Ang 'Drag Queen'

656 21 4
                                    

LUIS

PARA kay Luis, walang dahilan para di niya dapat tanggapin ang kapatid niyang si Paolo bilang isa ring bakla. Pero hindi maialis ang tanong sa kanya na kung bakit dalawa na nga lang silang magkapatid ay pareho pa silang bakla.

Pareho sila ng kuya niya na hinahangaan ng buong Chinese community sa Maynila dahil bukod sa parehong mga lalaki, mga guwapo ay pareho pang matatalino. Kaya naman pinipilit na intindihin ni Luis ang nararamdaman ng daddy niya sa pagkabigo nito sa kuya Paolo niya nang magtapat na isa itong bakla at may kinakasamang boyfriend sa Singapore. Mataas ang pangarap ng daddy niya sa kanila. Silang dalawa ang sinasanay ng kanyang daddy para pangasiwaan ang marami nilang negosyo na lahat ay limpak-limpak na salapi ang kinikita. Kapag naiisip ito ni Luis, hindi lang siya napapahinto, hindi rin niya alam ang gagawin—papaano kung malaman ng daddy niya na bakla rin siya tulad ng Kuya Paolo niya? At higit sa lahat—papaano kung malaman ng daddy niya, ng mommy niya na may HIV siya? Isang bagay ang inuulit-ulit niya sa isipan at sa sarili niya:

I will never tell Dad and Mom that I have the virus. Never. Over my dead body.

Kahit ang kanyang seksuwalidad ay ipinapangako niya sa sarili na hindi niya kailangang ipagtapat sa daddy at mommy niya.

Magkaiba sila ng kapatid niyang si Paolo. Si Paolo ay nagbibihis babae at nagme-makeup. Samantalang siya ay hindi. Hindi ito ang gusto ni Luis para sa kanyang sarili. Sa katunayan ay hindi siya naaakit sa mga baklang nagda-drag at nagbibihis-babae.

Mahilig pa ring tumingin-tingin si Luis sa apps gaya ng Grindr at Blued. Pero hanggang tingin lang siya at hanggang pagbabasa na lamang sa mga chat. Minsan ay natutukso siyang makipag-eye ball, pero naisip niyang dahil sa status niya bilang HIV positive ay pinipigilan niya ang kanyang sarili kahit na alam niyang hindi naman mahahawa ang sino mang makakatalik kapag gumamit siya ng condom o uminom ng PrEp. Tuwing natutukso siya ay kaagad na pinapatay na lamang ang gadget at magmumuni-muni ng ibang mga bagay. Mahirap, pero naisip ni Luis na kinailangan niya itong gawin.

Laging nakikita ni Luis sa internet sites ang Peak Bar na matatagpuan sa Ortigas area kaya madali niya itong natunton. Kahit na nakikita niya ito sa internet, bahagyang ikinagulat niya ang nasaksihan dito—siksikan at punong-puno ito ng mga tao.

Kanina, pagpasok pa lang ni Luis sa pintuan ay may nakita siyang dalawang bouncer na lalaki na parehong malalaki ang pangagatawan. Kinapkapan siya ng isa sa mga ito, nagbayad sa receptionist, at di-nag-atubiling pumasok.

Bumungad sa kanya ang nakakasilaw na mga ilaw sa gitna ng madilim na bulwagang iyon. Bumulaga rin sa kanya ang maingay na musika. Kung hindi siya nagkakamali ay techno music ang kanyang narinig. Hindi kaagad nakagalaw si Luis. Tinakpan nang bahagya ang mga mata ng kanyang kamay dahil sa nakasisilaw na strove lights.

Nakatawag pansin sa kanya ang dalawang lalaking nagsasayaw sa dalawang magkabilang dulo ng entablado. Kitang-kita ang maskuladong pangangatawan ng mga ito, nakasuot ng hapit na kulay-itim at nangingintab na pantalon. Pinagmasdan niyang saglit ang dalawang lalaki na walang tigil sa pagsayaw. Nakita at narinig niya ang ilang mga bakla na nanonood at nagsasayaw sa harap ng mga lalaking nagsasayaw. Nagkakasiyahan, nagtitilian ang mga ito. Karamihan sa kanila'y may hawak na mga baso ng alak.

Luminga-linga si Luis. Hindi niya alam kung saan siya magtutungo. Ngayon lang siya nakarating sa Peak Bar. Nakikita nga niya ang bar sa sites ng internet, pero iba ang pakiramdam niya ngayong narito siya—nakararamdam siya ng pagkailang.

Bantulot kung kumilos si Luis. Hanggang sa di-kalayuan ay nakita niya ang mahabang counter-bar kung saan nakita niya ang maraming alak na naka-diplay sa shelves. Nakita rin niya ang barteneders na walang humpay sa pagtitimpla ng mga alak. Sa harap ng counter ay nakita ang ilang customers na nakaupo, may kanya-kanyang hawak na baso ng alak at masayang nag-uusap-usap.

Dostali jste se na konec publikovaných kapitol.

⏰ Poslední aktualizace: Jan 01, 2021 ⏰

Přidej si tento příběh do své knihovny, abys byl/a informován/a o nových kapitolách!

Mga Batang Poz 2 Stigma (UNEDITED)Kde žijí příběhy. Začni objevovat