18 - Paglalahad

50 13 7
                                    

Enero 3, 1852
Oras: alas-tres ng hapon

"Alam mo ba ang naging epekto nang ginawa mo, Orasiana?" seryosong tanong ni Haring Segundos sa anak na kasalukuyang nakaluhod sa harap ng kanyang trono.

Magta-tatlong araw na ngayon mula noong aminin ni Orasiana ang ginawang kamalian. Sobrang nalungkot ang kanyang mga magulang dahil sa nagawa ng kanilang kaisa-isang anak na prinsesa. Kapag hindi nahanapan ng solusyon ang problemang dulot ng mga ginawa ni Orasiana ay baka magkagulo ang buong kaharian.

Nabahala nang husto ang hari sa lahat ng nangyayari kaya ipinatawag nila si Orasiana pagkatapos ng pagpupulong na ginawa kasama ang mga opisyal ng kaharian. Nasa pribadong silid sila upang pag-usapan ang suliraning kinakaharap ng buong kaharian ng Timeria. Kasama nila si Emrin na taga-ulat ng palasyo at ang punong bantay ng mahiwagang orasan na si Tandang Amor Sieko.

"Hindi ko batid na ganoon ang mangyayari mahal kong ama. Patawad sa aking kalapastanganan." paghingi ng tawad ni Orasiana habang nakayuko at nagsimulang umagos ang luha sa kanyang mga mata.

Sumilay ang habag sa mga mata ng kanyang ina habang tahimik na pinagmasdan ang anak. Hindi niya mawari kung paano matutulungan ang kanyang anak sa parusang haharapin nito dahil sa mga nagawa niya.

"Inilagay mo sa malaking suliranin ang buong kaharian. Ikaw na prinsesa ng kahariang ito ang mismong naglagay nito sa panganib." patuloy ng amang hari habang nakakuyom ang isang kamao nito.

Hindi nagsalita si Orasiana. Nanatili siyang tahimik na umiiyak dahil sa labis na pagsisisi.

"Nais kong malaman ang dahilan ng iyong paglabas sa gabi. Ano ang ginagawa mo sa labas ng palasyo?" tanong ng kanyang ama na may diin ang bawat salitang binigkas.

Napaangat ng mukha si Orasiana at diretsong tumitig sa mga mata ng kanyang ama na parang may hinahagilap ito mula doon. Hilam man sa luha ay nakita ni Orasiana na nandoon pa rin ang awa sa mga mata ng kanyang ama para sa kanya bilang isang anak.

Matagal bago magsimulang ilahad ni Orasiana ang kanyang pakay sa labas ng palasyo. Inilahad niya dito ang minsang pasekreto niyang pagtakas sa palasyo upang maranasan ang maging malaya. Maglalabing-walong taong gulang pa lamang siya at mahigpit na ipinagbabawal ng kanyang amang hari ang paglabas niya ng palasyo lalo na kapag siya ay mag-isa lamang at walang kasamang mga kawal.

Ngunit dahil sa batas na iyon ay umusbong ang pagnanais ng dalagitang prinsesa na maranasan ang buhay sa labas ng kinalakhang palasyo. Ninais niyang maranasan ang buhay bilang isang ordinaryong tao na walang bawal na iniisip.

Mula noong nagkaisip siya ay wala na siyang ginawa kung hindi ang sundin ang bawat sabihin ng mga magulang at nang kanyang guro na nagtuturo sa kanya kung paano umasal ng maayos bilang isang prinsesa sa Kaharian ng Timeria. Puro pag-aaral ng iba't-ibang bagay ang ginawa ni Orasiana bilang paghahanda sa kanyang pagmamana sa trono ng mga magulang dahil siya ay nag-iisang anak lamang.

Ilang beses niyang ninais magtampisaw at maglaro sa ulan tulad nang mga batang lagi niyang nakikita sa bayan kapag dumadaan siya kasama ang kanyang mga magulang tuwing magsisimba sa bayan. Gustong-gusto niyang makipagkarera sa kapwa bata sa mga kaparangan at bukirin habang nagpapastol ng mga baka at kambing o di kaya ay umakyat sa mga puno para pumitas ng mga hinog na bunga. Ang mga bagay na iyon ang hindi kailanman naranasan ni Orasiana sa kanyang buhay.

Nakaramdam nang habag ang kanyang amang hari habang isinisalaysay ni Orasiana ang lahat habang tuluyang napaiyak ang kanyang inang reyna. Hindi nila lubos akalain na sa pagnanais nilang ihanda ang sariling anak para sa hinaharap nitong katungkulan at obligasyon ay nakalimutan nilang minsan din itong naging bata. Naibigay man nila ang karangyaan, seguridad at pagmamahal na tinatamasa nito sa buhay bilang isang prinsesa ay nabigo sila sa parteng bigyan ito ng kaligayahang dapat nitong maranasan noon pa man.

"Subalit bakit mo inilihim sa amin nang iyong ina ang mga nais mong gawin? Hindi naman masama ang iyong hangarin? Mayroon ka pa bang ibang ginawa sa labas na ayaw mong malaman namin, Mahal kong Anak?" tanong ni Haring Segundos sa nakayuko paring si Orasiana.

"Sa aking palihim na pamamalagi sa labas ng palasyo ay . . . may nakilala ako Ama ko." nag-aalinlangan man subalit kailangan niyang sabihin ang lahat sa mga magulang.

Hindi umimik ang kanyang mga magulang, hudyat na dapat na siyang magpatuloy.

"Nakilala ko ang isang binata. Mabait siya ama. Iniligtas niya ako sa kapahamakan noong minsan akong harangin ng mga tulisan habang papauwi dito. Napalapit ako sa kanya hanggang sa . . . h-hanggang sa mahulog ang loob ko sa kanya." may ngiting sumilay sa mga labi ng dalagitang prinsesa kahit basa ang mga pisngi sa sariling luha.

Napasinghap ang kanyang mga magulang sa tinuran ng kanilang nag-iisang prinsesa. Tunay ngang kakaiba ang kislap ng kanyang mga mata sa pagbanggit nito tungkol sa binata.

"Sino ang binatang ito? Sa anong kaharian siya galing?" usisa ng kanyang amang hari.

"Ama. . . h-hindi siya isang prinsipeng tulad ng iniisip ninyo." biglang bumalik ang pangamba sa mukha ng dalaga habang hinihintay ang reaksiyon ng kanyang amang halata ang pagkagulat sa mukha dahil sa kanyang sinabi.

"Kung hindi siya isang magiting na prinsipe, ano siya Orasiana?" may diin ang bawat salitang binitiwan ng hari.

"I-isang m-mangangalakal Ama." puno ng pag-aalinlangan ang boses ni Orasiana. Alam niyang bawal ang kinasadlakang sitwasyon kasama ang lalaking unang nagpatibok ng kanyang batang puso.

Tahimik na nagkatinginan ang kanyang mga magulang. Nag-uusap ang mga mata nila habang unti-unting pumatak ang luha ng kanyang inang reyna. Batid niya ang balakid na dala ng responsibilidad na haharapin ng kanilang anak. Sobrang hirap ang maging prinsesa at nag-iisang tagapagmana ng isang kaharian dahil wala siyang kalayaan umibig sa kung sinumang gustuhin nito.

"Umiibig ka sa isang mangangalakal?" gulat na tanong ni Haring Segundos kay Orasiana.

"Patawad Ama! Batid kong iyon ay isang pagkakamali ngunit kusa iyong nangyari at hindi ko mapigilan ang aking nararamdaman."

"Hindi ka na makakalabas ng palasyong ito hangga't hindi mo kami kasama Orasiana. Iyan ay mahigpit na ipapatupad hanggang sabihin ko kung kailan pupuwede." seryoso at may diing sambit ng hari dala ng pagkadismaya sa inilahad ng kanyang anak.

"N-ngunit Ama. . ."

"Isa lamang iyan sa parusang ipapataw sayo sa mapangahas mong ginawa Orasiana. Huwag mong isipin na palalampasin namin ang iyong ginawang kamalian. Iminulat ka namin sa paggawa ng tama at pagiging responsable dahil darating ang panahon na ikaw ang mamumuno sa kahariang ito kapag kami ay wala na. Ngunit sumuway ka sa mga utos ko na maaring ikapapahamak ng iyong sarili at nang nakararami." puno ng tapang na binitiwan ng hari ang mga salitang iyon.

"Patawad Ama. . . Ina. . ." iyon ang tanging nasambit ni Orasiana habang iniisip niya kung ano pa ang kasunod na parusang naghihintay sa kanya.

Tanggap niya ang anumang kaparusahan na ipapataw sa kanya ngunit hindi niya maiwasang malungkot dahil naging sobrang iresponsable niya at mahina. Nagpadala siya sa bugso ng damdaming ngayon pa lang niya naranasan - ang una niyang pag-ibig.

🕒🕒🕒🕒🕒🕒🕒
Ano pa kayang parusa ang naghihintay kay Orasiana? Kaya niya kayang panindigan ang parusang iyon?

Sino ang lalaking iniibig ni Orasiana? May kahahantungan kaya ang pag-iibigan nilang iyon?

Sana ay samahan niyo akong abangan ang mga susunod na mangyayari sa buhay ni Prinsesa Orasiana.

Orasianaحيث تعيش القصص. اكتشف الآن