kabanata 16 to 20

15.5K 53 1
                                    

(Buod)

Kabanata 16- Si Sisa

Sa isang maliit na dampa sa labas ng bayan ay abalang abala si Sisa, ang butihing ina nila Crispin at Basilio. Makikitang salat na salat siya sa kabuhayan, at ang likas na ganda nito ay pinatanda ng panahon at pagdurusa. Nakapag-asawa siya ng isang lalaking walang idinulot sa kanya kundi dalamhati. Gabi gabi itong nagsusugal, iresponsable, tamad, at nagpapalaboy laboy sa lansangan. Wala itong pakialam sa buhay nilang mag-iina, bagkus ay nakukuha pa siya nitong bugbugin kapag ito ay umuuwi. Si Sisa naman ay patuloy na tinitiis na lamang ang ugali ng kanyang asawa at patuloy pa rin niya itong minamahal na animoy ay diyos. Naghanda ng masarap na hapunan si Sisa para sa kanyang mga anak. Bagay na hindi nila madalas matikman sa kanilang buhay. Inihain niya ang paborito ng mga bata: tuyong tawilis at sariwang kamatis para kay Crispin; at tapang baboy-damo at isang hita ng patong bundok naman para kay Basilio, mula sa kagandahang loob ni Pilosopo Tasyo. Sa kasamaang palad, ang naunang dumating ay ang kanyang asawa na walang pakundangang inubos ang inihain niya para sa kanyang mga anak. Hindi man lang nito itinanong ang kalagayan nilang mag-iina at bagkus ay inihabilin pa na bigyan siya ng kwarta mula sa kita ng dalawang bata. Walang nagawa ang martir na si Sisa kundi maghinagpis sa pag-ala-ala na wala na ang masarap na hapunan na inihanda niya para sa kanyang mga anghel. Nagluto siyang muli upang kahit papaano ay may makain ang mga bata pagdating nito mula sa simbahan. Makalipas ang matagal na sandali at pagkainip sa paghihintay ay nakarinig siya ng malalakas na tawag mula kay Basilio.


Kabanata 17- Si Basilio

Duguan si Basilio nang dumating ito sa kanilang tahanan. Pinagtapat nito sa Ina na siya ay hinabol ng mga gwardiya sibil at nadaplisan ng bala sa ulo. Hindi nito nagawang huminto sa paglalakad sa takot na ikulong at paglinisin sa kuwartel. Sinabi rin nito sa ina na sabihing nahulog na lamang siya sa puno kaysa ipagtapat ang tunay na nangyari. Napag-alaman din ni Sisa na napag-bintangan si Crispin na nagnakaw ng dalawang onsa, at nabaghan ang puso ni Sisa dahil sa awa sa kanyang anak. Lingid sa kanyang kaalaman ang mga parusang tinatamasa ni Crispin sa kamay ng Sakristan. Nawalan naman ng gana si Basilio na kumain at bagkus ay nag-alala ng todo sa kanyang ina ng malaman nito na dumating ang kanyang ama. Alam kasi nito ang pambubugbog na ginagawa ng ama sa kanyang ina. Sa hinagpis at galit ni Basilio ay naisambulat nito na mabuti pang mawala na ang kanyang ama at mabuhay silang tatlo na lamang. Sa ganitong kalagayan ay mabubuhay pa sila ng maayos, na siya namang pinagdamdam ni Sisa. Para sa kanya, sa kabila ng ugali ng kanyang asawa ay mamarapatin pa rin niyang magkakasama silang lahat. Nakatulugan ni Basilio ang kanyang mga alalahanin at pagod. Binangungot ito sa kalagitnaan ng tulog sapagkat nakita niya sa kanyang panaginip ang pambubugbog ng kura at sakristan mayor kay Crispin. Pinalo nila ng yantok si Crispin sa ulo hanggang ito ay duguang humandusay sa lapag. Nagising si Basilio sa yugyog ng kanyang ina, at pinagtapat na lamang niya ang pangarap niya para sa kanyang ina at kapatid. Nais niyang huminto na sa pagsasakristan kasama ni Crispin, magpapastol siya ng baka at kalabaw na pag-aari ni Ibarra, at pagsapit niya ng edad na kaya na niyang mag-araro sa bukid, siya ay hihiling ng kapirasong lupa para sakahin. Pauunlarin niya ang sakang iyon hanggang sa umunlad ang kanilang buhay. Pag-aaralin din niya si Crispin kay Pilosopo Tasyo at ang kanyang ina ay hihinto na sa pananahi. Bagamat nagpakita ng pagkatuwa ang kanyang ina, lihim naman itong nasasaktan dahil hindi na sinama ni Basilio ang kanyang ama sa mga plano nito.

Kabanata 18- Mga Kaluluwang Naghihirap

Si Padre Salvi ay matamlay na nagdaos ng misa ng araw na iyon. Abala ang mga matatanda sa bayan tungkol sa nalalapit na kapistahan habang naghihintay na makausap ang Padre. Nais nilang malaman kung sino ang magmimisa, kung si Padre Damaso ba or si Padre Martin o ang coordinator? Napag-usapan ng mga matatanda ang tungkol sa pagbili ng indulgencia para sa kaligtasan ng mga namatay na kaanak na patuloy na nagdurusa sa purgatoryo. Ang isang indulgencia ay katumbas ng mahigit isang libong taon na kaligtasan mula sa pagdurusa sa purgatoryo. Sa kanilang pagpapalitan ng kuro-kuro ay hindi nila namalayan ang pagdating ni Sisa. May dalang handog si Sisa para sa mga prayle. Nag-ani siya ng mga sariwang gulay mula sa kanyang mga tanim at pako na paborito ng kura. Tumuloy na si Sisa sa kusina ng kumbento upang iayos ang kanyang mga dala. Hindi man lamang siya pinansin ng mga sakristan at mga tauhan sa kumbento. Sa huli ay nakausap ni Sisa ang tagapagluto. Napag-alaman niya na maysakit ang pari at hindi niya ito makakausap. Nagimbal din siya sa nalaman na si Crispin ay tumakas kasama ng kanyang isa pang anak pagkatapos nitong magnakaw ng dalawang onsa. Alam na ito ng mga gwardiya sibil at kasalukuyan itong papunta sa kanilang bahay upang hulihin ang kanyang mga anak. Tinuya rin siya nito na hindi niya naturuan ng kabutihang asal ang magkapatid at higit sa lahat ay nagmana ang mga ito sa kanyang walang kwentang asawa.

Kabanata 19-Mga Suliranin ng Isang Guro

Nagkita sa tabi ng lawa si Ibarra at ang guro sa San Diego. Itinuro ng huli kung saan naitapon ang bangkay ng kanyang ama at isa si Tinyente Guevarra sa iilang nakipaglibing. Isinalaysay ng butihing guro ang ginawang pagtulong ni Don Rafael sa ikauunlad ng edukasyon at naitulong nito sa kanyang kapakanan. Si Don Rafael kasi ang tumustos sa kanyang mga pangangailangan sa pagtuturo nuong siya ay nagsisimula pa lamang. Naisalaysay ng guro ang mga suliraning kinakaharap ng San Diego tungkol sa edukasyon. Isa na dito ang kawalang ng panggastos para sa mga kagamitan sa pag-aaral, ang kawalan ng silid aralan na akma upang makapag-aral ng walang balakid ang mga bata, ang kakaibang pananaw ng mga pari sa paraan ng pagtuturo, ang mga patakaran ng simbahan tungkol sa nilalaman ng kanyang mga aralin, at ang kawalan ng pagkakaisa ng mga magulang ng mag-aaral at ng mga taong may katungkulan. Ang mga libro ay nasusulat sa Kastila at kahit anong tyaga ng guro na iaral sa kanyang mga estudyante ang nilalaman ng babasahin, pilit itong pinanghihimasukan ni Padre Damaso. Madalas din itong mamalo at pagmumurahin ang mga bata kapag nakarinig ito ng ingay mula sa tapat ng kwadra, kung saan nag-aaral ang mga bata dahil nga sa walang silid-aralan. Ang mga magulang naman ay pinapanigan ang mga pari tungkol sa pagpalo bilang epektibong paraan ng pagdedesiplina at pagtuturo. Ang pakikialam ng Pari, at ang maraming mga balakid sa pagtuturo ang naging sanhi upang magkasakit ang guro. At nang siya ay bumalik upang magturong muli, higit pang nabawasan ang bilang ng kanyang mga mag-aaral. Laking pasasalamat niya ng hindi na si Padre Damaso ang kura sa San Diego, kayat minabuti niyang iangkop ang nilalaman ng mga aralin sa kalagayan ng kanyang mga mag-aaral. Bagamat nagkaroon siya ng kalayaan para iangkop ang kanyang mga aralin, higit pa ring pinahalagahan ng simbahan ang pagtuturo tungkol sa relihiyon. Sa mga binanggit na ito ng guro, nangako naman si Ibarra na gagawin ang kanyang makakaya upang matulungan ang guro at maiangat ang kalagayan ng edukasyon sa bayan. Kanya itong babanggitin sa araw ng pulong sa paanyaya ni Tinyente Mayor.



Kabanata 20 – Ang Pulong sa Tribunal

Ang tribunal ang tanging bulwagan na nagsisilbing lugar para sa pagpupulong at pag-uusap ng mga makapangyarihan at mayayaman sa bayan. Panauhin noong araw na iyon sina Ibarra at ang guro. Nahahati ang mga nasa pulong sa dalawang kinatawan o lapian: ang conserbador na siyang pangkat ng mga matatanda na pinamumunuan ng Kabesa at ang liberal na binubuo naman ng mga kabataan sa pamumuno ni Don Filipo. Ang mga paksa ng pagpupulong na iyon ay tungkol sa gaganaping kapistahan labing-isang araw mula sa araw na iyon, mga programa at aktibidad na gagawin para sa pista, at ang pagtatayo ng paaralan para sa bayan. Sinamantala ng mga mayayaman sa bayan ang pulong na iyon upang makapagtalumpati kahit na walang katuturan ang ibang mga pinagsasabi. Katulad na lamang ni Kapitan Basilyo na nakalaban ni Don Rafael. Sinalungat naman ito ni Don Filipo na nagmungkahi na bawat gawain ay dapat may talaan ng mga gastos. Dapat din magpagawa ng isang malaking tanghalan sa plasa at magtanghal ng palatuntunan tulad ng komedya sa loob ng isang linggo. Binanggit din ni Don Filipo ang pagkakaroon din ng paputok upang maging lalong kasiya siya ang pista. Hindi naman lahat ay sumang-ayon sa kanyang mungkahi. Nagbigay naman ng panukala ang Kabesa na nagsabing marapat na tipirin ang pagdiriwang, dapay ay wala na ring paputok at ang mga gaganap sa programa ay dapat mga taal na taga San Diego. Ang sentro din ng pagtatanghal ay dapat mga sariling ugaling Pilipino. Walang bisa ang mga panukalang inihandog ng magkabilang pangkat sapagkat nakapagdesisyon na ang kura tungkol sa pista. Ang mga gagawin ay anim na prusisyon, tatlong sermon, tatlong misa mayor at isang komedya.

noli me tangereHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin