Chapter 20: Shadow of the Past

3.2K 121 2
                                    

Nagkalat na sa buong hotel ang mga taong dumalo sa auction na iyon. Nagkakagulo na ang lahat sa labas dahil sa sunod-sunod na putok ng baril na makailang beses ding narinig mula sa loob. Hindi inaasahan ng mga bisita na magkakagulo nang ganoon sa isang engrandeng pagtitipon na dinaluhan.

Patuloy na hinahanap ni Ring ang auction house kahit sinabihan na siyang tapos na ang misyon nila. Nakapagtataka lang dahil wala ang mga bidder maging ang mga guard nito sa lugar na madaling makita. Ibig sabihin lang ng nangyayari ngayon ay natuloy nga ang auction, sa ibang lugar nga lang.

Ito ang unang beses na sasalang si Ring sa Annual Elimination. Alam niya ang kailangang gawin—mabuhay at makatagal sa laban. Ngunit hindi niya inaasahang ganito kalala ang Annual Elimination na maaabutan.

Alam niyang purong kabrutalan ang elimination ngunit maraming inosente sa paligid, at mukhang hindi iyon inisip ng iba. Maraming nadamay na taong hindi naman dapat madamay. Pati si Ligee, nakita ang hindi dapat makita. Ngayon, punong-puno na ang isipan niya.

"Tigil!"

Napahinto si Ring at nakita ang isang lalaki sa dulo ng hallway na may hawak na baril at nakatutok sa kanya. Mabilisan niyang kinuha ang dalawang patalim sa loob ng suit at pinatama sa dibdib at leeg ng kalaban. Walang lugar ang pagdadalawang-isip dahil kamatayan ang katumbas ng bawat segundong masasayang.

Marami-rami na rin ang napapabagsak niya para lang mahanap ang auction house. Iisa lang naman ang target nila at iisa lang ang guard na sana'y poproblemahin, ngunit ngayon, halos lahat na yata ng makasalubong niya ay kailangan nang patayin.

"Ring! Nasaan ka na?"

Sumagot siya sa kabilang linya. "Nasa 4th floor ako, Tank."

"Ano'ng ginagawa mo diyan?"

"Hinahanap ko ang auction house!" Lumapit na siya sa lalaki sa dulo ng pasilyo upang kunin ang mga patalim na ibinato.

"Tapos na ang trabaho! Ano pa ba'ng hahanapin mo?"

"Natuloy ang auction! Alam kong natuloy 'yon!"

"Natuloy man o hindi, hindi na 'yon mahalaga! Wala talagang mission! Umalis ka na diyan, bumaba ka na rito at—"

Hindi na niya pinatapos pa ang sinasabi ng kabilang linya. Hinubad niya agad ang earphone at itinapon sa kung saan.

Wala siyang pakialam kung nasa Annual Elimination siya, ang mahalaga'y magawa niya ang inatas sa kanilang misyon. Iyon ang trabaho, at kailangang gawin ang trabaho. Alam niyang kailangang sundin ang utos ng commander nila ngunit may prinsipyo siya. Kung ano ang paniniwala niya, iyon ang susundin niya. May gusto siyang patunayan—sa lahat at sa sarili. Kung ngayon pa lang ay susuko na siya, hindi na niya makukuha ang sagot na matagal na niyang hinahanap.

Sumakay siya sa elevator kahit alam niyang delikado pa ring gamitin iyon.

Hindi lang niya inaasahang pagbukas niyon ay bumungad sa kanya si Josef. Bumakas ang gulat at kaba sa mukha niya at hindi sigurado kung papasok ba sa loob ng elevator o hindi.

Humugot muna siya ng maayos na hininga at pinilit ayusin ang sarili. Ayaw niyang ipahalatang may masamang nangyayari sa lugar, lalo pa't kalmado rin kasi ito nang obserbahan niya.

Pumasok si Ring at pumuwesto sa tabi ni Josef. Deretso ang tingin niya habang pinanonood na sumara ang pinto ng elevator.

"Saan ka pupunta?" kalmadong tanong ni Josef.

"May kukunin lang sa kuwarto namin ni Ligee. Ikaw?" kinakabahang sagot ni Ring.

"Hahanapin ko lang si Jocas. Hindi pa kasi bumabalik."

Project RYJO 1: The NewlywedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon