PO 2

1.1K 66 25
                                    

“Hindi ko na alam ang gagawin ko. Marami na akong kapulisan na hiningaan ng tulong para sa paghahanap kay Amaris. Pero, bigo silang lahat. Kaya ngayon, parang nais ko nang sumuko.” Sinabayan pa iyon nang pagpupunas ng ginang gamit ang tissue na nasa kandungan niya.

Walang imik na nanatiling nakatayo lang si Pam sa kanang gilid ng ginang habang nakaupo iyon sa sofa. Hinihimas-himas din niya nang bahagya ang likuran nito kapag medyo napapaiyak ito ng sobra.

Palihim na napapabuntong-hininga si Pam. Nais man niyang sabihin ang totoong nangyari, ayaw niyang makulong. Dahil kahit minor pa sila, alam niyang sisiguraduhin ng ina nito na pagbabayaran nila ang ginawa sa kaniyang anak.

“Halos nakontak ko na rin po lahat ng kakilala namin ni Amaris. At kahit ang mga possible niyang puntahan, pero negative po talaga.” Halos nakapikit na siya habang sinasabi iyon. Ayaw niya nang nagsisinungaling sa ginang dahil parang ina na rin ang turing niya rito. Naging napakabait nito sa kaniya kaya napakasakit din sa kaniya ang mga nangyayari.

“Sa totoo lang, hindi ako naniniwala na hindi ninyo kasama si Amaris noong araw na iyon. Kaya ang paikot na kagubatan doon ay akin na rin pinaimbestigahan.”

Bahagyang napapitlag si Pam sa narinig. Kinabahan din siya. Nabanggit kasi ni Kiko at Troy sa kaniya na ang dala ng mga nitong garbage bag ay basta na lang nila iniwan sa gubat. Tinangka nilang balikan subalit, lalo silang hinigpitan ng kani-kanilang magulang at kapamilya; bahay at eskuwelahan lang dapat dahil nga sa nangyari. Kaya hanggang ngayon ay hindi pa nila iyon nababalikan. Nagkasundo kasi sila na huwag na muna mag-uusap-usap at magkita-kita. At nangako ngang walang makakaalam nang nangyari, tutal patay na naman sina Michael at Amaris.

“…subalit, wala silang nakita. Kaya pinatigil ko na rin. Umaasa na lang ako na isang araw, papasok siya sa pintuan at yayakapin niya ako.” Humikbi-hikbi pa ito at habang kumukuha sa tissue box, mabilis namang kinuha ni Pam ang baso ng tubig na nasa lamesa at iniabot sa ginang.

“Tita, babalik din iyon si Amaris. Mahal na mahal ka niya at… baka nagpapalamig lang ‘yun. Nabanggit po kasi niya na medyo nagkaalitan po kayo…” alanganing saad ni Pam habang hinihimas nito ang likuran ng babae.

Napatango-tango naman si Mrs. De Jesus. Ang pakiramdam kasi ni Amaris, hinihigpitan niya ito, pero ang nais lang naman niya ay mapabuti ang nag-iisang anak.

Simula nang mamatay ang kaniyang asawa ay naging busy na siya sa pagpapatakbo ng kanilang business, kaya medyo hindi niya natutukan ang nagdadalaga na palang anak. At ngayon nga ay tuluyan na atang nawala sa kaniya .

Napalingon siya kay Pam nang yakapin siya nito gamit ang isang braso mula sa likuran. Alam niyang kahit hirap ito dahil sa naka-cast na isang braso, dinadamayan pa rin siya ng dalagita. Kahit paano ay gumaan ang kaniyang pakiramdam kapag narito ang kaibigan ng anak.

Parang kasama na rin niya ang nawawalang anak.

“Salamat, Pam. Kahit paano ay napupunan mo ang pagkawala ni Amaris. Sana umuwi na siya.” Hinawakan pa ni Mrs. De Jesus ang braso ni Pam na nakayakap sa kaniya at bahagya na ring napangiti. “Dito ka na kumain ng tanghalian. Sabayan mo ko, Pam.”

Bahagyang napalayo si Pam at pinunasan ang luhang tumulo sa pisngi. Pilit na ngiti ang isinagot niya dahil kahit gustuhin man niya ay hindi puwede.

“Eh, tita kasi po, marami po akong gagawin sa bahay. Mapapagalitan po ako kapag hindi ako nakapaglinis at walang naabutang pagkain si tiyo.”

“Naka-cast ang braso mo, bakit ka gumagawa sa inyo? Dapat nagpapahinga ka lang.” Tumayo si Mrs. De Jesus at inalalayan siya na makaupo sa gilid nito. Pero tumanggi na si Pam, sinabi niyang kailangan na niyang umuwi habang sumusulyap sa orasang nasa dingding.

“Ganun po talaga. Wala naman po kasing maasahang gagawa sa bahay kung hindi ako. At isa pa po, kaya ko naman.” Pilit na ngumiti pa si Pam. Napatango-tango na lang si Mrs. De Jesus at nagpahintay saglit.

Nagtatakang hindi na nakasagot si Pam lalo pa at dumiretso na ang ginang sa kusina. Mayamaya pa, isang paper bag ang inilapag nito sa lamesa. At nang sabihin nitong dalhin nna niya, alanganin sinilip niya ang loob niyon; isang Tupperware iyon na may kalakihan at isang maliit din na lalagyan.

“Kare-kare iyan. Sinamahan ko na rin ng bagoong. Sige na, maaga akong nagpaluto ng tanghalian. Naparami ang luto ni Aling Mila, iuwi mo na lang para hindi ka na magluto pa.” Nakangiting tumango ang ginang nang bahagya. Mahinang salamat po ang naitugon niya bago binuhat nag paper bag. “Kaya mo ba? Pahahatid kita Mang Rey…”

Pipigilan sana ni Pam, pero tinawag na iyon ng ginang. Pumayag na rin siya dahil mahihirapan siyang sumakay na may bitbit pang paper bag.

Nakangiting hinalikan pa siya ng ginang sa pisngi kasabay nang pagsambit ng ingat.
Napakabuti talaga ng ina ni Amaris.

***

Napaismid si Lucing nang maibaba ang cellphone. Kagyat niya ring hinanap si Pam. Walang sabi-sabing basta na lang niya binuksan niya ang pinto ng kuwarto nito. Naabutan niyang naglalagay ito ng ilang damit sa isang bag. Kahit hirap dahil isang kamay lang ang gamit nito ay mukhang masaya ito.

At bakit hindi?

Ang ina lang naman ni Amaris ang tumawag sa kaniya dahil biyernes ngayon, nais nitong doon muna si Pam sa kanila hanggang linggo. Siyempre, hindi siya pumayag dahil sino ang gagawa sa kanilang bahay? Pero, mapilit si Mrs. De Jesus. Malaki ang utang na loob nila sa ginang dahil ito ang nagpalibing sa ina ni Pam na namatay dahil sa sakit na leukemia. Labandera ito ni Mrs. De Jesus. Halos doon na rin lumaki si Pam sa bahay nito kasa-kasama ni Amaris dahil laging kasama ito ng ina.

“Ang saya-saya mo, ah. Porke’t pupunta ka sa malaking bahay. Hoy, ngayon lang ito. Kapag naulit na naman hindi na kita papayagan. Leche ka, masiyado ka nang sinusuwerte at nakakaligtas ka sa gawain dito sa bahay!” Inambaan pa siya nito na babatukan, kaya mabilis na umiwas si Pam. “Buwiset ka talaga kahit kailan!”

Pigil na pigil ni Lucing ang pananakit sa pamangkin. Hindi sila biniyayaan ng anak ng asawang sa halos dalawampung taon nilang pagsasama. Subalit, hindi man lang siya nagkaroon ng amor kay Pam. Siguro, dahil bunga ito ng kalandian ng ina nito na bunsong kapatid niya. Hindi ito pinanagutan ng nobyo nitong bigla na lang nawala nung malaman na nagdadalang-tao ang kapatid. At ang kinaiinis niya pa, pinag-aaral niya pa iyon pero mas inuna ang kalandian. Kaya ang resulta, namatay ito na mahirap gaya niya at nag-iwan pa ng isang para sa kaniya ay walang silbi.

“Opo, Tiyang.” Matapos na idikit sa katawan ang bag, para maisara niyang maigi ang zipper nito, nakatungong binuhat iyon at inilapag muna sa ibaba ng katre.

“Opo, tiyang.” Ginaya pa ni Lucing ang pagsasalita ni Pam. “Siguraduhin mong narito ka na linggo ng umaga. Magaling na naman ‘yang balikat mo umaarte ka lang kaya ayaw mo pang ipangtanggal ‘yan. Maglalaba ka pa!” At nakairap na nauna na itong lumabas sa kuwarto niya.

Napapabuntong-hiningang dinampot na muli ni Pam ang bag para lumabas. Narinig na rin niya ang busina ng kotseng maghahatid sa kaniya sa bahay ng mga De Jesus.

I'm Sorry:
Puzzled Out
jhavril
2018

I'm Sorry: Puzzled OutWhere stories live. Discover now