Chapter 05: Unwanted

981 91 40
                                    

AURORA BLANCO

"Teka lang, sandali!"

"Kain ka na."

"Bata, inumin mo oh."

"Wow, ang galing naman. Ang bait!"

Napaupo ako at halos hindi na maigalaw ang katawan ko sa pagod. Ang dami rin kasing bata rito sa pinuntahan naming Orphanage sa kabilang bayan. Ang kukulit pati kaya wala kaming magawa kun'di maghabol nang maghabol. Nakabantay rin kasi si Sir Philo at ang iba pa naming guro kaya kailangan kong maging maagap kahit wala naman talaga akong pakielam. Ayokong mapagalitan. Masasayang ang mga mahahalagang oras na mayroon ako.

"Tubig oh," saad ni Raphael sabay abot ng plastic bottle na may lamang tubig sa akin. Tumango lang ako at kinuha 'yon. Agad ko itong binuksan at tinungga. Kakauhaw rin pala maging matulungin kahit minsan.

Umupo sa tabi kong upuan si Raphael. "Sabi ng mga kaklase natin, may mga palaro. 'Yon pala, palaro sa mga bata. Asar!" reklamo niya at ininom na rin ang inuming hawak niya.

Napailing-iling ako at napangiti nang may maalala. Nabawi na ata ni Raphael ang inis ko sa kaniya. Pigil kasi ang tawa ko nang madapa-dapa siya noong naghahabol sa mga bata kanina. Ang pinakahindi ko talaga makalilimutan ay yung tinawag pa siyang "ate" dahil sa mahaba niyang buhok.

"Nagpapaniwala ka kasi sa mga sabi-sabi ng iba," banat ko. Nawala naman ang ngisi sa mga labi niya at napaiwas ng tingin. Napalunok ulit siya. Ano namang nangyari rito?

"Malapit na magmisa. Tara na't umalis na tayo," saad niya. Tumayo naman ako at hinayaan siyang manguna. Wala na rin ata ako sa wisyo para mag-isip ng alibi para makaalis dito kung saka-sakaling mahuli kami. Nakakapagod maghabol. Hahayaan ko na lang si Raphael ang gumawa ng paraan.

"Uy, saan kayo pupunta?" tanong ng kaklase namin. Kung hindi ako nagkakamali, siya si Sapphire Tordecilla. Hindi ko siya gano'n kakilala pero ka-group ko siya sa Charity Work namin ngayong araw. Gamit ang hinlalaki ay tinuro ni Raphael ang malapit na kalsada.

"Hahanap lang ng makakain," saad niya.

Tumango naman si Sapphire at tumingin din sa akin, "Balik na rin siguro kayo agad. Magsisimula na kasi 'yong misa," giit nito at umalis na. Nakangisi akong sumunod kay Raphael hanggang makalabas na kami ng orphanage. Malaki kasi ang property ng bahay ampunan na 'yon. May sarili talaga silang kapilya sa loob at napakalawak pa ng hardin. Kung pwede nga lang, doon na lang ako sa swing ng garden nila buong araw; andami pang bulaklak.

"Well, well, what should we do?" saad ni Raphael habang nakatanaw sa kalsadang nasa harapan namin. Sa kabilang dako naman ay puros mga kainan. May stalls ng para sa street foods, tapsilogan, at marami pang iba.

"E 'di maglakad-lakad muna tayo. Baka may ma—sorry, Miss." Naputol ang sinasabi ni Raphael nang may biglang bumangga sa kaniya. Isang babaeng may maikling buhok na itim na hanggang leeg lang at kaparehas namin ang uniform. Tingin ko, Grade 12 na ang isang 'to.

"Rory," tawag sa akin ni Raphael nang malagpasan na kami ng babae.

Tumango ako habang hindi parin inaalis ang tingin sa babaeng 'yon, "Alam ko. Sundan nati—"

"Rory, huwag mo nang tangkain, "sita ni Raphael habang mahigpit na nakahawak sa balikat ko.

"Isang buwan ka lang magpipigil. Kinaya mo 'yon noon, kakayanin mo rin ngayon."

Hindi ko man lang siya tinapunan ng tingin nang alisin ko ang kamay niyang nasa balikat ko at tumakbo sa dinaanan ng babae kanina. Hindi siya papunta sa simbahan batay sa tinahak niya kanina. Saan nga ba siya pupunta? Ang mayroon lang naman dito sa east wing ng orphanage ay ang hardin na sobrang lawak at—The swing! Tama, yung swing na naririto rin. Marahil ay doon siya pumunta.

Pain ReaperWhere stories live. Discover now