Kung Sakali

305 9 0
                                    

Kung sakaling tanungin nila ako kung paano,
Hindi ko sasabihin kung paano kita minahal
At kung paano mo ito hindi nagawang suklian
Kung paano tayo hindi tuluyang nanatili
Dahil sa pag-ibig na hindi naman pinili

Hindi ko sasabihin sa kanila kung paano mo ako sinaktan
Sa mga salitang hindi ko inasahang iyo pa lang bibitawan
Kung paano mo ako hinayaang umiyak sa mga eskinita ng lansangan
Nag-iisa at nagdurusa dahil wala ka naman talagang pakialam

Kung sakaling tanungin nila ako kung bakit
Hindi ko sasabihin sa kanila ang mga oras na tayo'y nagkasama
Maging ang magdamagan nating usapan na nauwi sa paalam
Ngunit ikukwento ko sa kanila ang saya sa mga ala-alang nalimot ko na

Kung bakit ikaw pa rin ang pinili ko
Sa kabila ng sakit at pighating dulot mo
Kung bakit ikaw pa rin ang minahal ko
Sa kabila ng mga patawad at paalam mo

Kung sakaling tanungin nila ako kung saan
Baka hindi ko na matandaan kung saan tayo nagkakilanlan
O kung saan mo unang hinawakan ang aking mga kamay at hinagkan
Sa dinami-rami ng mga ala-alang ating pinagsaluhan
Wala na akong matandaan

Saan ba napadpad ang iyong pagmamahal
At hindi nito nagawang ako ang matagpuan?
Saang banda ako nagkulang?
Para naman nagawan ko sana ng paraan
At ako sana ang iyong minahal

Kung sakaling tanungin nila ako kung ano
Hindi ko sasabihin kung ano ang mga dahilan mo
Sa hindi pagpili sa akin at sa hindi pagtanggap sa pagmamahal ko
Hindi ko rin sasabihin kung anong mga nagawa ko
Para lang mapagtagumpayan ka dahil baka pagtawanan lang nila
Pero kung may itatanong ako
Ito'y kung naging ano ba talaga ako sa'yo?

Kung sakaling tanungin nila ako kung kailan
Hindi ko alam kung paano sasagutin
Hindi ko alam kung kailan nagsimula
At natapos kung mayroon ba talagang nasimulan

Kung sakaling tanungin nila ako kung sino
Baka mautal ako sa sandaling sabihin ko ang pangalan mo
Kaya hindi ko na lang sasabihin
Hindi na lang ako iimik
Hanggang sa mawala na ang sabik
At tuluyan ng manahimik

Kung sakali tanungin nila akong muli
Ikukwento ko sana sa kanila
Kung paano sana tumagal itong ating pag-iibigan
Kung bakit ako sana ang iyong minahal
Kung naalala ko sana kung saan mo ako unang hinagkan

Kung alam ko lang sana kung ano pa ang dapat kong ipinaglaban
Kung sana nalaman natin kaagad kung kailan ito dapat sinimulan
Ako sana ang sagot sa tanong nilang, sino ang mahal mo?
Maikukwento ko sana sa kanila
Ang matagumpay na kwento ng ating pagmamahalan
Kung ang ikaw at ako ay naging tayo

PagtakasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon