CHAPTER FOUR

5.2K 101 5
                                    


PASULYAP-SULYAP si Rodgine kay Kwesi habang seryoso nitong tinitingnan ang bawat nutritional facts ng mga food supplies na binibili nila. Nasa mall sila nito at hindi niya ito masinghalan kahit pa naaasar na siya sa tagal nilang mag-grocery.

"Hindi kaya abutin tayo ng paggunaw ng mundo dito?" hindi na nakatiis na tanong niya sa binata.

Mula sa delatang hawak nito ay bumaling ito sa kanya at pagkatapos ay nginitian siya.

Wala na, tapos na ang usapan.

"Sorry, iniisip ko lang kasi na mas magandang madaming nutrisyon ang ipapakain ko sayo."

"Bakit, mukha ba akong kulang sa nutrisyon?" nakataas ang kilay na tanong niya.

"Hindi, ang ibig kong sabihin, masyado kang madaming iniisip sa ngayon. Mas maganda kung puro healthy na pagkain ang kakainin mo para makaiwas ka sa sakit." anito at muli ng ibinaling ang pansin sa iniinspeksiyong delata.

Ibinaba niya ang kilay. Ibang klase talaga ito, sapol palagi ang kasulok-sulukan ng puso niya sa mga ginagawa at binibitawan nitong salita. Kung balak nitong maging miyembro ng BFAD sa araw na iyon ng dahil sa kanya, dapat lang siguro na suportahan niya ito.

"Let's go. Okay na siguro itong supplies natin, sa susunod na araw na lang ulit." sa wakas ay yaya na nito sa kanya.

Napatingin siya sa dalawang cart na parehong puno ng laman na nasa harapan nila. Nagbibiro ba ito? Sa dami ng mga iyon ay parang wala na itong balak na umalis ng bahay nila. O baka naman may balak itong magtayo ng sari-sari store sa harap ng bahay nila? Mula sa tissue paper, cotton buds, panty liner niya hanggang sa red whine ay nasa cart nila. Tapos, iniisip nitong kulang pa iyon? Bangag ba ito?

"Gusto mo bilhin na natin itong mall?" biro niya dito,

"Kung ano-ano na naman ang sinasabi mo, Rodgine." naiiling na wika nito. Luminga-linga ito at ng makakita ng isang crew ay sinenyasan nitong lumapit sa kanila. Nagpatulong ito sa pagtutulak ng isang cart kaya naman siya ang nawalan ng maitutulak. No doubt, Kwesi was the most thoughtful guy she had ever met.

Nang mailagay nila sa sasakyan ang mga grocery bags ay niyaya siya nitong muling pumasok sa mall. Nang tumanggi siya ay sinabihan siya nitong maglakad na lamang siya pabalik kaya naman hindi na siya nagpakiyeme pa at sumunod na sa gusto nito. Isa pa, gutom na din siya. Pero laking dismaya niya ng humantong sila sa... Jollibee?

"May pa-healthy-healthy foods ka pang nalalaman kanina, dito mo lang pala ako balak pakainin." nakangising panunukso niya dito.

Napakamot ito ng batok. "Hindi naman siguro tayo magkakasakit kung dito tayo kakain ng lunch? Iniisip ko lang na mas malilibang ka dito kaysa sa mga fine dining restaurant."

Syet na malagkit! Kapag ganito ka thoughtful ang lalaking magyayaya sa kanya, kahit yata saan ay sasama siya. Napabuntong-hininga na lamang siya. Dapat ay umaakto siyang broken hearted. Pero mukhang mas affected pa si Kwesi sa kundisyon niya. Naaalala lamang niyang sawi siya dahil ipinapaalala nito. She should stop herself from liking this adorable man because she knew that he already loves someone else.

Pagkatapos nilang kumain ay nag-uli pa sila nito at ng mapadako sila sa isang musical instrument shop ay nagyaya itong pumasok doon. She just nods and let him be. Para itong bata na sabik sa pamamasyal at napakawalang puso naman niya kung iiwanan niya ito sa mga trip nito sa buhay. Hindi siya nagsasalita pero napamulagat siya maya-maya ay astang bibilhin na nito ang isang electronic piano.

"T-teka, anong gagawin mo diyan?" awat niya sa binata.

"We'll put it somewhere in your house. Naturingan kang musician at dating kasali sa banda pero wala man lang musical instrument sa inyo." naiiling na sabi pa nito.

Tale As Old As Time (Published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon