II: ANG BATAS AY BATAS

15 0 0
                                    

Naganap na ang kinatatakutan ni Haring Emeritus, ang malawakang digmaan ng Andromeda at Elixhir.

Lulan ng mga malalaking tipak ng bato, ang mga Andromedan ay nagpabagsak ng mga matatalim na kidlat at mga batong apoy na mula pa sa kalawakan. Maraming Elixhirite ang nasawi, nasira ang mga matatayog na tore ng mga Alkhazar, nalubog sa naglalawang apoy ang kanilang mga tahanan, taniman at mga bukal. Pati ang mga kampo ng mga Griffin at Sleipnir ay inatake rin ng mga kawal ni Marte.

Hindi maatim ni Haring Emeritus ang mga nakikita niya sa kanyang kaharian at napagtanto niya na kung sumuko na lamang siya ay hindi ito ang kasasapitan nila ngayon. Napaiyak na lamang siya para sa lahat ng mga nasawing Elixhirite.

Habang siya'y naglalakad papunta sa kanyang silid, narinig niya ang malakas na pagbagsak ng mga poste azurite at nabiyak naman ang mga kristal na salamin. Mga ilang saglit pa, bumukas ang mga dambuhalang pintuan at pumasok ang kanyang mga kalaban.

Si Argaux ang itinuturing na pinakamakapangyarihan sa kalawakan dahil taglay pa niya ang kapangyarihan na 'di pa niya naipapamana kay Cassiopeia. Simula nang lisanin ni Cassiopeia ang Asturias (ang kaharian ng mga tala) isinumpa niya ito na mawawala ang lahat sa kanya.

Sa pagpasok ni Reyna Argaux sa loob ng kaharian, kitang kita ang galit na galit na mukha ni Haring Emeritus dahil sa ginawa nilang pinsala sa Elixhir. Mga ilang saglit pa, pumasok na rin si Pluto (hari ng kadiliman) at si Osiris (reyna ng kamatayan). Biglang sumugod si Pluto kay Haring Emeritus kasama ng mga kawal mula sa kadiliman. Sa tindi ng labanan, hindi sumuko ang magiting na hari na ipinaglaban ang kanyang kaharian sa kanila. Sumigaw at tumawa ng malakas si Reyna Argaux,

"Kahit kailan 'di ka magiging masaya at katulad ni Cassiopeia ang lahat ng sa'yo ay mawawala na parang abo. Hahaha!"

Habang tumatawa ang reyna, nagsalita si Pluto,

"Hindi mo ba alam Emeritus, ang batas ay batas, ang sumuway ay mamamatay at parurusahan sa Hades (ang dagat - dagatang apoy)".

Pero 'di pa rin nakinig ang hari hanggang sa bumagsak siya dahil sa palasong may lason na tumusok sa kaniyang kanang braso.

Tanging luha na lamang ang naibuhos ng hari dahil siya ay nagapi ng kanyang mga kalaban at nagsabi ng ganito,

"... hindi na ninyo makikita ang aking asawa at mga anak dahil sa kasalukuyang naglalakbay na sila. Sa pagdating ng takdang araw sila ay magbabalik at lulupigin nila ang inyong kaharian gaya ng inyong batas, ang batas na sumira sa buhay ng mga Elixhirite.

At ikaw, aking ina, dahil sa'yong kasakiman sa kapangyarihan, maglalaho ka na kasama ang iyong kapangyarihan at kailanman ay hindi mo na ito magagamit upang wasakin ang mundo. Tulad ng aking nasabi, maglalaho ang lahat sa buong Elixhir!"

Sinaksak ni Osiris ang likod ng hari na kanyang ikinamatay. Dahil sa dami ng mga nasawi kumalat sa makintab na sahig ang kanilang mga dugo nang biglang bumuhos ang napakalakas na ulan.

Nakita nila na ang lahat ng mga nababasa ng ulan ay natutunaw na parang yelo at umaagos papunta sa karagatan. Katulad ng mga sugatang kawal at mga bangkay, silang lahat ay natunaw. Kaya nagmadali ang mga pinuno na makalabas at hindi mabasa ng ulan ngunit huli na sila.

Ang mga bulwagan ng kaharian ay nabuksan dahil natunaw na ang mga pintuan nito. At kasabay ng malakas na ulan, nadampian ang mga pinuno at silang lahat ay natunaw din. Lumubog na ang kaharian at ang lahat ay kinain ng malawak na karagatan.

At nawala na ang bakas nito sa kasaysayan ng mundo.

ITUTULOY     

The Lost Kingdom of ElixhirWhere stories live. Discover now