Kabanata 12 : Ang Nayon ng Sambal

30K 2K 313
                                    



Hindi ko maitatanggi na namangha ako nang makita namin ang puso ng kanilang Nayon. Tulad din ng Kaboloan ang ayos ng kanilang komunidad ngunit mas kapansin-pansin kung gaano kahalaga sa kanila ang pakikipaglaban.

Sa bawat balay ay mayroong lalagyan ng sibat, palaso at palakol sa labas. Halos lahat din ng kalalakihan ay may hawak na armas kaya't nakakatakot tumingin sa kanila lalo na't bakas sa kanilang mukha ang pagkasabik sa anumang uri ng laban.

Nakarating kami sa piitan na kanilang sinabi. Nasa harapan iyon ng pinakamalaking balay, na tiyak ay kay Datu Karugan, at gawa iyon sa malalaki at makakapal na kahoy. Itinulak kami ng kanyang mga mandirigma papasok doon habang ang mga dala naming bihag ay tumungo sa kakahuyan kasama ang kanilang mga bantay.

"Hindi ko inakalang ika'y tunay na makikipagkita, Prinsesa," saad ni Datu Karugan habang nakangiti kay Urduja.

"At hindi ko rin inakalang ipagbibili mo ang iyong kaluluwa sa mga Namayan," tugon naman ni Urduja habang mariing nakahawak sa kahoy na kulungan.

Bigla namang tumawa ang Datu at pinandilatan si Urduja. Inihampas niya ang kanyang kampilan sa harapan ni Urduja kaya't nagmadali sina Anam at Bagim na pumunta sa kanyang harapan.

"Matagal ko nang nais sakupin ang inyong kalupaan, Prinsesa," aniya. "Mula nang mamatay ang iyong ama at kapatid, maraming nayon ang nagnanais na mapasakanila ang likas na yaman ng Kaboloan. Tanging ang iyong mga mandirigma at Kalakian ang pumipigil dito." Muling sumilay ang kahindik-hindik na ngiti sa kanyang mga labi. "Ngunit narito ngayon ang mga pinuno ng iyong lakas-tao kaya't asahan mong sa pagsikat ng araw kinabukasan ay wala ka nang aabutan sa minamahal mong nayon."

"Karugan! Huwag na huwag mong gagalawin ang aking mga nasasakupan."

May pagbabanta sa tinig ni Urduja ngunit walang pinakitang takot si Datu Karugan. Umalis siya mula sa piitan habang tumatawa dahil sa kanyang nagawa sa amin. Ngunit bago pa man siya makalayo ay huminto siya at muling tumingin sa aming direksyon.

"Ihiwalay ang babaylan," utos niya at lahat sila ay napatingin sa akin.

Pinalibutan ako ng mga punong gabay ngunit wala silang nagawa laban sa ilang mandirigmang may hawak na armas.

"Sayi!" sigaw ni Urduja at nabaling ang tingin ko kay Ridge.

Sa ilang segundong lumipas ay nagkaintindihan kaming dalawa. Sila ang sumugod sa aking balay kagabi at ang pagdakip sa akin ang totoo nilang pakay, hindi ang pagbili sa mga bihag. Tumango ako sa kanyang direksyon upang ipahayag na kahit anong mangyari ay kailangan nilang protektahan ang prinsesa.

Hinatak nila ako palayo sa aking mga kasama at napapikit na lang ako dahil sa higpit ng kanilang hawak sa aking pulsuhan. Doon ko napagtanto na nasa isang balay kami malayo sa nayon, gaya ng aking balay sa Kaboloan.

Tinulak nila ako papasok sa loob at nanlaki ang mga mata ko nang makita ko kung sino ang mga naroon. Kinagat ko ang aking labi upang hindi ko maipakita ang aking kaba ngunit para nang sasabog ang dibdib ko sa lakas ng tibok ng aking puso.

"Narito na siya, Lakan Tagkan," hayag ni Datu Karugan at iniharap nila ako sa lalaking nakaupo sa gitna.

Kahit hindi sabihin ang kanyang ngalan ay alam ko na kaagad na isa siyang pinuno ng isang makapangyarihan at mariwasang kaharian. Ang kanyang kasuotan ay halatang gawa sa mamahalin at mainam na tela. Nababalot din siya ng mga alahas at palamuti. Sa kanyang balat ay nakaukit ang iba't ibang burda, tanda ng kagitingan at laban na ipinanalo niya. Maging ang kanyang tindig ay nagsusumigaw ng lakas at kapangyarihan.

Nanindig ang aking mga balahibo nang dumako ang kanyang mga mata sa akin ngunit hindi ko iniwas ang aking tingin.

"Lakan," tawag ni Datu Karugan. "Kung hindi ninyo mamasamain, bakit nais ninyong dakipin ang babaylang ito?"

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon