7 - Sakit

80 47 24
                                    

December 24, 2016
Oras: 8:00 ng Gabi

Hinintay ni Lailanie na makaalis si Robert pagkahatid sa kanya.

Dali-dali siyang pumara ng taxi ng masigurong nakalayo na ang sasakyan ng binata. Sinabi niya sa taxi driver ang kayang pupuntahan saka umusal nang tahimik na dasal na sana'y si Andres nga talaga 'yong nakita niya at sana'y maabutan niya ito.

Pero bigla siyang nalungkot nang maalala na may kasama itong isang magandang babae.

Iyon na ba ang babaeng ipinalit ni Andres sa kanya? Iyon na ba ang bagong itinitibok ng kanyang puso na dati ay tumitibok para sa kanya?

Nangilid ang mga luha ni Lailanie sa isiping 'yon. Sa tagal ng panahon ay tanging si Andres lamang ang kanyang minahal at minamahal hanggang ngayon.

"Mam, nandito na po tayo. Ayan na po yong restaurant na sinabi niyo." Boses ng driver na nagpabalik sa naglalakbay na isip ni Lailanie. Tumingin siya sa restaurant na puno pa rin.

"Bayad po mang." wika ng dalaga sabay abot ng bayad.

Bumaba na siya pagka-abot ng bayad sa driver ng hindi na hinintay 'yong sukli niya.

Bumilis ang tibok ng puso ni Lailanie habang mabilis na inihakbang ang mga paa papasok sa restaurant. Magkahalong kaba at excitement ang naramdaman niya.

Hinanap niya ang lalaking nakita niya kanina sa loob ng restaurant. Hindi niya ito makita kahit saang sulok niya ibaling ang kanyang tingin sa kagustuhang masilayan ito.

Nagkamali kaya si Lailanie sa nakita kanina? Nadala lang ba siya sa inaasam ng kanyang puso na makita ang pinakamamahal na si Andres kaya napagkamalan niyang si Andres :yong lalaki kaninang may kasamang magandang babae?

Laylay ang balikat na naupo si Lailanie sa isang bakanteng mesa na pandalawahan. Umorder siya ng juice sa dumaang waiter at pilit na kinalma ang sariling emosyon.

Hindi siya pwedeng umiyak sa lugar na 'yon kahit gustong-gusto na niyang ngumuyngoy sa pag-iyak.

Dumating ang inorder niya at agad na ininom iyon para kumalma man lang ng kaunti ang kanyang pakiramdam.

Wala na talagang pag-asa na makita pa niyang muli si Andres. Sa tagal ba naman ng panahon na lumipas. Ilang beses siyang nagpabalik balik sa kanilang tagpuan pero wala siyang nakita kahit bakas man lang ni Andres.

Naisip niyang kasalanan din niya ang nangyari. Hindi siya tumupad sa usapan nilang magkita sa araw ng kanyang kaarawan.

Tuluyan ng tumulo ang luha ni Lailanie sa mga naalala at sa hinanakit na dulot ng pagbago ng plano ng kanyang ama para sa debut niya.

Kung hindi sana iyon nangyari, sana ay kapiling pa niya si Andres ngayon.

Pinahid ni Lailanie ng panyo niya ang tumulong luha sa kanyang mga mata at nagdesisyong umuwi na. Inilapag niya ang bayad niya sa mesa saka tumayo at lumabas ng restaurant.

Suko na siya sa layunin niya ngayong gabi dito sa lugar na ito. Tanggap na niya ang kabiguan niyang makitang muli ang pinakamamahal niyang si Andres. Panahon na siguro para turuan niya ang sariling mahalin si Robert.

Palabas na siya ng restaurant ng may tumawag sa kanya.

"Excuse me Miss. Panyo mo nahulog." Narinig niyang wika ng lalaki mula sa likuran niya.

Napatigil si Lailanie. Kilalang-kilala niya ang boses na 'yon.

Dahan-dahan siyang lumingon upang masilayan ang lalaking pumigil sa kanya.

"A-andres...!" Bulalas ni Lailanie na di makapaniwalang ito ang kaharap niya.

Gumuhit ang pagkalito sa mukha ng lalaki nang marinig ang pangalang sinambit niya.

"Do I know you?"

Napatigagal si Lailanie sa narinig. Hindi siya kilala ng tinawag niyang Andres na ngayon ay nakatayo sa harap niya.

Gumuhit ang sakit sa mukha ng dalaga at umagos ang luha niya.

OrasianaWhere stories live. Discover now