Kabanata 26 : Hudyat ng Kadiliman

12.8K 973 39
                                    


"Tila wala na ang bakas ng takot sa iyong mukha," tukso ni Ridge habang kami ay nakasakay sa kanyang kabayo.

Patungo kami ngayon sa nayon ng Agta upang turuan ang ilan na magsulat at magbasa, at iparating ang mga salita ni Urduja. Nais ko rin ibalita kay Datu Kayo ang aking pag-usad sa aming pagsasanay.

Bagama't madilim ang kalangitan at lumalakas ang paghampas ng hangin ay matiwasay ang aming paglalakbay ngunit nagulat na lamang ako nang biglang umingil ang kabayo. Agad na hinila ni Ridge ang tali nito upang ito ay huminto at kumalma ngunit kasabay niyon ay ang pag-ikot ng mga piraso ng dahon sa aming harapan.

Napakunot ang aking noo. Isa lamang ang may kakayahang gumawa nito.

"Datu Kayo?" tawag ko at agad niyang inihayag ang kanyang sarili sa amin ngunit bakas sa kanyang mukha ang takot at pag-aalala.

"Katalonan! Pantas!" sigaw niya.

Tumalon si Ridge mula sa kabayo at inalalayan niya ako pababa. Nagtungo kami sa kinatatayuan ni Datu Kayo at tinanong kung ano ang bumabalisa sa kanya.

"Ang . . . ang aking anak," pagal niyang sambit.

Muli kong naalala ang unang beses na makita ko ang kanyang anak na babae. Siya ang unang nasilayan ko nang mawalan ako ng malay sa nayon ng Agta noon. Ang huli ko na lamang pagkakaalam ay ipinagbubuntis niya ang susunod na pinuno ng kanilang nayon.

"Ano ang nangyari kay Raniag?" tanong ko.

"Sumama kayo sa akin."

Kasabay ng pagbitiw niya ng mga salitang iyon ay ang pag-ikot ng aking paningin at kalamnan, isang pangyayaring akin nang naranasan noon. Sa isang iglap ay nakarating kami sa kanyang balay na nasa tuktok ng mga puno.

Napaupo ako sa hilo ngunit agad ko ring itinungo ang aking ulo nang makarinig ako ng ingay. Doon ko lamang napagtanto na naroon si Raniag at siya ay napalilibutan ng ilang babae.

"Anong . . ."

Muli siyang umiyak at pilit na inilalabas ang bata sa kanyang sinapupunan ngunit tila unti-unti nang nawawala ang kanyang lakas. Agad akong lumapit sa kanyang tabi habang nanatili naman sa ibaba sina Datu Kayo at Ridge.

"Raniag."

Hinawakan ko ang kanyang kamay upang siya ay bigyang lakas ngunit napalingap ako nang marinig ko ang sigawan mula sa ibaba.

"Ano ang nangyayari?" tanong ko sa babaeng sumilip mula sa bintana. Sa halip na salita ay bigla na lamang siyang tumakbo patungo sa gilid at agad na kinuha ang pana at mga palaso.

"Katalonan," sabay tango ng isa pa at saka tumingin kay Raniag. "Ikaw na ang bahala sa kanya."

Isa-isa silang kumuha ng kani-kanilang mga pana at ang dalawa ay tumalon mula sa bintana habang nakamasid sa gilid ang mga naiwan.

"Ang mga tiga-ibaba!" rinig kong sigaw ng mga Agta.

Bumalot ang kaba at takot sa aking katawan. Tiyak na ang kanilang tinutukoy ay ang mga Sambal o 'di kaya'y iba pang nayon sa timog.

Nais kong tingnan kung ano ang nangyayari sa ibaba ngunit hindi ko maiwan si Raniag lalo na at nanghihina na ang kanyang katawan. Isang katuwang na lamang ang aming kasama at pilit niyang pinalalabas ang sanggol sa sinapupunan ni Raniag.

"A-apo . . ." mahinang bigkas ni Raniag kaya't napahigpit ang aking hawak sa kanyang kamay. "P-pakiusap . . . iyong tulungan ang aking ama . . ."

Bakas ang hapo sa kanyang mukha ngunit mas nangibabaw ang pag-aalala rito. Nais kong maging panatag ang kanyang kalooban habang isinisilang ang sanggol ngunit sa kasalukuyang nangyayari ay hindi iyon maaari.

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon