Sino si Melody?

653 22 6
                                    

SA MALAWAK na kalsada ng expressway ay malaya itong binagtas nina Luis, Enzo, Kenneth, at Chuchay, kasama si Melody. Palibhasa, alanganing oras iyon ay wala silang naranasang traffic kaya maaliwalas ang kanilang dinaanan.

Muli, nilampasan nila ang malalawak na bukirin, mga ilog, at iba't ibang pabrikang matatagpuan sa expressway. Sa una'y mistulang may nagbabadyang ulan mula sa kalangitan pero habang papalayo sila nang papalayo sa Maynila ay nalampasan nila ang makulimlim na mga ulap. Naging maliwanag ang kalawakan at kanilang kapaligiran.

"Girl," binasag ni Chuchay ang katahimikang at bumaling kay Melody. "Talaga bang nature mo 'yan? Tahimik ka?"

Tumango si Melody.

Natuon ang tingin ni Chuchay sa braso ni Melody. Bahagya niyang ikinagulat ang kanyang nakita roon.

"Melody, ang dami niyan." Ang tinutukoy ni Chuchay ay ang mga gilit-gilat na pilat ni Melody sa braso malapit sa kanyang pulsuhan.

"Wala- Wala ito." Biglang tinakpan at itinago ni Melody ang braso kay Chuchay.

Huminga nang malalim si Melody. Napayuko, nahiya kay Chuchay.

"Chuchay," sabi ni Enzo. "That's personal."

"Pasensiya na, Melody," sabi ni Chuchay, "mausisa kasi akong tao. Atsaka, nagulat lang ako."

Tipid nangumiti si Melody. "Okay lang."

Natigilan pang muli si Melody nang sa kanilang paghinto sa daan, paglabas nila ng toll gate ay may nakita siya sa isang karatula na pamilyar sa kanya. Binasa niya iyon nang mabuti: 'MUSEO ORLINA, THIS WAY."

Napaisip si Melody. May alam siya sa museong iyon. Noon pa niya inalam sa kung sino at ano ang Orlina. Si Orlina ay isang sikat na iskultor ng Pilipinas. Para kay Melody, hanggang ngayon ay hindi niya makalimutan ang iskultor na iyon na nagngangalang Orlina.

At naglaro sa isipan ni Melody ang nakaraan...

NAKAMULATAN ni Melody na ang lola niya ang nag-alaga sa kanya. Hindi niya iyon makalimutan dahil sa piling nito ang itinuturing niyang pinakamaliligayang mga sandali sa buong buhay niya.

Lumaki si Melody sa pangangalaga ng lola niya. Sa katunayan, lumaki siya na ang akala niya ay ito ang ina niy. Haggang sa isang araw ay pumanaw ito at naiwan siya sa pangangalaga ng kanyang tiya, kapatid ng daddy niya. Madalang lang niyang makita noon ang daddy niya dahil abala ito sa pagtatrabaho sa Maynila.

Mag-a-anim na taon siya nang ipagkatiwala siya ng daddy niya sa kanyang tiya. Kung naging maligaya si Melody sa lola niya, mistulang impiyerno naman ang naranasan niya sa tiya niya.

Lulong sa sugal ang kanyang tiya. Madalas ay natatalo ito. Kaya kapag umuuwi ito ng bahay, madalas ay si Melody ang pinagbubuntunan nito ng galit. Lahat ng mga kilos ni Melody ay nakatingin at nakabantay ito sa kanya. Pakiramdam niya'y mali ang lahat ng ikinikilos niya dahil palaging nakasinghal ang tiya niya sa kanya.

Hindi maintindihan ni Melody ang mundo niya. Noong kapiling niya ang lola niya—kung puro pangangaral at magagandang mga salita ang naririnig niya, kung puro papuri ang kanyang nararanasan mula sa lola niya at lahat halos naisin niya bilang bata ay natutupad, ngayon ay kabaligtaran ang lahat. Bigla niyang nakita, naranasan, at napagtantong puwede palang maglaho ang masasayang araw gaya ng pinagsaluhan nila ng lola niya at bigla na lang mapalitan iyon ng kalungkutan. Sa piling ng tiya niya, wala siyang nagawa kundi ang umiyak na lamang.

Ang masakit pa'y tuwing tawagin ni Melody ang lola niya para humingi ng saklolo kapag pinapagalitan at sinasaktan siya ng tiya niya, lagi itong nakasinghal sa kanya: "Luka-luka, tinatawag mo ang lola mo, patay na 'yon! Tumigil ka sa kakaiyak, hayop ka!"

Mga Batang Poz 2 Stigma (UNEDITED)Where stories live. Discover now