Kabanata VIII: Diborsyo sa Pilipinas

195 49 10
                                    

Ang Tinik na Singsing sa Leeg ni
Maria Clara

Hindi lahat ng pag-ibig ay nagtatapos sa harap ng altar at magpapalitan ng matamis na halik bilang simbolo ng pagmamahalan.

Ang paglapat ng kamay ni Maria Clara sa kanyang talaarawan:

"Kasabay ng mga ingay mula sa kuliglig, ay ang mga ilaw ng kulisap na umiibig."

Tahimik ang buong paligid. Isinara ko na ang durungawan sapagkat alas-otso na ng gabi. Balak ko nang mamahinga sa aking kahihigaan nang makarinig ako ng pilantik mula sa gitara.

Ang pagsintang nangungulila sa iyo,
ang pagluhang sigaw ay ngalan mo.
Hanggang sa pagdating,
ng araw na ito
Ibig kong malaman mo ang puso ko.

Tila lumiwanag ang buong paligid nang maulinigan ko ang boses ng aking iniibig na si Elias. Isang panunuyong nagbuhat ng mga nagsisiliparang mga paru-paro sa hardin. Hindi na ako nag atubili pa nang hagkan niya ako at mag-iwan ng marka ng halik sa aking mga kamay.

Ako na yata ang pinaka masayang tao sa mundo.

Hindi pa nagtatapos sa harana ang lahat. Isang mapanghalinang umaga at mistulang may selebrasyon sa isang pista ang nakahain sa mesa. Malayo pa lang ay tanaw na tanaw ko na ang kalesang lulan ang lalaking aking iniibig kasama ang kaniyang pamilya.

Masaya ang aking buhay pag-ibig.

Gumuguhit ang pusong marka sa tuwing magtatama ang aming mga mata. Napapalitan ng init ang lamig ng bawat gabi sa tuwing ako'y hinahaplos niya. Ang tinig niyang mistulang musika ay hinehele ako dahilan upang masaya akong gumising sa umaga. Ang palad niyang walang kasing-sukat bukod sa palad ko. Para bang iginuhit na ng tadhana ang kapalaran ko.

Ngunit biglaang nagdilim ang paligid.

Bumaligtad ang ikot ng mundo.

Lumabo ang malinaw naming pagsasamahan. Lumabas ang sungay na itinago sa kanluran. Ang bawat tinig na parang musika ay napalitan na ng nakabibinging panghuhusga. Ang dating pusong marka na gumuguhit sa aming mga mata ay naging tubig na. Ang dating mainit na gabi na kayakap ko siya, ay sarili ko na lamang ang hinahagkan ko hanggang umaga. Ang dating haplos ay napalitan na ng pagmamalabis.

Mistulang nasa hukuman at ako ang nasasakdal.

Mistulang tinik ang singsing na nakasasakal.

Ang dating yakap na nagpapakalma sa'kin tuwing gabi ay dumidiin na at nag-uukit ng markang kulay dugo.

Nawala na ang musika ng dating pag-ibig.

Naging gapos ang inakalang seldang pumipintig.

Masayang pakiramdam ang dating pagdapo ng palad niya sa palad ko, ngunit nililipad na ako nito kasabay ng pagdanak ng dugo.

Mistulang nag-eekong maingay sa pandinig. Ang dating masayang suyuan, ay napalitan na ng hindi pagkakaunawaan, at hindi mapawi-pawing sakit.

Galos.

Pasa.

at nakapiring na mga mata.

Nasaan na ang pag-ibig, hindi ko na makita?

Panahon pala ang magdidikta upang malaman ang tunay na anyo sa likod ng inibig mong maskara. Hindi ito ang pangarap kong kwento. Nais ko nang isara ang aklat na kaming dalawa lamang ang nilalaman.

Buo na ang aking loob.

Mula sa hindi pagpapalegal ng diborsyo sa Pilipinas. Sa ilalim ng hindi mabilang na consolidated bills sa Kamara, tinutukoy ang absolute divorce bilang pinal na paghihiwalay sa pagitan ng mag-asawa kung saan sila ay magiging isa muli at maaaring magpakasal kung ilang beses nilang gustuhin.

"Ngunit sa panahon ko ngayon, walang katapat ang dapat na maghusga."

Kasabay ng pagsara ni Maria Clara sa kanyang talaarawan ang mga luhang pilit nang kumawala mula sa malalim na pagkakaipon.

"Magbabalik ulit ako, ngunit hindi na para sa'yo."


Trivia:

Ang diborsyo ay isang paraan ng pagpapawalang-bisa sa kasal. Ito ay itinakda at pinaiiral ng batas-pansibil sa ibang bansa tulad ng Amerika, Britanya at iba pang bansa sa Europa.

Sa Pilipinas, minsan nang nagkaroon ng mainitang pagtatalo kung dapat o hindi dapat gawng legal ang diborsyo sa Pilipinas. Ayon sa pagsasaliksik, 85% ng mga mamamayan sa Pilipinas ang tumututol sa diborsyo samantalang 15% naman ang sumasang-ayon. Napag-alaman pa rin na ang mga sumasang-ayon na gawing legal ang diborsyo sa Pilipinas ay yaong nabibilang sa mayayamang angkan.

References:

https://www.google.com.ph/amp/s/www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/bansa/2018/03/17/1797618/divorce-law-handa-na-ba-ang-pinoy/amp/

Mula sa pahayag ni Maurita M. Reyes at Celia B. Imbat (1994) Ang Diborsyo https://study-everything.blogspot.com/2014/06/ang-diborsyo.html?m=1

Featured Song:
Ang Iyong Pag-ibig mula sa Thy Love ni Binibining Mia

Kalye CrisostomoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon