Pero

328 11 4
                                    

Hindi na kita mahal
Mga katagang hindi ko inasahang iyong bibitawan

Paano nga ba maging malaya?
Kung ang buong buhay ko ay parang ibinuhos ko na sa'yo
Hindi ko na maalala kung paano mag-isa
Pinunan mo ang mga espasyong iniwan sa'kin ng mundo
Parang ilang libong taon na ang nakakaraan ng ako'y naging mag-isa
Ngayon, paano mo papalayain ang taong pilit mong binuo?

Gaano ba ako kahalaga sa'yo?
May halaga nga ba talaga ako?
At parang itinatapon mo na ako
Na parang lumang damit na hindi na muling gagamitin
Hindi na muling babalikan kahit na kailan

Ang mga salita ng pangako
Ay mananatili na lang na mga salitang
Patuloy kong panghahawakan
Kahit ilang ulit mo man akong bigyan ng dahilan
Upang ika'y muling kalimutan
Babalik at babalik pa rin ako
Babalik sa piling mo
Babalikan kita dahil mahal kita

Kung dumating ang panahon na hindi na sapat ang mahal kita
Upang ang tayo'y balikan at ipagpatuloy ang dating pagmamahalan
Mamahalin pa rin kita

Mamahalin kita sa kabila ng sakit
Sa kabila ng pait
Sa kabila ng mga luhang walang tigil sa pagbuhos
Sa kabila ng mga pangakong nalimot na ng panahon
Mamahalin pa rin kita
Sa kabila ng kagustuhan ng mundong tayo'y paglayuin

Iyon ang akala ko
Minamahal pa rin naman kita
Pero wala na tayong dalawa
Puro sakit na lang ang dinadala
Sa bawat pagsambit ng mahal kita

Minahal kita
Pero hindi na sapat para sa'ting dal'wa
Umayaw ka na kahit ako'y lumalaban pa
Hinarap mo na ang wakas
Habang ako'y nasa kalagitnaan pa

Saksi ang mga ibong paisa-isang nag-iingay
Maging ang mga bulalaklak na nagsisimula pa lang mamukadkad
Sa mismong araw na ako'y iyong nilisan
Hindi natuloy sa pagbuhos ang ulan
Kaya't nasaksihan ng mundo ang mga luha ko
Na hanggang ngayon ay hindi pa natutuyo

Sa pagtulog, ang tanging dasal
Ay panaginip lang ang iyong pagbitaw
Pero sa paggising ko'y araw-araw akong sinasampal ng katotohanan
Ang hindi na kita mahal ay ang katotohanang nagsasabi sa akin
Na kailanman ay hindi na magiging sapat ang mahal kita

Mahal, ako'y bibitaw na
Makakalimutan rin kita
Kapag natagpuan ko na ang saya sa kabila ng pagdurusa
Mawawala rin ang bakas ng mga luha kong ibinuhos para sa'yo

Sa aking paglaya
Maalala mo sana kung paanong ikaw ang pinakatamang pag-ibig
Sa kung paano kita minahal sa kabila ng pait
Siguro nga'y may mga pag-ibig na hindi mo pwedeng pigilan
Pero mahal, ako na ngayo'y lilisan
Masyado ng masakit ang manatili sa kabila ng iyong pag-alis

Haharapin ko na ang bukang liwayway
Habang tinatahak mo ang ibang daan sa pagsapit ng dilim
Magiging saksi ang araw sa mga makukulay kong ngiti na dulot ay paglaya
At ang buwan sa paglimot ko sa'yo at sa lahat ng ala-ala mo

PagtakasWhere stories live. Discover now