2 - Hindi Nga Pala Ito Panaginip (2 of 5)

286 33 0
                                    


Habang pababa ako sa sunud-sunod at mahahabang hagdanan ng toreng tahanan ng mga Baylan, hindi ako nagmadali. Bawat hakbang, isang tanong ang nabubuo sa isip ko. Mga tanong na hindi ko masagot.

Pa'pano 'ko napunta dito?

Nasa Alterra nga ba 'ko, o isa lang 'tong napakahabang panaginip?

Makakabalik pa ba 'ko sa totoong mundo? Pa'no?

Walang madaling paliwanag kundi, imposible 'to. Does it make sense na mapunta ako sa loob ng isang lumang libro? Walang Alterra. Isa lang 'yong kwento. Kaya siguro... siguro hindi pa lang talaga ako nagigising.

Paglabas namin ng main door saka lang huminto si Ima. Noon ko lang din napansin ang mahigit sampung tagapagsilbi na nakasunod sa'kin. Lahat sila, nagsiyuko agad na para bang masusunog ang mga mata nila 'pag tumingin sila sa'kin.

Napabuntong-hininga ako.

"Labing-isa," narinig kong bulong ni Wylan galing sa likuran ko.

"H-ha?"

Natigilan siya, napatingin kay Ima, tapos sa'kin. "Panlabing-isang... buntong-hininga ninyo na iyan, Dáyan. Kinakabahan ba kayo? O baka mayroong bumabagabag sa inyo? Kung nais ninyo, sasamahan ko kayo sa inyong pagsasa—"

Siniko na siya ni Ima bago pa man niya matapos ang sinasabi niya. Wala siyang nagawa kundi ngumuso habang nakababa ang tingin.

Nilapag ko ang kamay ko sa balikat ni Wylan. Agad nanlaki ang mata niya. Pati ang mga ibang tagapag-silbi, hindi naitago ang pagkagulat.

"Hindi ako kinakabahan o nag-aalala," pagsisinungaling ko sabay bawi ng kamay ko. "Kaya samantalahin mo na habang wala ako, ha?"

Yumuko si Ima sa'kin. "Huwag ninyong pansinin ang Ginoo, Dáyan. Marami siyang gawain dito sa Templo kaya't pihadong hindi siya maiinip sa inyong pag-alis."

Si Wylan, ngumuso na lang habang bumubulong-bulong.

Ang totoo, medyo nalulungkot ako dahil hindi ako pwedeng samahan ni Wylan. Pakiramdam ko kasi, siya lang ang mapapagkatiwalaan ko sa mundong ito.

Sinundan ako nila Ima, Wylan at ng iba pang tagapagsilbi hanggang sa gate na naghihiwalay sa Templo ng mga Baylan sa Dambana ng mga Paham. Hindi gaya ng Templo na mataas at napakatanda na, mukhang bago ang building na tatlong palapag lang pero mahaba. Sa halip na mga pader, puro bintanang salamin ang nakikita ko. Napapalibutan ito ng napakataas na bakod na gawa sa bato at simento. May matataas na poste sa kahabaan nito, kung saan may mga guwardiyang nakapwesto. Kada poste, may mga simbolong nakaukit: puno, espada, cogwheel at crescent moon.

Pakiramdam ko, isang fortress ang pinasukan ko, hindi eskwelahan.

Pagpasok sa gate, bumungad sa'min ang statue ng isang babaeng may mahabang buhok at nakasuot ng bestidang maluwang at mahaba na parang nililipad ng hangin. Nakatingin siya sa langit habang yakap-yakap ang isang libro sa dibdib niya. Sa harap ng school, may malawak na damuhan kung saan naglalaro ng bola ang mga estudyante. Ang iba, tagasigaw at tagapalakpak.

Gray ang uniform nila. 'Yung mga lalaki naka-surcoat—parang 'yung suot ng mga prince at cadets sa England—na mahaba at lagpas tuhod kaya dulo na lang no'ng linen pants na halos nakatago na sa leather boots ang nakikita. Ang mga babae naman naka-closed neck na bestidang ankle-length na may mahabang manggas ka-partner ng boots na di-tali at may 2-inch heels gaya ng sa'kin. Parang pang-madre. Ang kinaiba lang, white 'yung uniform ko na may black lining.

May mga guwardiyang nakabantay at nagpapatrolya sa paligid. Huminto sila at yumuko nang masalubong kami. Pati 'yung mga naglalaro, huminto rin.

Sa dami ng nakatingin sa'kin, gusto ko nang magtago sa likod ni Wylan.

AlterraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon