19 - Parusa

44 11 20
                                    

Enero 3, 1852
Oras: alas tres y medya ng hapon

Isang pagtango ni Haring Segundos ang naging hudyat ng taga-ulat na si Emrin upang basahin ang parusa ni Orasiana.

"Bilang parusa sa paglabag ng pinaka-importanteng batas ng kaharian patungkol sa mahiwagang orasan, na imbes na pangalagaan ito ay mas pinili mong suwayin para sa iyong sariling layunin, ikaw, Orasiana, Prinsesa ng Timeria ay parurusahan sa pamamagitan ng pagiging kahaliling bantay ng mahiwagang orasan.

Magkakaroon ka lamang ng isang oras sa araw at isang oras sa gabi kung saan pwede kang lumabas sa mahiwagang silid at malayang maglibot sa buong palasyo ngunit, hindi ka pinahihintulutang lumampas sa bakod ng palasyong ito  Ang kaparusahang iyan at tatagal sa loob ng apat-napung araw.

Si Rolexur ang iyong magiging bantay sa mga oras na nasa mahiwagang silid ka at lalong-lalo na sa mga oras na lalabas ka para maglibot sa buong palasyo. Siya ang magbibigay ng ulat tungkol sa iyong ginagawa bilang bantay hanggang sa buong puso mong pagsisihan ang mga nagawang pagkakamali."

Napasinghap si Orasiana sa mga narinig na parusa. Sa lahat ng may mataas na posisyong bantay, si Rolexur pa talaga ang itinalagang bantay niya sa mga panahon ng kanyang parusa. Sobrang strikto nito ay walang itong pinapalagpas kahit na sino.

Nanlumo si Orasiana sa mga narinig ngunit hindi niya dapat ipakita ang pagkadismaya sa mga nagyayari dahil siya ang may gawa nang parusang iyon sa kaniyang sarili.

"Maaari ka nang magsalita, Prinsesa Orasiana. Maaari mo nang ihayag ang iyong saloobin hinggil sa iyong kaparusahan." wika ni Emrin.

"Tinatanggap ko ang kaparusuhan, Ama kong Hari." buong tapang na wika ni Orasiana habang nakatitig sa kaniyang ama at ina.

Napasinghap si Haring Segundos habang awa naman ang rumihistro sa mukha ng Reyna Minuteya.

"Kami ng iyong ina ay labis mong pinahanga mahal na prinsesa." wika ng hari sa isang masiglang boses. Tunay nga ang katapangan na pinakita ni Orasiana.

. . .

Sumapit ang gabi, malungkot man ay pinilit ni Prinsesa Orasiana na magpahinga ng maaga sa kaniyang silid pagkatapos ng hapunang pinagsaluhan nila ng mga magulang. Iyon ang huling gabing matutulog siya sa kaniyang sariling silid. Bukas na bukas ay magsisimula na ang kaniyang parusa bago pumutok ang araw.

Magkasunod na mahinang katok ang umagaw ng atensiyon ni Prinsesa Orasiana.

"Sino iyan?" kalmadong tanong ni Prinsesa Orasiana.

"Si Silvera ito, Mahal na Prinsesa. Maaari ba kitang makausap?" tanong ng alalay ng prinsesa.

"Pumasok ka Silvera." pagbibigay pahintulot ng prinsesa habang umayos sa pagkakaupo sa kaniyang higaan.

Si Silvera ang ilan sa mga taong malapit sa prinsesa. Isa sa mga nasasabihan niya ng mga saloobin na hindi niya kayang sabihin sa mga magulang.

Kitang-kita ni Prinsesa Orasiana ang lungkot sa mukha ng alalay na ngayon ay nakatayo sa gilid ng kaniyang higaan.

"Ano ang iyong nais sabihin, Silvera?" agad na tanong ng prinsesa kay Silvera.

"Nais ko sanang malaman kung mapagsisilbihan pa rin ba kita sa susunod na kwarenta diyas, Mahal na Prinsesa?"

"Mananatili ka pa rin na aking tagapagsilbi Silvera ngunit hindi mo muna ako pagsisilbihan sa mga panahong nasa mahiwagang silid ako." sagot ng prinsesa sa kausap.

"Ipapanalangin ko na nawa'y mapatawad ka sa iyong kasalanan bago dumating ang iyong kaarawan."

"Nawa'y dinggin ni Bathala ang iyong panalangin Silvera." ramdam ng prinsesa ang totoong pagmamalasakit ni Silvera sa kaniya.

Kung sakali ay ito ang unang beses ba hindi siya magdadaos ng kaniyang kaarawan dahil sa kaniyang parusa. Nalungkot man sa posibleng mangyari ay ngumiti lang si Prinsesa Orasiana. Wala siyang dapat sisihin sa nangyayari at mangyayari pa dahil siya ang gumawa nito sa kaniyang sarili.

Subalit hindi pa rin makatulog si Prinsesa Orasiana kahit isang oras ng tahimik ang paligid buhat nang lumisan si Silvera sa kaniyang silid. Hindi niya mawaglit sa isip niya ang lalaking unang nagpatibok ng kaniyang puso.

"Natutulog na kaya siya sa mga oras na ito?" tanong ni Orasiana sa kaniyang sarili habang sumilay ang ngiti sa kaniyang mga labi.

Iniisip pa lang niya na isang buwan at sampung araw niya itong hindi muna makikita ay nadagdagan ang lungkot ng dalagang prinsesa.

"Tigilan mo na ang kahibangan mo Orasiana!" singhal ng isang parte ng utak niya.

"Tanggapin mo na ang katotohanang walang patutunguhan ang inyong relasyon." dagdag pa ng utak niya na mas nagpagising sa kaniyang kamalayan.

Dali-dali siyang bumangon mula sa pagkakahiga at tuluyang lumabas ng kaniyang silid. Agad niyang tinungo ang malawak na hardin sa likod ng palasyo sa hangarin na makalanghap ng sariwang hangin at iwaksi ang lahat ng mga isiping naglilikot Sa kaniyang utak.

Sumalubong sa kaniya ang halimuyak ng mga bulaklak na kasama sa malamig na ihip ng hangin. Tanging liwanag mula sa buwan ang kaniyang tanglaw.

Ipinikit niya ang kaniyang mga mata sabay ng pagtingala niya sa kalangitan at dahan-dahang pinakawalan ang mga braso sa ere. Malaya niyang nilanghap ang sariwang hangin sa kaniyang paligid. Unti-unting gumaan ang kaniyang pakiramdam na ikinangiti niya.

"Kay gandang pagmasdan ng tanawin. . ." isang boses na nagpamulagat ng mga mata ni Prinsesa Orasiana kasabay ng pagbagsak ng mga braso sa gilid ng kaniyang katawan.

"Anong ginagawa mo dito?  Isang kalapastanganan ang pang-iistorbo mo sa aking pagninilay-nilay, kawal!" sumibol ang inis ng prinsesa nang malingunan ang punong kawal na si Rolexur na nakatayo sa madilim na parte ng hardin.

"Patawad, Mahal na Prinsesa. Batid kong nais n'yong mapag-isa ngunit kailangan niyo nang magpahinga para may lakas kayo bukas." magalang na wika ng punong kawal na umani ng buong atensiyon ng prinsesa.

Halos nakalimutan na niya ang oras.  Dapat bago mag alas nuwebe ng gabi ay tulog na siya ngunit malapit nang mag alas diyes ng gabi at heto siya gumagala sa hardin.

"Alam ko ang dapat gawin. Hindi mo na ako kailangang paalalahanan." mataray na tugon ng prinsesa sa tinuran ni Rolexur saka tumalikod at binaybay ang daan patungo sa palasyo.

Sumilay ang matipid na ngiti sa labi ng binatang kawal. Batid niyang nagtataray lamang ito dahil siya ang kausap nito ngunit sadyang kilala niya ang kaniyang prinsesa sa pagiging mabait,  magalang at mapagmahal.

Sapat na sa kaniya ang mapaglingkuran ang prinsesa kaya naman hindi siya tumanggi nang mapiling maging tagabantay ng prinsesa sa panahong pagsisilbihan nitang parusang pinataw sa kaniya.

Sandaling nalungkot Si Rolexur nang maalala ang kapangahasang ginawa ng prinsesa lalo na nang malamang nagawa niya iyon dahil sa pagmamahal sa isang lalaki.

Gayunpaman ay umaasa ang binatang kawal na darating ang panahong makikita din ng prinsesa ang damdaming mayroon siya para dito kahit batid niyang imposibleng magkagusto ang prinsesa sa kaniya. Batid din niyang suntok sa buwan ang kaniyang inaasam dahil hindi ang katulad niya ang nararapat na mahalin ng prinsesa.

Masaya niyang pinagmasdan ang palasyo kung saan nagpapahinga ang babaeng labis niyang tinatangi. May ngiti sa labing tumingala sa buwan si Rolexur at tahimik na pinagmasdan ang kagandahan ng gabi.

Bukas ay magsisimula na ang kaniyang pagbabantay sa prinsesa at nagdulot iyon ng ibayong galak sa puso ng binata.
 
                    ¶¶¶¶¶¶¶

Tagal ko nakaupdate.  Sorry sa mga naghihintay kung meron man. Meron Ba?

Ako Lang yata naghihintay ng update ko.  Anyway,  I'm happy na naupdate ko ito. 

Salamat sa mga nagbabasa kung meron man. Maraming salamat!

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Sep 11, 2022 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

OrasianaWhere stories live. Discover now