CHAPTER ONE

8.4K 146 6
                                    


"RISE and shine, Rhin!" sabay-sabay na bati kay Rodgine ng mga pesteng bisita niya. May kasama pang tapik sa pisngi niya iyon kaya naman lalo siyang na-badtrip.

Ang alam niya sa mga bisita ay dapat na hanggang living room lamang. Pero ang mga tinamaan ng kulog na mga kaibigan niya ay walang sinasanto. Hayun at nakatunghay sa kanya ang pagmumukha nina Milo, Allie at Colt habang nakahiga siya sa kama niya. Mga kabanda niya ang mga ito at ilang taon na ring kaibigan. She was Picayz band's drummer hanggang sa magpasya silang maghiwa-hiwalay walong buwan na ang nakalilipas. Nagkasundo silang huminto na sa pagtugog dahil nais na nilang gawin ang mga bagay na hindi nila magawa ng dahil sa kasikatan nila noon.

Her reason for quitting was simply because she wanted her privacy back. She wanted to live a normal life again. Have a romantic date with her boyfriend, Clint, without someone interrupting them. Pero hindi na mangyayari iyon dahil nakipaghiwalay na sa kanya ang kumag niyang nobyo– ng tumataginting na apat na taon– sa kanya ng nagdaang gabi. Nang maisip ang ex-boyfriend ay parang may pumitik sa sentido niya. Ipinikit niya ang mga mata. Alam niyang miserable ang hitsura niya ng mga sandaling iyon kaya naman hinigit niya ang unan na nahawakan niya sa tabi niya at itinaklob sa mukha niya.

"Rhin, huwag–" pigil sa kanya ni Colt.

Napabalikwas siya ng bangon ng malaman ang dahilan kung bakit bigla na lamang itong humiyaw. Isa-isa niyang binigyan ng masamang tingin ang tatlong nakatayo sa harapan ng kama niya habang tinatanggal ang mga mini cupcakes na napadikit sa mukha niya. Nanlalagkit siya dahil sa icing niyon.

"Mga walang hiya kayo! Wala ba kayong magawa sa buhay niyo at ako ang napili niyong buligligin?" inis na sabi niya sa mga ito. "Lumayas kayo!"

Lalong nadagdagan ang pagkainis niya ng magsipag-halakhakan ang mga ito. Siya, si Rodgine Lores– na mas kilala sa tawag na Rhin dahil sa iyon ang naging screen name niya noong nagbabanda pa sila– ay isa-isa ng pinapatay sa isip niya ang mga kaibigang nasa harapan niya.

"Sorry naman, ayaw mo niyan, kahit sawi ka, matamis ka pa din. At least, hindi ka masasabihan ng ex-jowa mo na bitter ka." nakangising wika naman ni Milo.

Binato niya ito ng cupcake na nakuha niya sa mukha niya. Tumatawang iniwasan lamang nito ang atake niya. Nagngingitngit siya dahil lalong pinapaalala ng mga ito ang kasawian niya. Palibhasa, kasal na lahat ang tatlong tukmol at pawang masasaya ang buhay may asawa ng mga ito. Ngali-ngaliin niyang dukutin ang mata ng mga ito.

"Paano niyo naman nalaman ang kasawian ko?" tanong niya kay Allie na sa tingin niya ay pinakamaayos niyang makakausap sa tatlo.

"Laman ka ng entertainment at showbiz section, isama mo pa ng internet. Wrestli-ngin mo ba naman si Clint sa restaurant kagabi." naiiling na sagot nito. "Trending ka pa din sa Twitter hanggang ngayon." dagdag pa nito.

"Shit," bulong niya. "Lumabas na muna kayo, maliligo na ako. Mamaya na ang interogasyon." aniya at dumiretso na sa banyo.

Kagabi pa siya walang humpay sa pag-iyak. Kaya naman siguradong mugto na ang mga mata niya. Siya na ang inapi, siya pa ang pumapangit. Bwiset! Itinodo niya ang shower at itinapat ang mukha niya sa tubig. Hindi na niya napigilan pa ang mga luhang naglandas sa pisngi niya.

Apat na taon ang sinayang niya sa wala naman palang patutunguhan na relasyon. Akala niya ay magpo-propose na si Clint sa kanya ng nagdaang gabi. Kaya naman ng sa halip na singsing ay break-up agad ang sinalubong nito, nagdilim na ang paningin niya. Hindi na niya ito hinintay pang makatapos ng pagpapaliwanag at sinuntok niya ito sa mukha.

Bumagsak ito mula sa kinauupuan nito. Tinangka pa nitong ibangon ang puri pero hindi siya pumayag. Pinaghahampas niya ito ng handbag na dala niya hanggang sa malugmok na lamang ito sa semento habang sinasalag ang mga hampas niya. Hindi niya pinansin ang mga taong nasa paligid nila. Ano bang pakialam ng mga ito? Nasasaktan siya at kailangan niyang ilabas iyon, sa lalaking nanakit sa kanya. Kung hindi pa siya inawat ng waiter ng restaurant ay hindi pa niya tatantanan si Clint. Pagkatapos ay taas ang noo niyang nilisan ang lugar.

Tale As Old As Time (Published under PHR)Donde viven las historias. Descúbrelo ahora