CHAPTER 12

923 22 1
                                    

*******

Awtomatikong umarko ang mga kilay ni Jing-jing nang buksan niya ang text message na lumitaw sa screen ng cellphone niya.

"Need help getting away from your boring date? Look to your left if yes. Kiss your date if not."

Lumingon siya sa gawing kaliwa niya kung saan nakapwesto ang mesang inuupuan ni Bell. Nakita niyang nakatingin din sa kanya ang lalaki at nang magsalubong ang mga tingin nila, sumenyas ito ng OK saka tinawag ang isang waiter. Gusto sana niyang mapailing sa katusuhan ng lalaki. Alam nitong kahit 'hindi' ang isasagot niya, awtomatiko pa ring lilingon siya sa gawi nito dahil sa text nito. He just made sure that even if her answer had been 'no', he could still take it as a 'yes'. Ang tanong, bakit naman nito naisipang makialam at tulungan siya? Parang mas gusto na lang niyang ituloy ang binabalak na pagwo-walk-out kasehodang mapahiya ang ka-date niya. Mas nakakanerbiyos kasi kung tatanggapin niya ang alok ni Bell. Tiyak niyang hindi pabor sa kanya ang hihinging kabayaran ng lalaki kapalit ng pagtulong nito sa kanya.

Maya-maya ay lumapit sa mesa nila ang waiter na nakita niyang kinausap ni Bell. Nag-alok ang waiter na i-refill ang mga water goblets nila. Pigil ang ngiting tinanguan at nginitian naman ni Jing-jing ang waiter. Nahuhulaan na niya kung ano ang iniutos ni Bell sa waiter. Malamang sasadyain ng waiter na buhusan ng tubig sa kandungan si Dennis para nga naman wala itong choice kung hindi tapusin na ang date nila at umuwi dahil sa basang pantalon nito. Pero unti-unting napalis ang ngiti niya nang maingat at walang anumang insidente na nasalinan ng waiter ng tubig ang baso ni Dennis. Napakunot-noo siya at sumulyap sa gawi ni Bell. Pero wala na sa mesang kinauupuan nito kanina ang binata.

Teka, ano'ng nangyari? Bakit hindi sumunod sa utos ni Bell ang waiter? Hindi ba dapat nagkunwari itong nabuhusan si Dennis---

"Ayy!" malakas na sigaw niya nang mabuhusan siya ng malamig na malamig na tubig na may kasama pang mga ice cubes. Hindi lang sa kandungan niya nabuhos ang nagyeyelong tubig kundi mula sa ulo niya, pababa sa mga balikat, dibdib at hanggang sa mga hita niya. Para siyang sapilitang isinali sa ice bucket challenge nang wala man lang nagsasabi sa kanya.

At ang salarin sa likod ng pagkakabuhos ng malamig na tubig sa kanya ay hindi ang waiter na nagsasalin ng tubig sa mga water goblets nila kundi ang mismong siraulong owner at manager ng restaurant. Kunway gulat na gulat at sising-sisi pa si Bell nang iabot sa waiter ang ice bucket at water pitcher na hawak nito sa magkabilang kamay. Ice bucket at water pitcher na pareho nang walang laman ngayon dahil ipinaligo na nito lahat sa kanya.

"Dammit! I'm so sorry, ma'am! I'm really sorry---Jing-jing? Hey, it's you, Jing-jing! Damn! Look, I'm really sorry. Nadulas kasi sa kamay ko yung pitcher at ice bucket. I'm sorry. Here, let me help you. Come with me to my office para makapagbihis ka," tila totoong-totoo ang himig ng pagsisisi at pagnanasang makabawi sa boses ni Bell. Inilahad pa nito ang kamay sa kanya at inalalayan siya patayo mula sa silya niya. Pero kung tititigan naman ang asul na mga mata nito, makikitang nagsasayaw sa kapilyuhan at hindi masukat na kaaliwan iyon.

"Hindi ka nag-iingat! Nasaan ang manager ninyo? Dapat sa iyo masesante!" galit na singhal naman ni Chris kay Bell. Tumayo pa si Chris at luminga-linga para hanapin ang manager na gusto nitong tawagin. Samantalang sina Yang at Dennis naman ay kunot-noong nagpalipat-lipat ang tingin kay Jing-jing at kay Bell. Kilala ni Yang si Bell pero mukhang hindi alam ni Yang na ang restaurant na iyon ay pag-aari nina Bell kaya nagtataka ito sa presensya ng binata roon.

"Magkakilala ba kayo, Jing-jing? Tinawag ka niya sa pangalan mo. Do you know this man, Jing-jing?" kunot-noong untag ni Dennis kay Jing-jing. Tinugon naman ni Yang ng 'oo' ang lalaki saka ipinaliwanag ni Yang sa lalaki kung sino si Bell.

"It doesn't matter if Jing-jing knows this idiot or not! Dapat masesante itong tatanga-tangang waiter na ito. Nasaan ba ang manager ninyo?!" patuloy pa rin sa pabidang pagtatalak ni Chris. Hindi pinapansin ang mahinang pakiusap ni Yang dito na kumalma ito.

Hindi alam ni Jing-jing kung bakit si Chris ang tila mas OA ang reaksyon kaysa sa kanya gayong hindi naman ito ang napaliguan ng malamig na tubig. Sarap tuloy senyasan si Bell na utusan ulit ang isang waiter nito at pabuhusan din ng tubig si Chris. Preferrably ay iyong kumukulo pa sa init na tubig nang mahimasmasan ang lalaki.

"I am the manager, sir. And I'm really sorry for what happened," magalang na tango ni Bell kay Chris bago bumaling sa kanya si Bell. "Jing, halika muna roon sa opisina ko. I'll just ask one of my staff if they have some extra clothes that you can wear."

Hinubad ni Bell ang coat nito at ipinatong sa mga balikat niya. Napansin kasi nitong nangangaligkig na siya sa lamig. Pagkalakas-lakas pa naman ng aircon sa loob ng restaurant. Kanina ay medyo giniginaw na nga siya, mas lalo pa ngayon na dumagdag sa lamig ng katawan niya ang nagyeyelong tubig na ipinaligo ng lalaki sa kanya.

"Excuse me, iiwan ko na kayo. Magtutuos muna kami nito. Tapusin na lang ninyo ang pagkain ninyo," pilit ang ngiting aniya kina Yang, Dennis at Chris.

"Pero dapat ireklamo natin ito! Tignan mo'ng ginawa niya sa iyo!" protesta ni Dennis.

"Kanino ka magrereklamo, Dennis? Sa may-ari? He's also the owner of this place. Besides, I know him. Like what Yang said, he's a family friend. It's okay. Aksidente lang ang nangyari. Excuse us," mariing aniya sa lalaki. Giniginaw na siya at para mapigilan ang panginginig ng mga labi at pangangatal ng mga ngipin ay kinailangan pa niyang itiim ang mga bagang. Kapag nagkasakit siya dahil sa kalokohang ito ni Bell, titiyakin talaga niyang mahahawahan niya ang lalaki.

Ikinawit niya ang braso sa braso ni Bell saka lumakad palayo sa mesa nila nina Yang, Chris at Dennis. Pero tiniyak niya na bumabaon ang mahahabang kuko niya sa braso ni Bell. Iyon nga lang, tila hindi naman iniinda ng binata iyon dahil nakuha pa nitong impit na matawa nang yukuin siya.

SILVER BELLES SERIES 2-JING AND BELLWhere stories live. Discover now