30. Let's get it on! II

1.7K 112 26
                                        


Let's get it on! II


"Naman! Parang hindi man lang pinagpawisan si Victor sa naging laban niya. Parang bitin tuloy ang katawang-lupa ko." ang bulalas ni Duke.

"Hay naku, ano bang aasahan mo? Alam mo namang beterano na sa laban ang isang iyon. Samantalang iyong kalaban niya ay bagito pa lang. Ang importante at mahalaga ay nagpigil siya kahit paano. Mas pagtuunan na lang natin ng pansin iyong anak ni Andy. Tingnan natin kung ano ang puwede niyang ipakita sa magiging laban niya." ang pakli naman ni Clemen.

"Tama siya. Sa ngayon ay panoorin na lang natin ang laban ni Kief. Aba, ako yata ang nagtuturo diyan." ang wika naman ni Constantine.

"Oo nga, tingnan natin kung ano ang mga naituro mo diyan sa bata mo." si Neil.

Dahil doon ay mas pinagtuunan nila ng atensyon ang malaking arena. Ilang sandali ang lumipas bago may umakyat sa ring mula sa panig ng kalabang team. Mataman namang napatingin si Kief sa kanyang katunggali. Hans ang pangalang nakasulat sa name-tag nito. Tumingin ito pabalik sa kanya at mayabang na ngumisi.

"Hindi ba't ikaw ang sikat na estudiyante ni Constantine Leigh? Kief Riley..."

"Eh ano naman ngayon?" ang balik-tanong ni Kief.

Nagpalabas ng bolang-apoy sa kanang-kamay si Hans at mayabang na tumingin sa kanyang kalaban.

"Puwes, sinuwerte lang kayo sa una niyong panalo. Ngayon, tingnan natin kung may suwerte sa'yo!" ang pakli nito.

Malakas nitong ibinato ang bolang apoy pero mabilis na umilag si Kief, tumalon siya paatras at kasunod noon ang pagpapalabas niya ng dalawa niyang abaniko sa magkabila niyang kamay. Itinakip niya ang isang pamaypay sa kalahati ng kanyang mukha.

"Hindi suwerte ang nangyaring laban. Kung tutuusin ay nagpigil pa nga ang kasama ko." ang wika niya.

Sa pagkakataong ito ay siya naman ang umatake. Ipinagaspas niya ang abanikong hawak niya sa kanan niyang kamay at lumikha iyon ng malakas na hangin. Iyon nga lang ay hindi umiwas ang kalaban niyang si Hans sa ginawa niyang atake. Bagkus ay nagpakawala ito ng malakas na bolang apoy at dahil malakas na hangin ang sumalubong kaya mas lumaki pa ang apoy at naging isa iyong whirlwind. Ngunit bago pa man iyon tuluyang lumaki ng todo ay magkasabay nang ipinagaspas ni Kief ang mga hawak niyang abaniko upang tuluyang patayin ang apoy. Kasunod noon ay umatake siya sa kanyang kalaban ng malakas na suntok sa mukha. Hindi nito inaasahan ang kanyang ginawa at napaatras ito. Sa katunayan ay medyo nagpigil pa siya sa suntok niyang iyon.

Ngayon ay nakikita na niya ang resulta ng mga pahirap na ginagawa ng kanyang master na si Constantine Leigh. Tama, hindi training ang tawag niya kundi pahirap... Dahil iyon naman talaga ang totoo, todong pahirap ang ginagawa nito sa kanya. Napahawak si Hans sa mukha niyang nasuntok... Halos hindi naman dumapo ang kamao ni Kief Riley sa kanyang mukha pero ang sakit na ng tama... Lihim siyang napalunok. Bakit ba nakalimutan niyang ito ang nangunguna sa rank sa guild na pinanggalingan nito?! Ganoon pa man ay hindi siya dapat magpa-intimidate.... Binalutan niya ang paligid ng malakas na apoy at kasunod noon ay nagpalabas siya ng mga kadena gamit ang pentagram. Mahigpit niyang hinawakan ang mga iyon at ipinagapang ang apoy sa mga kadena. Pagkatapos noon ay tumalon siya ng mataas at mabilis na pinuluputan si Kief. Napahiyaw ito dahil napaso sa nag-aapoy na kadena at napangisi siya sa kanyang nakita. Naghiyawan din ang kanyang mga kagrupo.

"Sige! Tustahin mo ang isang iyan!" ang malakas pang wika ng kanilang coach.

"Oo ba!" ang mayabang niyang sagot.

Mas hinigpitan niya ang pagkakagapos ng nag-aapoy na kadena sa kanyang kalaban. Iyon nga lang ay bigla siyang natigilan nang makita niyang ngumiti si Kief sa kabila ng kalagayan nito. Iyong ngiti nito ay nauwi sa mahinang tawa at medyo na-amaze ang lahat sa nakita. Hindi nagtagal ay tuluyan nang nasunog si Kief hanggang sa maglaho ito na parang hangin. Nagulat ang lahat sa nasaksihan.

ESCAPE FROM HELL BOOK 2Where stories live. Discover now