga upang punan muli ang sikad na nawala mula sa kanilang katawan.

"Punong babaylan." Narinig ko ang tinig ni Handiran sa labas kaya't pinilit kong bumangon. "Narito si Atubang Kayo. Ngunit kung hindi mo pa kaya—"

"Mainam na ang aking kalagayan, Handiran. Maaari mo siyang papasukin."

"Masusunod, Punong Babaylan."

Makalipas ang ilang sandali ay bumukas ang pinto at natanaw ko si Atubang Kayo. Tumayo ako upang batiin siya ngunit napatigil ako nang masilayan kong muli ang kanyang tindig. Sa likod ng kanyang katandaan ay bakas pa rin ang maraming taon na karanasan, karangalan at kalakasan.

"Masampat ta abi-abi, katalonan," (Magandang umaga, katalonan,) pagbati niya at saka siya umupo sa aking harapan.

Naalala ko ang nangyari noong una siyang ipinakilala ni Urduja sa akin. Mayroon akong kakaibang nasilayan sa kanyang likuran. Sa mga nagdaang araw ko bilang isang babaylan ay marami akong natutunan sa mga diyos at diyosa. Pumipili sila ng mga tao, na kadalasan ay mga mandirigma o 'di kaya'y pinuno ng isang tribo, at ang mga ito ay ituturing sila bilang kanilang pintakasi. Unang beses ko itong nasaksihan kay Urduja, kung saan ay pinili siya ni Apo Init at tanda no'n ay ang simbolo ng araw na lumalabas sa kanyang ulunan kapag siya ay nakikipaglaban. Sa kabilang dako, nang makita ko si Atubang Kayo ay agad kong napansin ang simbolo ng binhi sa itaas niya at batid kong mayroon din diyos o diyosang pumili at gumagabay sa kanya.

"Tila batid mo na mayroon akong pintakasi," sambit niya sabay ngiti sa akin.

"Siya nga, Atubang Kayo," pag-amin ko naman. "Ngunit hindi ko matalastas ang kanyang pagkakakilanlan."

"Maaari ba tayong maglakad sa kagubatan, katalonan?" tanong niya.

Tumango naman ako. "Masusunod, Atubang Kayo."

Matapos noon ay agad din siyang tumayo at lumabas. Nagmadali naman akong magbihis pagkat hindi ko nais na paghintayin siya nang matagal. Hindi pa rin bumabalik ang aking lakas ngunit sapat na ang mayroon ako upang makapaglakad.

Nagsimula kaming maglakad patungo sa kagubatang nakapalibot sa nayon. Nabalot kami ng katahimikan at hindi ako mapalagay pagkat batid kong may nais siyang sabihin na sa palagay ko ay tungkol sa aking pagkatao.

"Marahil ay nagtataka ka sa lahat ng iyong nasaksihan at patuloy na nasasaksihan," sambit niya nang makarating kami sa altar sa gitna ng kagubatan. "Batid ko ang iyong pinagmulan, katalonan."

Pagkarinig ko ng mga katagang iyon ay lumukso ang aking puso. Bukod sa mga punong-gabay ay wala nang ibang nakaaalam ng aking tunay na pagkatao.

"Ano ang iyong nais iparating, Atubang Kayo?"

"May kaalaman ka ba kung bakit babaylan ang tawag sa mga sisidlan ng Katalonan?" tanong niya at isa rin iyon sa mga ipinagtataka ko.

Ayon sa kaalaman ko tungkol sa sinaunang Pilipinas at sa mga salaysay ng aking pamilya, ang babaylan ay katagang-Bisaya samantalang katalonan naman ang ginagamit sa Luzon.

"Ngunit bago ko ihayag sa iyo ang aking kaalaman, nais kong makita ninyo ang aming pook."

"Maaari ko rin bang makita iyon?"

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon