KABANATA 4

1.3K 95 22
                                    

Sinasabi nila na kapag namatay ka, makakaharap mo si San Pedro at ang manok niya sa tapat ng isang higante at gintong gate sa ibabaw ng mga ulap. Dito ka hahatulan kung sa langit o sa impyerno ka mapupunta.

Pero mukhang mali sila. Dahil imbes na mga ulap at isang malaking gate, isang malawak na pastulan ang bumungad sakin. Sa sobrang lawak, hindi ko na matanaw ang hangganan nito. Ang luntiang pastulan at ang asul na kalangitan ay nagtatagpo. Wala ni isang puno sa paligid at tanging ang mga matataas na damo na umaabot hanggang sa tuhod ko at ang mga puting bulaklak ang naroroon.

Inilibot ko ang paningin sa paligid at nagulat nang makita ang isang ilog.

"It wasn't there before."

Mistulang tumitingkad ang ilog dahil sa sobrang linaw nito. Para bang isang kristal na itinatapat sa sikat ng araw. Inihakbang ko ang aking mga paa. Habang papalapit sa ilog, narinig ko ang mahinahong pagdaloy ng tubig. Sinasabayan ito ng tunog na nililikha ng mga damo habang isinasayaw ng hangin.

Napahinto ako at nanlalaki ang mga matang napatingin sa isang tulay na biglang lumitaw sa ibabaw ng ilog, saking harapan. Gawa ito sa kahoy. May mga baging na pumapalibot sa magkabilang balustre at handrail ng tulay. Ang mga baging ay may mga bulaklak na tulad ng mga bulaklak sa paligid.

Biglang may narinig akong mga boses, mga sigaw, tawanan, mga iyak, tunog ng baril, mga awitin at marami pang iba. Wala ni isa akong maintindinhan dahil lahat ng ito'y naghalo-halo sa aking isipan. Ngunit alam kong nanggagaling ito sa kabilang dulo ng tulay.

Pumaibabaw sa ingay ang boses ng isang babae.

"Tumawid ka..."

Dahil sa kagustuhang mawala ang ingay, sinunod ko ang boses. Humakbang ako at tumapak sa tulay. Pagdampi na pagdampi ng aking mga paa ay biglang nawala ang ingay. Hindi na ako huminto at patuloy na naglakad. Para bang may humihila sakin mula sa kabilang dulo ng tulay at hindi ko magawang huminto. Nasa gitna na ako nang makita ko ang sarili kong naglalakad palapit sakin. Agad akong napatingin sa suot kong damit. Tulad pa din ng suot ko sa rooftop kasama si Emily. Jeans, v-neck tshirt, denim jacket at sneakers. Ibinalik ko ang tingin sa babae. Nakasuot siya ng isang kulay asul na bestidang lagpas tuhod ang haba at may manggas na hanggang siko. Hindi siya nakasuot ng kahit na anong sapin sa paa. Nakalugay rin ang ang hanggang bewang at maitim nitong buhok.

She looked lifeless. Walang ni isang emosyon ang makikita sa mga mata nito. Diretso lang siyang nakatingin sa harapan at patuloy na naglalakad.

Hindi ba niya ako nakikita?

Bumilis ang tibok ng puso ko nang makalapit siya sakin. I caught a glimpse of her brown eyes bago niya ako nilagpasan.

Sampaguita. She smells like sampaguita and vanilla.

"Sandali!" tawag ko sa kanya ngunit hindi siya natinag at patuloy na naglakad hanggang sa makarating siya sa dulo ng tulay kung saan ako nakatayo kanina. Lalapitan ko pa sana siya nang bigla akong nilamon ng liwanag.

Maya-maya pa'y naramdaman kong para akong bumulusok sa malalim at malamig na tubig. Hindi ko magawang umahon, hindi ko magawang gumalaw. Tila ba may bumamabara sa lalamunan ko at nahihirapan akong huminga.

Naalimpungatan ako dahil sa malakas na tiktilaok ng manok at ang init na mula sa sikat ng araw na dumadampi sa aking pisngi.

Nanatili ako sa pagkakahiga. My head was pounding with rhythmic pain. Para bang malaking tambol na paulit-ulit pinupukpok. Pakiramdam ko rin tuyo ang lalamunan ko dahil sa hirap sa paglunok.

IvannaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon