PO 6

835 43 29
                                    

Halos matumba si Troy nang pabigla siyang tumayo mula sa kinauupuan sa isang coffee shop. Muntik pang matapunan ng frappe ang kaniyang laptop dahil sa pag-uga ng lamesa. Subalit, hindi pa rin niya inaalis ang paningin sa mismong pintuan kung saan kita niya ang biglaang paglitaw ni Amaris doon. Alas tres ng hapon ayon sa orasang nasa dingding. Magkikita sila nina Kiko at Pam dahil nais niyang ipaalam sa mga ito ang mga kakaibang nangyayari sa kaniya sa mga nagdaang araw. Ang minsang pagpaparamdam ni Amaris ay napapadalas, at pati ang kapatid at ina ay nagtataka na sa takot na kaniyang nararamdaman. Halos isang buwan na kasi ang nakakalipas at hanggang ngayon ay hindi matagpuan ang mga labi ni Amaris. Maaaring kinain na ng mga mababangis na hayop ang ilang parte ng katawan nito.

Napapalunok na nanatiling nakatitig si Troy sa pintuan ng coffee shop. Kitang-kita ang mabalasik na anyo ni Amaris. At sa pagdaan ng isang customer sa kaniyang harapan, nawalang bigla ang imahe nito.

Nagpalinga-linga ang nahihintakutang si Troy sa paligid, baka naroon pa rin ang hindi matahimik na kaluluwa ni Amaris. Minsang nagparamdam ito sa kaniya sa loob ng kuwarto niya, sa sobrang inis ay isinigaw niya ang pangalan nito habang sinasabing hindi siya natatakot dito. Isinatinig din niyang wala siyang kasalanan sa nangyari at patay na si Michael na siyang pasimuno ng lahat.

Subalit, ilang gamit niya sa kuwarto ang biglang naglutangan sa ere at tumama sa kaniya dahilan para magtitili siyang palabas ng kuwarto. Mula noon, sa kuwarto ng kapatid siya natutulog kahit pa anong pilit ng kaniyang ina at ate na guni-guni niya lang ang lahat ay hindi na siya muling pumasok doon. Natatakot na siyang nagiging bayolente na ang kaluluwa ni Amaris.

"Troy?"

Napaigtad pa si Troy ng hawakan ni Pam ang kaniyang balikat na kamuntikan niya pa itong masigawan dala ng gulat.

"Okay ka lang?" nakakunot ang noong tanong ni Kiko na humila na ng upuan habang may hawak na cellphone sa kanan. Wala ng cast sa braso si Pam subalit hindi pa niya iyon pinupuwersang igalaw.

"Nakita ko na naman siya! Buwiset talagang babae 'yan! Hindi niya tayo patatahimikin," habang paupong saad ni Troy.

"Si Amaris?" Humila na rin ng upuan si Pam at umupo. May group chat silang tatlo at doon sila nagsasabihan ng mga nangyayari sa kanila. Agad din nila itong binubura dahil baka may aksidenteng makabasa, yari silang tatlo. Triple ang ginagawa nilang pag-iingat at ito ngang pagkikita nila ay saglit lang. Hindi rin nila ipinapaalam sa kanilang mga pamilya na nagkikita-kita at nagkakausap pa rin sila. Si Kiko ay wala na talagang balak na makipag-ugnayan pa sa dalawa, subalit naisip niya na ang dalawa na lang ang makakapitan niya gaya ngayong pare-pareho silang pinapakiramdaman ni Amaris. Kung baga, sila-sila ang nagkakaintidihan.

"Baka may kasalanan ka sa kaniya kaya ganoon na lang ang galit niya sa'yo?" saad ni Kiko habang walang humpay na nagte-text sa cellphone at tanging sulyap lang ang ginagawa sa dalawang kasama. Isang beses lang na nangyaring nagparamdam si Amaris sa kaniya. Duda nga siya kung totoo bang nangyari sa kaniya 'yun or naghalo-halo na ang inis niya sa kaniyang ama at pagod ng araw na iyon. Kaya alanganin pa kung maniniwala siyang totoong nagpaparamdam si Amaris sa kanila o hindi. Kay Troy ay makailang ulit na. Kay Pam naman, mga dalawang beses na marahil dahil doon na ito nakatira sa bahay nila Amaris.

"Ano kaya kung... aminin na natin kay tita na... may alam tayo sa nangyari kay Amaris? Ituro natin ang..."

"HINDI!" halos magkapanabay pang sagot ng dalawa na sinabayan ng mabalasik na paningin kay Pam. May ilang napatingin sa kanila pero binalewala ng dalawa iyon at hinarap ng may galit si Pam na mukhang nalilito na.

"Gaga ka ba?! Kapag nalaman ni tita tiyak na ipapakulong niya tayo! Dalawang taon na lang nasa hustong edad na tayo at siguradong mabubulok tayo sa kulungan!" mula sa malakas na boses, pahina nang pahina habang inililibot ni Troy ang paningin dahil baka may makarinig sa kanila na kakilala pa nila.

"At ayaw kong mag-birthday sa loob ng kulungan. Kaya tumigil ka Pam sa mga iniisip mo. Hindi na makikita ang bangkay nun dahil sa malamang kinain na ng mga hayop na ligaw ang mga piraso nun or inuuod na kaya..."

"Ano ka ba naman, Kiko? Hindi ka ba nakokonsensiya sa sinasabi mo? Kaibigan natin si Amaris at ganiyan ka magsalita?"

"Puwede ba, Pam? Pare-pareho tayong may kasalanan sa nangyari. Patay na naman si Michael na siya talagang may gawa ng lahat. Naisip ko nga na kaya buhay pa tayo ay para manahimik na lang at mamuhay ng maayos." Ani Kiko na patuloy lang sa pagtipa sa cellphone habang nagsasalita. Sobra siyang nahu-hook sa ka-text niya na nakilala niya sa isang online site.

Mahina lang ang palitan nila ng mga salita. Mahirap na baka may nakikinig at delikado baka may magsumbong sa ina ni Amaris or sa police.

Napabuntong-hininga si Pam bago napasandal sa upuan. 'Yung totoo, ayaw naman talaga niya.

Ayaw niyang mawala ang mga bagay na matagal na niyang ninanais.

***

Malawak na napangiti si Pam nang lingunin niya ang ina ni Amaris habang nagda-drive. Napakabango ng sasakyan at malamig ang aircon. Nasa passenger's seat pa siya at isang napakabait na ina ang kaniyang katabi. Galing sila sa pagsa-shopping at kumain na din sila sa labas. Naalala niyang may nakasalubong silang isang kakilala ng ginang at ipinakilala siya bilang isang malapit sa puso nito. Para sa kaniya, parang anak na siya nito.

"Nag-enjoy ka ba? Sana nagustuhan mo ang mga pinamili ko para sa 'yo." Palingon-lingon habang nakangiting saad ni Mrs. De Jesus. Masayang tumatango-tango naman si Pam.

"Opo. Napakarami nga po ninyong binili. Maraming salamat po." Nagninining ang mga matang saad ni Pam. Binilhan siya ng napakaraming damit, gadgets, sapatos, at ilang alahas.

Tatlong buwan. Tatlong buwan na ang nakalipas ng simulang mawala si Amaris. Hanggang isang araw, umiiyak na gumising ang ginang na si De Jesus, napanaginipan daw nito ang anak at nasa loob daw ng kabaong. At noong araw na iyon, nagpadasal ito. Kahit pa, patuloy pa rin ang pagpapahanap niya sa anak, mas ipinasa-Diyos na niya ang lahat. At kahit paano, umaasa siyang buhay pa rin ito. Dahil halos limang buwan na pero ni anino nito ay wala.

Tama naman si Pam. Hindi titigil ang mundo nila sa pagkawala ni Amaris. Kailangan magpatuloy kahit mahirap. Tutal naman, ginagawa ng mga kinauukulan ang lubusang paghahanap dito.

Ginawa naman ni Pam ang lahat para hindi na sobrang maging malungkutin ang para sa kaniya ay itinuturing niyang ina. At nagtagumpay naman siya. Lahat ng mga na kay Amaris dati ay nasa kaniya na.

"Dalhin mo na 'yung mga nasa backseat. Kung may gusto ka pang ipabili, puwede pa natin balikan bukas." Nakangiting isinara ni Mrs. De Jesus ang pinto ng kotse at binitbit na ang ilan nilang mga pinamili at pumasok na sa kabahayan.

Masayang tinungo ni Pam ang backseat upang kunin ang ilan pang natirang paper bag isasara na sana niya ang pinto niyon nang biglang kumalabog ang likurang bahagi ng sasakyan. Muntik pa siyang mapasigaw dahil napakalakas ng parang pukpok ang dahilan ng tunog.

Marahan siyang napaatras at hindi na tuluyang naisara ang pinto ng kotse. Makailang ulit na lumunok bago inihanda ang sarili sa mabilisang pagpasok sa loob ng kabahayan subalit biglang naulit na muli ang kalabog sa mismong trunk ng kotse. Natigalgal si Pam dahil parang pamilyar ang kalabog na iyon.

Mga kalabog na nais na nilang kalimutan. Lalo na siya.

I'm Sorry:
Puzzled Out
Jhavril
2018

I'm Sorry: Puzzled OutDonde viven las historias. Descúbrelo ahora