Prologue 1: Si Melody

3.1K 61 23
                                    

TININGNAN ni Melody ang chat group sa screen ng kanyang telepono. Napakunot-noo siya, hindi lang dahil sa nababasa niyang messages kundi dahil basag-basag na ang screen ng kanyang cell phone kaya di gaanong mabasa ang palitan ng usapan sa group chat na iyon. 'Pete's Corner' ang pangalan ng group chat. Nalalaman ni Melody kung bakit ganito ang pangalan ng nasabing group chat. Alam din niya na ang lahat ng kabataan na naroroon sa grupo ay tulad niyang mga poz. Sa palitan ng messages noon ay nalaman niyang ang 'Pete' na tinutukoy ay ang HIV. Ayaw lang ilagay nang tahasan ni Green Bulb na siyang gumawa ng group chat dahil baka marami sa mga miyembro ang mahiya o di kaya'y matakot at malamang ay mag-alisan na lang sa group. At tulad nga ng inasahan, ganoon nga ang nangyari—marami ang nag-leave the group.

Pero si Melody ay nanatili. Sa pangalang 'Bloody Tummy' ay patuloy na binabasa ang palitan ng usapan sa 'Pete's Corner.'

Isa si Melody sa nagsabing pupunta siya sa Starbucks. Ang totoo'y siya ang pinakamaaga sa lahat. Kahit na may kalayuan ang Alabang kung saan siya nakatira ay sinuong niya ang traffic makarating lang sa Quezon City para makipagkita sa ilang kabataang nasa group chat na nagkaisang magtungo sa coffee shop na iyon.

Nakita ni Melody nang pumasok ang apat na kabataan. Ito'y sina Mark ryder (Luis), Green Bulb (Enzo), Sebastian Montefalco (Kenneth), at Red Lips (Chuchay). Pinili niyang huwag munang lumapit sa mga ito. Piniling magmasid muna at pag naisipan na niyang magpakilala ay lalapit na lang siya at kakausapin ang dumating na apat na kabataan.

Nasa isang sulok si Melody ng coffee shop na may kalayuan sa kanila kaya hindi niya makuhang marinig ang pinag-uusapan ng apat na kapataan na sina Luis, Enzo, Kenneth, at Chuchay. Pagmamasdan ni Melody ang mga kilos ng mga ito habang hinihigop-higop ang inorder na kape.

Mga bakla..? Kahit tinanong ni Melody sa isip niya iyon, pagkaraan ng ilang saglit ay sinagot din niya ang sarili niyang tanong. Pero kilos straight naman ang tatlo. 'Yung isa lang ang effeminate. Si Chuchay ang huling tinukoy niya.

Nakita ni Melody nang tumayo si Luis at nang habulin ito nina Enzo, Kenneth, at Chuchay hanggang sa pintuang salamin ng coffeee shop. Nakita niyang tila nagtatalo ang mga ito. Natigilan si Melody nang marinig si Luis na napalakas ang boses nang sabihing— "I have to leave. I don't think I belong in this group. I'm sorry. I'll just leave the group."

Nakita niya ring nagpilit ang tatlo na sundan si Luis hanggang sa labas ng Starbucks. Patuloy na nagtatalo ang mga ito. Hindi malinaw kay Melody kung ano ang pinagtatalunan nina Luis, Enzo, Kenneth, at Chuchay. Naisipan niyang tumayo at habulin ang mga ito upang lumapit sa kanila. Gusto niyang makausap ang mga ito. Gusto rin niyang malaman kung ano ang kanilang pinagtatalunan. Pero may bigla siyang naramdaman sa kanyang tiyan.

"Shit..," naibulong ni Melody. Kasabay niyon ay napahawak siya sa kanyang tiyan. Sumisipa ata?

May kalakihan na rin ang tiyan ni Melody. Natuon ang tingin niya sa kanyang tiyan. Hinaplos-haplos niya iyon. Kitang-kita na sa hapit na T-shirt na suot ang kanyang ipinagbubuntis. Sa edad niyang kinse anyos, hindi kaagad malalamang nagdadalng-tao si Melody kundi matutuon ang iyong tingin sa kanyang tiyan. Hindi malaki ang bulas ni Melody bilang teenager. Sa unang tingin ay alam na isa siyang kabataan. Minsan nga ay ang akala ng iba ay nasa elementarya pa lamang siya. Dalagitang-dalagita ang kabuuan, balingkinitan ang pangangatawan, maamo ang mukha, at maputi at makinis ang kanyang balat. Ang kabuuan ni Melody ay hindi kagaya ng karamihang nabubuntis na lumalaki ang halos lahat ng parte ng pangangatwan. Walang nag-iba sa kanyang kabuuan kahit na noong hindi pa ito nagdadalang-tao; nanatili ang hugis ng katawan ni Melody na ang kaibahan nga lamang ay lumaki ang kanyang tiyan dahil sa ipinagbubuntis.

Nang malaman niya sa ultrasound na babae ang anak niya ay hindi nagawang isipan ng pangalan ni Melody ang kanyang magiging anak. Sa isip niya, sagabal ito sa kanyang buhay. Ayaw niyang isiping buntis siya at magkakaroon na kaagad ng anak, dahil una bukod sa napakabata pa niya, wala namang kikilalaning ama ang kanyang dinadala. Isa pa'y bukod sa hindi siya handang magkaanak ay alam niyang naiiba ang buhay niya kaysa sa maraming kabataang kilala niya. Iyon ang kanyang palagay dahil nakikita niya ang kaibahan ng buhay niya kung ikukumpara sa mga kaklase niya. Para sa kanya, masaya at maayos ang pamilya ng mga kaklase niya at ang sa kanya ay hindi.

Mga Batang Poz 2 Stigma (UNEDITED)Where stories live. Discover now