Chapter 29

652 12 0
                                    


                                        Madalas na lumalabas sina Jing-jing at Bell nang magkasama. Minsan ang binata ang nagyayaya. Minsan naman ay si Jing-jing. Magkasama nga rin sila nang mamili ng mga panregalo nila sa Pasko. Maliban na lang siyempre noong bilhin nila ang mga regalo nila para sa isa't isa. Gusto rin sana nilang kumpletuhin ang simbang gabi pero noong unang dalawang misa lang sila nakapagsimba ng magkasama. Naging sunod-sunod kasi ang shows nina Jing-jing dahil sa dami ng Christmas parties na nagaganap. Pero ipinangako nila na sa Christmas Eve ay magkasama silang magsisimba.

Hindi lumilipas ang isang araw nang hindi sila nagtatawagan o kaya ang nagti-text sa isa't isa kapag hindi sila magkasama. Tukso nga nina Lucibelle at Chrisma kay Jing-jing, para din raw pala siyang normal na babae pag na-in love. Nabawasan daw ang bagsik niya. Pati na ang obsesyon niya sa The Walking Dead. Imbes kasi na nagkukulong siya sa bahay nila at nagma-marathon ng The Walking Dead, nagdi-date sila ni Bell. Ang hindi alam ng mga kaibigan niya, kadalasan sa kwarto ni Bell sila nagma-marathon ng panonood ng The Walking Dead.

Madalas pa rin silang magtalo ni Bell. Pero normal na iyon sa kanila at bahagi na lang ng paglalambinga nila. Marami silang magkasalungat nahilig kaya imposibleng maging magkasundo sila sa lahat ng bagay. At minsan, sinasadya na lang rin niyang awayin ang binata para lang amuin at lambingin siya nito. O kaya naman ay baligtad. Siya ang mang-aamo at susuyo rito.

Minsan nga habang nagdi-dinner sila sa Josephine's Cuisine kasama sina Marie at Darrell ay kinailangan pa silang sawayin ng dalawa dahil sa pagtatalo nila. Tukso pa ni Marie na medyo nakakasundo na niya dahil nabawasan na ang pagmamaldita ng babae sa kanya, bagay na bagay daw talaga sila ni Bell. Para silang north at south poles ng magnet. Hindi pwedeng pagdikitin pero hindi rin naman pwedeng paghiwalayin. Sinegundahan pa iyon ni Darrell ng panunukso na bakit hindi pa raw sila magbalak magpakasal.

"Kasal agad? Ni wala pa nga kaming first month anniversary? Grabe ka uy!" pabirong kontra naman agad niya. "Hintayin naman muna nating maka-two monthsary kami bago 'yang kasal-kasal. Malay mo hanggang one month and a half lang pala kami dahil hindi ko magugustuhan ang Christmas gift niya sa akin next week."

"Materyosa! Paano kung picture frame o kaya face towel lang pala ang regalo ni Kuya Bell sa iyo? Ibi-break mo na siya ganun?!" pabirong pandidilat ng mga mata ni Marie sa kanya.

"Aba, natural! Ako, nag-effort sa paghahanap ng perpektong ballpen para sa kanya, tapos siya picture frame lang?! Break na agad pag ganun!" tawa niya.

Hindi niya agad napansin ang biglang pananahimik ni Bell pagkatapos nun. Napuna lang niya iyon nang nasa sasakyan na sila at ihahatid na siya nito pauwi.

"Bell? Bakit?" nagtatakang untag niya nang halos hindi siya kibuin nito habang ini-start nito ang makina ng kotse.

Nilingon naman siya nito at matamang tinitigan. Dinukwang nito ang kambiyo sa pagitan nila at kinuyumos ng halik ang mga labi niya. Pakiramdam niya ay may halong galit ang mariin at mapusok nitong halik. Hindi rin niya mabasa ang ekspresyon ng mga mata nito nang titigan siya maapos pakawalan ang mga labi niya.

"Sa susunod na gusto mong banggitin ang pakikipaghiwalay sa akin, pwede bang huwag mong gawin sa harap ni Marie? Hindi mo siguro napansin pero pinag-alala mo siya kanina. And I know it doesn't really mean anything to you or to Darrell pero pwede bang iwasan mong umakbay-akbay o yumakap-yakap sa kanya sa harap ko o ni Marie?" seryoso ang anyo at tonong hiling nito. Walang galit at sa halip ay himig nakikiusap ang tono ni Bell. Pero tila taliwas naman iyon sa nilalaman ng asul na mga mata nitong nakatuon sa mukha niya. Nalilitong bahagyang nangunot ang noo niya.

SILVER BELLES SERIES 2-JING AND BELLWhere stories live. Discover now