Part 7

6.5K 172 3
                                    


NAKASAKAY NA SI Tara sa fx taxi papunta sa private clinic kung saan siya kukuha ng kanyang medical certificate. Um-absent pa talaga siya sa kanyang trabaho para matapos na ang huling requirement niyang iyon at nang hindi na siya magahol sa oras.

Katatapos lang niyang magbayad nang marinig ang pag-iingay ng kanyang cellphone. Her heart skipped a beat and a warm smile curved her lips when she saw Avex's number on her cellphone screen.

"Hello?"

"Hi!"

Nabitawan niya ang cellphone nang magulat sa lakas ng sigaw na iyon sa kabilang linya. May pakiramdam din siyang narinig din ng mga kasama niya sa fx taxi ang sigaw na iyon.

Mabilis niyang dinampot ang cellphone. "Hello—"

"Tara!"

"Ano ka ba!" pigil-sigaw niyang saway dito. "Huwag ka ngang sumigaw at nabibingi na ako!"

"Sorry." Modulated na uli ang boses nito. "Nasaan ka?"

"Magpapa-medical ako ngayon." Katahimikan na ang sunod niyang narinig mula sa kabilang linya. "Hello? Nandiyan ka pa?" Wala pa ring sumasagot. Medyo nag-alala na tuloy siya. "Avex, kapag hindi ka sumagot, ibababa ko na rin ang phone ko."

"Sige, magpa-medical ka na. Bye."

Napamaang na lang siya nang maputol ang kuneksyon. Ang mokong na iyon. Pagkatapos siyang bulabugin, basta na lang siya bababaan ng telepono? Asar niyang ibinato sa loob ng bag niya ang cellphone. Na agad din niyang dinampot para tawagan ang lalaki.

"Bakit ka nga ba tumawag? May nangyari ba sa iyo?"

"Meron."

Bumalik ang kaba sa kanyang dibdib. "Anong nangyari? Naaksidente ka? May sakit ka?"

"Hindi ako makababa ng bubong ng bahay namin."

It took her a few moment to absorb what he just said. "Ano kamo?"

"Hindi ako makababa sa bubong ng bahay namin."

"Anong ginagawa mo sa bubong ng bahay nyo?"

"Naisipan kong magwalis bigla."

"Sa bubong ng bahay ninyo?!"

"Oo. Aksidente ko nga lang na nasagi 'yung ginamit kong hagdan kaya hindi ako makababa ngayon."

"E bakit ako ang tinawagan mo? Dapat fire department o kaya..." Sino pa ba ang puwedeng tumulong sa isang na-trap sa bubong ng bahay? "'Yung mga kaibigan mo."

"Ang boses mo ang gusto kong marinig, hindi boses ng mga kaibigan ko."

Diyos ko, Lord. Have mercy on my poor heart! "Avex--"

"Okay lang. Ngayong narinig ko na ang boses mo, masaya na akong maghihintay ng ibang sasaklolo sa akin dito habang unti-unti akong piniprito ng haring araw. Sige, goodluck sa medical exams mo at...salamat sa pagtawag."

Naputol na naman ang linya bago pa man siya makasagot. Gusto niyang tawagan uli ang lalaki para sigawan ito, sermunan at paulanan ng sandamakmak na ewan. Pero kahit anong asar niya rito, ramdam pa rin niya ang hindi niya mapigilang pag-aalala rito. Paano nga kung maprito ang kumag na iyon? Kawawa naman...

"Para, mama! Diyan na lang ho sa tabi!"

Mabilis siyang bumaba ng sasakyan at nag-abang ng taxi. Nang maalala niyang hindi nga pala niya alam kung saan nakatira si Avex. Tatawagan na lang niya ang numero ng kanyang boss para dito magtanong ng address ni Avex nang marinig niya ang malakas na busina na iyon bago ang sagitsitan ng mga gulong. Paglingon niya sa pinanggalingan niyon ay isang kotse ang nakita niyang halos ilang hakbang na lang ang layo sa kanya. Dalawang babae ang nakita niyang nagmamadaling lumabas ng backseat ng sasakyan. Naghanda na siya ng matinding pagpapaumanhin nang magulat siya sa biglang pagyakap ng mga ito sa kanya.

The Unexpected You (COMPLETE)Where stories live. Discover now