PROLOGO

2.6K 123 15
                                    

Hindi niya mapigilang mapangiti habang tinitignan ang mga babae at batang masayang naglalaro sa bakuran. Mula sa ikalawang palapag ng bahay, tanaw na tanaw niya ang lahat ng mga kababaihang kaniyang iniligtas. Ang iba'y masayang nagkukwentuhan, sinasampay ang mga nilabhang kumot at damit, at nakikipaglaro sa mga bata. Kitang-kita sa mga ngiti at tawanan nito ang saya dahil sa wakas ay naialis ang kadenang nakatali sa kanilang paa.

"Nakakatuwa silang tignan," sambit ng lalaki na nakatayo sa kaniyang tabi habang inaayos ang suot na salamin.

Tumango siya, "Tama ka. Hindi mo iisipin ang hirap na kanilang pinagdaanan sa mga ngiting iyan." Siya'y natutuwa dahil nagawa niyang tulungan ang mga ito. Iniligtas niya mula sa pananamantala ng mga Hapon at binigyan ng bagong pag-asa at rason upang magpatuloy sa buhay. Isa ito sa mga layuning ginampanan niya dalawang taon na ang nakakalipas. Ngunit para sa kanya, hindi na lamang ito isang layunin. Sa tuwing nakikita niyang napapalitan ng ngiti ang lungkot at pangamba, sa tuwing nabibigyan niya ito ng bagong pag-asa, sa tuwing naililigtas niya ang mga ito hindi lamang sa pang-aabuso pati na rin sa takot at galit na namumuo sa kanilang mga puso, para bang siya rin ay naililigtas.

Napapikit siya nang dumampi ang malamig na simoy ng hangin sa kanyang mga balat. "Nais kong makita ang bayan nating mapayapa. Walang pinapatay, walang inaalipin, walang pinagsasamantalahan, walang pamilyang nagkakawatak-watak. Walang mga batang umiiyak, walang kakaibihang ikinahihiya ang kanilang sarili. Isang bayang kayang isigaw ang kanilang mga hinaing, ang kanilang opinyon at isang pamahalaang handang pakinggan ang mga iyon." Iminulat niya ang kanyang mga mata at ibinaling ito sa lalaking katabi. "Hindi ba't masayang mamuhay sa bayang tulad ng aking nakikita?"

Binigyan siya ng ngiti ng lalaki, "Alam mo, matapang ka. Sa kabila ng pagiging isang babae nagawa mong iligtas ang kapwa mo mula sa pangmamalupit. Matatag ka dahil sa kabila ng bigat ng layuning pasan mo, nanatili kang nakatayo. Busilak ang puso mo, tinanggap mo sila kahit na marumi ang tingin ng ilang tao sa kanila, kahit na ikinahihiya nila ang kanilang sarili. At higit sa lahat itinuring mo silang pamilya. Malakas rin ang paniniwala mong makakaahon tayo at makakaalis sa gapos ng digmaan. Kaya sa tingin ko, mangyayari ang gusto mo. Magiging totoo ang iyong mga hangarin."

Nginitian niya ito pabalik. Natigil sila sa pag-uusap nang may kumatok sa pinto. "Pasok."

"Binibini, nakahanda na ang mga tauhang susugod sa istasyon ng mga Hapon sa Manapas," wika ng lalaking pumasok sa silid.

Tumango siya at naglakad papunta sa pinto.

"Ivanna," huminto siya at nilingon ang lalaki. "Mag-iingat ka."

Isinayaw ng hangin ang kaniyang mahaba at itim na buhok. "Salamat, Spencer."

IvannaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon