3 - Ako ang Magiging Pinakamatalik Mong Kaibigan (2 of 7)

190 19 0
                                    

Hawakan ang aking kamay at sabay na maglakbay

Iwanan na, kalimutan na ang mga problema at sakit na 'yong nadarama



Kumatok ako sa pinto ng study room ng Punong Baylan.

"Pasok," sabi niya.

Humugot ako ng malalim na hininga bago 'ko binuksan ang pinto. Nabungaran ko na lang si Wylan na palabas ng kwarto. Yumuko siya at nagbaba ng tingin bago isara ang pinto. Kinabahan ako.

"Pinagtapat na sa'kin ni Wylan ang lahat," sabi ng Punong Baylan, nakatuon ang atensyon sa tambak ng papeles sa mesa niya.

'Kala ko kakampi ko si Wylan. Pero hindi pala. Pinagkatiwalaan ko pa naman siya. Malamang ipapatapon na'ko sa 'Isla' nito. Sa kulungan ng mga baliw at mga walang silbi.

"Magpapaliwanag po ako—"

"Mukhang naiintindihan mo na," sagot niya.

"Ang alin?"

Tumingin siya sa'kin. "Ang labindalawang taon ko nang tinuturo sa'yo. Ang akala ko'y hindi mo na matututunan kahit kailan; kung pa'no maging isang tunay na Baylan."

"P-po?"

"Bakit mo inubos ang alak? Hindi ko sinasabing ulitin mo pero, bakit mo nilagay sa panganib ang iyong sarili para sa iba?"

"Kasi... Teka. Hindi kayo galit?"

Tumayo siya at pumunta sa harap ko. "Bukod sa maging tagapamagitan ng langit at lupa, tungkulin ng Punong Baylan na pagbukludin ang mga lahi. At hindi mo iyon kailanman magagampanan kung wala sa'yo ang isang katangian."

"Anong katangian?"

For the first time, nginitian niya 'ko.

"Malasakit." Hinawakan niya 'ko sa balikat. "Kung anumang pagbabago ito, panatag na ang loob ko na ikaw nga ang karapat-dapat pumalit sa'kin balang araw."

Hindi ko napigilang ngumiti. At least, kahit sa kwentong 'to, may nagawa akong tama.

Tumalikod siya para kunin ang librong nasa mesa at iniabot 'yon sa'kin. "Alam kong matagal mo na itong gustong basahin. Sa tingin ko, ngayon handa ka na."

Kinuha ko ang libro. Lumang-luma na ang leather na cover no'n. Kulay dilaw na rin ang mga pages. Binuklat ko. Pansin ko, sulat-kamay 'yon pero hindi ko mabasa ang mga letra. May nakaipit do'n. Isang piraso ng papel na may sketch ng isang babae. Nanlaki ang mata ko.

Kamukha niya si Miss Cortez.

"Ang Bathalumang Yesha," paliwanag niya. "Guhit ng dakilang pintor na si Alev."

Si Miss Cortez ang Bathaluman? 'Yung estatwa sa school?

Bumalik na siya sa ginagawa niya. "Kapag natapos mong basahin, sabihin mo sa akin kung ano'ng palagay mo."

Tumango na lang ako. Bago ako lumabas ng pinto, huminto ako.

"Punong Baylan? Tungkol po sa sinabi sa inyo ni Wylan—"

"Ah..." tumango siya. "May kutob siyang nanganganib ka kaya't humingi siya ng pahintulot na bantayan ka pagbalik mo sa Dambana. Kaya mula sa Lunes, sasamahan ka na niya sa pagpasok mo."

"'Y-yun lang po?"

"May iba ba'kong dapat malaman?"

"W-wala po..."

Nagmamadali akong lumabas. May clue na'ko ngayon. Si Miss Cortez. O Yesha. Kung sinuman siya, sure ako, may kinalaman siya kung bakit napunta 'ko sa loob ng libro.

Nakita ko si Wylan na naghihintay sa may hagdan. Tumakbo ako papunta sa kaniya.

"Dáyan! Ilang beses ko bang sasabihin na 'wag kayong tumak—"

Sa sobrang saya ko, nayakap ko siya. "Sorry... Hindi kita dapat pinagdudahan."

"D-dáyan..."

"'T'saka, salamat sa pagtago mo ng sikreto ko. Pero... kailangan ko ulit ng tulong mo." Binigay ko sa kaniya 'yung libro. "Turuan mo'kong basahin 'yan."

***

"Wylan!"

Noon pa lang nag-angat ng tingin si Wylan. Kanina pa siya nakatitig sa diary ni Yesha pero ayaw naman niyang buklatin.

"Kanina ka pa nakatulala d'yan. 'Kala ko ba tutulungan mo'kong basahin 'yan?"

Yumuko siya at sinauli sa'kin ang diary. "Patawad, Dáyan! Hindi ako karapat-dapat!"

"Ayan ka na naman e."

Umiling siya. "Tanging mga Baylan lamang ang may pahintulot na basahin ang Talaan ng Bathaluman. Isang kalapastanganan ang mapasakamay ito ng isang hamak na Paladin!"

"Wala namang makakaalam. Tayo lang."

Lalo lang siyang yumuko.

Napabuntong-hininga ako. "Kung ayaw mo... turuan mo na lang akong magbasa."

Napatingin siya sa'kin. "A-ako po?"

Kinuha ko ang kamay niya. "Ikaw lang ang nakakaalam ng lihim ko... kaya ikaw lang ang maasahan ko."

"K-kung gano'n..." Tumikhim siya. "Wala tayong pamimilian kung hindi pag-aralan ang lahat tungkol sa pagiging Baylan. At sa lalong madaling panahon."

"Talaga?! Salamat!"

Napatitig siya sa'kin.

"Bakit?"

Pinilig niya ang ulo niya. "Iniisip ko lang, Dáyan... Parang imposible na mawala ang inyong ala-ala dahil lang sa pagkakauntog. Ni hindi kayo nabukulan."

"A-ha-ha..." Napakamot ako ng ulo. "Baka 'yung utak ko lang ang naapektuhan."

"O kaya, nabati kayo ng isang Manghahabi."

"Manghahabi?"

Tumango siya. "Gumagamit sila ng Balani. Kaya nilang panandaliang pasunudin ang sinuman sa kanilang kagustuhan. Ilan sa kanila, kayang bumago o bumura ng ala-ala ng iba."

"Bakit naman gagawin sa'kin 'yon ng Manghahabi?" Natawa ako. Naalala ko kasi 'yung sinabi niya sa'kin dati. "Dahil isa akong Maharlikang mapagmataas, nakakatakot at mapagmataas?"

Bigla siyang yumuko. "Parusahan ninyo ako, Dáyan! Hindi ko dapat sinabi ang—"

Hinawakan ko siya sa balikat. "Magkaibigan tayo, 'di ba? Kaya ayos lang. Kung may mali ako, sabihin mo. Kung kailangan mo ng tulong ko, magsabi ka lang."

Ngumiti siya. "Magsimula na tayo sa pag-aaral."

AlterraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon