Chapter 17

30.3K 646 37
                                    


NAILAGAY na niya sa maleta ang kahuli-hulihang gamit niya nang marinig niya ang pag-andar ng makina ng sasakyan. Dumungaw siya sa pag-aakalang si Emilio iyon. Gusto niyang makita ito sa huling pagkakataon. Subalit hindi motor nito ang lumabas sa gate kundi ang pick-up at dulo na lang nito ang natanaw niya.

Bakit umalis ang pick-up? Iyon ang sasakyan nila ni Kent patungong airport at si Helen ang magmamaneho sa kanila.

Tiningnan niya ang relo—alas-nuwebe na. Akma niyang bubuksan ang pinto ng silid up ang tanungin ang papa niya nang maunahan siya sa pagbubukas nito mula sa labas. Kung hindi siya nakaatras ay tinamaan siya ng pintong ibinalya.

"Emilio!"

"Mag-uusap tayo, Katherine!" Muli nitong isinara ang pinto. Nakasungaw na sa mukha nito ang mga balbas na sa tantiya ng dalaga ay tatlong umaga nang hindi inaahit.

"Umalis ang pick-up, Emilio, at alas-nuwebe na. Baka mahuli kami ni Kent. At wala na tayong dapat pag-usapan. Alam mong darating tayo sa puntong ito. Hindi ko kailanman sinabi sa iyong mananatili ako."

"I'll be damned, Katherine, kung papayagan kitang umalis," determinadong sinabi nito.

Kinabahan si Katherine. Bahagyang umatras. "Please, you're making this hard for both of us," nakikiusap ang tinig niya.

"I'm sorry, babe, but I'm not giving you up this time."

Napapikit si Katherine. Sana'y pumanhik si Helen o ang papa niya. O di kaya ay si Kent na marahil ay naiinip na.

"I really have to go, Emilio. I can't stay. Hindi ganoon kalaki ang pag-ibig ko sa iyo para manatili sa... sa... bayang ito. In this deteriorated town," nagkibit pa siya ng balikat at pinatatag ang sinasabi. At mananalo siya ng award sa casualness ng boses niya. "At wala siguro talaga akong pag-ibig sa iyo. Nadala lang ako ng mga pakita mo sa akin. Why, you're a very attractive man."

Nanatiling hindi tumitinag ang binata. Bahagyang tumaas ang sulok ng kabilang bibig. "Try harder, babe. Baka maniwala ako."

"Lumabas ka na, Emilio. Mahuhuli kami ni Kent sa flight..."

"To hell with your flight!" bulyaw nito.

"Are you crazy? Naghihintay si Kent sa ibaba. At para sa iyong kaalaman, magpapakasal kami pagdating ng New York. So you see, walang dahilan para..."

Isang bahaw na tawa ang pinakawalan ni Emilio. "Sira-ulo akong talaga kung paniniwalaan ko iyan. Iniwan ka na ni Kent, Katherine."

"A-anong ibig mong sabihin?" Ang pick-up! Si Kent ba ang sakay ng pick-up?

"Patungo na siya ng airport at si Jerry ang naghatid sa kanya. Kinausap ko siya kanina sa guestroom. Inamin niyang naging magkasintahan kayo at sinabi rin niya ang dahilan kung bakit kayo nag-break. Tiniyak niya sa aking mahal mo ako kahit hindi mo ito inaamin."

Napaupo ang dalaga sa gilid ng kama. Bakit pumayag si Kent na iwan siya? Hindi ba at dahil sa kanya kaya dumating ito ng Pilipinas?

"Kung sa loob ng dalawang araw at hindi ka dumating ng Maynila ay babalik na siya ng Amerika," dugtong ni Emilio na parang nababasa ang nasa isip niya.

"Ngayon, Katherine... mayroon kang dalawang pagpipilian. Una ay ang magpakasal sa akin. Alam kong mahal mo ako kaya mo gagawin iyon kung sakali. Ang ikalawa, itong plano mong pag-alis. Papayagan kita, bakit hindi? Iyon ay pagkatapos kong marinig ang tunay na dahilan kung bakit pilit mong iniiwasan ang tunay mong damdamin. And be convincing about it, darling. Tiyakin mong maniniwala ako sa idadahilan mo," naroon ang sarcasm sa mga huling sinabi nito.

Be My Love, Katherine COMPLETED (Published by PHR)Where stories live. Discover now