1 - Ang Mundo sa Pagitan ng mga Pahina (1 of 4)

1.5K 67 16
                                    

Sa lakas ng kabog ng dibdib ng dalaga, halos nalimutan na niyang huminga. Hindi niya maialis ang tingin kay Yosef, sa mapanganib na titig nito.

"Bakit? Natatakot ka ba sa'kin?" tanong ng binata, humakbang papalapit sa kaniya hanggang halos wala nang pagitan sa kanilang dalawa. "Dahil ba Túan ako ng Wahad? O baka natatakot kang aminin sa sarili mo na may damdamin ka na sa'kin? 'Di ba ikaw na rin ang nagsabi na bawal 'yon?"

Bagama't nagitla sa mga tinuran ni Yosef, nanatiling blangko ang mukha ni Shion. "Nais mo ba akong patawanin, Túan?"

Minasdan ni Yosef ang mukha ng dalaga. "Patawanin? Ah, oo nga pala. Ikaw nga pala 'yong tipong hindi ngumingiti. Bakit nga ba? Pinanganak ka na bang gan'yan, o baka naman sobrang lungkot ng kabataan mo?"

Nanginginig sa galit si Shion. Oo't may kakayahan ang lalaking ito na pakabahin siya at lituhin ang kaniyang damdamin. Ngunit wala itong karapatan na ungkatin ang nakaraan niya. Hindi niya namalayang mabilis na umangat ang kamay niya. Pero bago pa man dumapo ang palad niya sa pisngi ng binata, nahawakan na nito ang kamay niya.

Dumilim ang mukha ni Yosef. "'Pag ginawa mo 'yan, baka magsisi ka."

"Bitawan mo ako! Pangahas kang hawakan ang isang Baylan?!"

"Kung ayo'ko? Ano'ng gagawin mo?"

Pilit na hinila ni Shion ang kamay niya, subalit tila wala siyang lakas. Walang anu-ano, bigla siyang hinigit ni Yosef. Bahagya itong yumuko at unti-unting inilapit ang kaniyang mukha sa dalaga hanggang magdikit ang kanilang mga labi.

Nanlaki ang mga mata ng dalaga. Gusto niyang umatras, subalit tila naging yelo ang mga paa niya.

Sa una'y mariin ang labi ni Yosef, pilit na humahanap ng anumang sagot na magmumula sa kaniya. Alam ni Shion na hindi na maibibigay ang hinihingi ng binata. Hindi maaari. Hindi maaari. Sa mundong ito, walang pag-asang magkaroon ng katuparan ang hinihingi ng damdamin niya. Nila.

Nila?

Nahuhulog na nga ba ang kalooban niya sa tusong binata? Sa kabila ng mga sumpa niya na isa lamang ito sa mga tungtungang gagamitin niya para makarating sa pinakaituktok ng kapangyarihan?

Namalayan na lamang ni Shion na umangat ang kaniyang mga kamay at yumapos kay Yosef. Hindi nagtagal at tumutugon na siya sa mga halik nito.

Mali ito. Hindi maaari.

Pero tila wala siya sa sarili. Ang alam lang niya, tumawid siya sa isang daan na kahit kailan ay hindi niya dapat tinahak dahil kahit kailan, hindi na siya makakabalik.

"TO ALL STUDENTS, WE WOULD LIKE TO REMIND YOU THAT THE LIBRARY WILL BE CLOSING IN TEN MINUTES. PLEASE CHECK OUT YOUR BOOKS AT THE COUNTER BEFORE SIX O'CLOCK. THANK YOU."

Nagulat ako sa announcement galing sa speakers.

"Hindi e," bulong ko sa sarili. "Hindi nga kasi kayo pwedeng magkatuluyan. Una, Túan siya. Tingin mo papayag 'yung Lakan ng Wahad na ikaw yung makatuluyan ng anak niya? T'saka Baylan ka kaya. Bawal mag-asawa ang mga Baylan."

Kung kailan naman ang ganda na nangyayari saka pa mag-uuwian. Hindi ko na naman namalayan ang oras. Kapag kasi may hawak na akong libro, wala na'kong pakialam sa mundo. Gusto ko pa sanang magtagal, kasi dito--sa isang madilim na sulok ng library—lang gumagaan ang loob ko.

"Hays!" naiinis kong isinara ang libro. "Sabi ko na nga ba, hindi happy ending 'to e."

Kinuha ko ang libro at ipinatong iyon sa kandungan ko bago ko tinulak ang sarili paatras, palayo sa mesa at nagsimulang pagulungin ang wheelchair ko palabas ng Contemporary Section.

"Isa lang?" sabi ni Miss Cortez, habang pinupunasan ng panyo ang makapal niyang salamin. Bihirang ngumiti si Miss Cortez. Sabi nila, matandang dalaga daw kaya masungit. Pero siguro nasanay na lang din ako kaya hindi na'ko tinatablan ng katarayan niya.

"Yes, Ma'am."

"Hindi mo na naman pinasukan ang last period mo," puna niya. "Kulang na lang, dito ka na tumira."

"Pwede po ba?"

"Sabunutan kaya kita?" asik niya. "Sa halip na tumulong ka sa mga Third Years na mag-prepare para sa JS Ball mamaya, dito ka nagsusumiksik? Bakit? May nambu-bully ba sa'yo?"

"Kabaligtaran pa nga kaya nakakainis," reklamo ko. "'Pag may project o cleaning duties, sinasabihan nila 'ko lagi na 'wag nang tumulong kasi baka mahirapan ako. Lagi na lang nila 'kong tinitingnan na para bang ang kawawa ko. Para bang ako na ang pinakamalas na tao sa mundo kaya dapat silang maging mabait sa'kin."

"Reklamo ka nang reklamo, tapos ako'ng pinepeste mo... Pero a-attend ka ba sa Ball?"

"Pftt." Tumingin ako sa mga paa ko. "Oo Maam. Excited na nga talaga 'kong sumayaw. Nag-practice pa nga ako e."

"Hmp," asik niya. Dinampot niya ang librong dala ko, kumunot ang noo habang binubuklat 'yon. "Ngayon ko lang ulit nakita 'to ah. Sa'n mo nakuha? Sa Contemporary Section?"

"Opo Ma'am. Pero mukhang luma na po eh."

"Himala," sabi niya. "Hindi mo natapos?"

"Ni-skim ko lang, Ma'am," sagot ko. "Gusto ko sanang basahin ulit nang mabuti. Kapangalan ko kasi 'yong bida sa kwento."

"Shion..." Sinipat ni Miss Cortez ang leather-bound na cover, natatawa. "Nababasa mo? Hindi lahat ng tao kaya 'tong basahin."

"Oo naman, Ma'am."

Humugot siya ng isang malalim na hininga at tinitigan ako. "Sigurado ka ba?"

Naramdaman kong kumunot ang noo ko. "Ano'ng ibig n'yong sabihin?"

Napangiti na lang si Miss Cortez. "Akin na nga."

Sinuot niya ang salamin niya at hinugot ang library card na nakaipit sa pinakahuling page ng libro. Iniabot niya ang card sa'kin. Pati 'yon kakaiba rin. Parang mamahalin ang papel kasi may gold na border pa. Naka-print sa pinakataas: Alterra.

Isa pa lang ang nakasulat na pangalan doon, pero hindi ko mabasa ang mga letra.

Saktong maisulat ko ang huling letra ng pangalan ko sa card, nang bigla nanlabo ang paningin ko. Pakiramdam ko umiikot ang paligid.

"Shion? Okay ka lang ba?"

Halos hindi ko maaninag ang mukha ng guro. Unti-unti, nilamon ng kadiliman ang lahat.

"M-ma'am..."

"Shion! SHION!!!"

AlterraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon