End of the Beginning

4.5K 155 25
                                    

Ilang beses na huminto si Josef sa iba't ibang floor dahil sa pagloloko ng elevator. Ilang beses siyang naharang ng iba't ibang guards at special security force na kalahok sa Annual Elimination na iyon.

Napilitan siyang lumabas sa 39th floor dahil hanggang doon lang huminto ang isang libreng elevator at hindi na nakaabot pa hanggang penthouse.

"Nasaan na ba ang Jocas na 'yon?" naiirita niyang tanong sa sarili habang nagtatago sa likod ng pader sa dulo ng floor na iyon.

May naglilibot na guard sa hallway at wala siyang magagawa kundi tapusin iyon para makalibot sa buong floor.

Puwersahan niyang inalis ang isa sa butones ng dress shirt na suot at pinagulong iyon sa pasilyo.

Napansin agad ng isang guard ang gumugulong sa sahig kaya lumapit ito sa pinagtataguan ni Josef.

Walang ano-ano'y kinuha niya ang damit ng guwardiya at hinawakan ito nang mahigpit sa ulo. Pinilipit niya ang leeg ng bantay, dahilan para mabali ang leeg nito at mawalan ng buhay. Mabilis niyang hinatak ang katawan ng guard at itinabi sa gilid ng kanyang pinagtataguan.

Sumilip siyang muli sa hallway. May dalawa pang guard na may dalang mga shotgun ang rumoronda.

Kinuha na naman niya ang isang butones ng kabilang manggas at pinatama sa ulo ng isa sa mga rumorondang guard, dahilan para pumunta ang guard na iyon sa puwesto niya.

Pagkalapit na pagkalapit ng guard ay hinatak na niya ang damit nito sa likuran at siniko nang sobrang lakas ang batok nito. Mabilis na bumagsak sa sahig ang guwardiya. Kinuha niya ang dala nitong shotgun at pinaputok nang malapitan sa ulo nito. Umalingawngaw ang lakas ng tunog ng baril sa pasilyong iyon. Sumabog ang bungo ng guwardiya. Nagkalat ang iba't ibang bahagi ng laman nito sa sahig. Natawag tuloy niya ang pansin ng isa pa.

Agad-agad ang kasa niya sa shotgun at pinaputok sa natitirang bantay. Tumilapon ang katawan nito sa lakas ng impact nang tumama ang bala sa dibdib nito.

Tiningnan ni Josef ang CCTV camera sa kanto na malapit sa kanya.

Alam niyang iyon ang habol nila sa kanya—sa kanilang lahat.

Ibinaba niya ang tingin at napansing may dala ang guard na medical kit kaya kinuha niya iyon. Tiningnan niya ang laman. May gasa, iodine, tape, medicated plast, at ilang mga gamot.

"Ano 'to? Bakit may ganito rito?" bulong pa niya. Napansin niyang may syringe, maliit na bote ng anaesthesia, at scalpel sa loob—mga hindi normal na nakikita sa isang medicine kit. Maliban na lang kung alam nilang may paggagamitan ang mga bagay na iyon sa mga sandaling iyon. Kinuha niya ang scalpel para magamit sa natitirang bantay.

Puno siya ng kumpiyansa nang lumapit sa guard na binaril niya sa malayuan. Napansin niya ang napigtal na lanyard nito at ang itim na ID na may nakalagay na PASS. Kinuha niya ang suot nitong ID dahil mukhang magagamit ang isang itim na card na para lamang sa mga authorized personnel.

"Humanda ka sa 'kin pag-uwi natin, Jocas." Lalong tumataas ang tensiyon at inis na nararamdaman niya habang nilalakad ang hallway papuntang emergency exit.

Walang kuwenta na ang mga elevator kung hanggang doon lang siya ibababa sa floor na iyon ng bawat masasakyan.

"Buwisit! Saang impiyerno ba nagaganap ang auction na 'yon?"

Bukas ang exit door kaya hinanda na niya ang sarili sa maaaring bumungad sa kanya roon. Dahan-dahan siyang naglakad paakyat ng hagdan at napansin ang anino ng isang tao. Sinilip niya agad kung sino.

"Whoah!" Napahiyaw si Josef nang muntik-muntikan nang tamaan ang pisngi niya ng isang lumilipad na bagay.

Nilingon niya ang pader kung saan bumaon ang isang army knife na muntik na sanang tumama sa mukha niya kung hindi lang niya nailagan.

Project RYJO 1: The NewlywedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon