2 - Hindi Nga Pala Ito Panaginip (3 of 5)

287 31 0
                                    

Kakaiba ang classroom nila dito. Parang mini-theater. May maliit na platform sa harap. Walang blackboard. Sa halip, may salamin na nakakabit sa pader sintaas ng kisame hanggang sa sahig. Baitang-baitang ang mga row, parang malalapad na hagdan. Pinakamababa sa harap, pinakamataas sa likod.

Masiglang nag-uusap ang mga kaklase ko—naka-white uniform din gaya ng sa'kin. Nakaumpok sila sa likuran ng kwarto, tabi-tabi sa isang baitang, nakaupo sa mesa para hindi maabala ng layu-layong seating arrangement kung anuman ang pinagkukwentuhan nila. Maliban na lang sa apat—si Yosef, si Kamahalan, 'yung blonde na babaeng katabi niya at 'yung mataray na Baylan kanina.

Pagpasok ko, naging mahinang bulungan ang malakas nilang pag-uusap. Lahat ng mata, bumaling sa'kin.

Sanay na'ko. Hindi na bago sa'kin na pagtinginan. Dati, nakatingin sila sa mga paa ko. Sa wheelchair ko. Pero ngayon, sa'kin na sila nakatingin at alam kong hindi na curiosity o awa ang laman ng mga tingin nila.

"Pati ba naman sa panaginip?" usal ko.

Sa harap ako pumunta, pinakamalapit sa pintuan at halos wala akong katabi. Napansin kong walang mga upuan pero may mga mesa sa gilid ng bawat baitang. Umupo ako sa gilid ng unang baitang, inilapag ang mga kamay ko sa table.

Sakto naman, pumasok ang Punong Baylan, nakasuot ng mahabang bestidang mahaba rin ang manggas at mataas na neckline kaya nakatago ang kalahati ng leeg niya. Nakapusod ng mahigpit ang kulot niyang buhok kaya lalong nahila pataas ang kilay niya.

"Magsimula na tayo," utos niya.

Nagsiupo nang maayos ang mga classmates ko, tatlo sa bawat isang mesa. Napansin ko na bakante ang mesa sa kaliwa at likuran ko.

Confirmed. Nilalayuan nila ako.

"Problema n'yo?" bulong ko.

Dahil ba sa sinabi ko kanina sa mga fans ni Kamahalan?

Ngayon ko lang nalaman; mas nakakaasar pala 'yung nilalayuan kesa sa kinakaawaan.

Napatingin na lang ako nang maramdaman kong may tumabi sa kaliwa ko: si Yosef. Diretso lang ang tingin niya na para bang wala ako do'n.

Binaba ko ang mga kamay ko sa kandungan ko at doon itinuon ang tingin ko. Kinakabahan ako. Tuwing malapit siya, hindi ko alam ang gagawin ko. O ang sasabihin ko. Sa sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko, halos hindi ko na namalayan na sumunod rin pala sa kaniya si Kamahalan. Tatabi sana siya kay Yosef, kaso ayaw umusod ni Yosef as if hindi niya nararamdaman na tinutulak na siya ni Kamahalan.

Sinukuan rin niya ang pagtabi kay Yosef at sa halip, umikot sa kabilang dulo ng mesa at saka ako ginitgit papunta sa gitna.

Sinandig niya ang mga siko niya sa mesa, kumiling paharap sa'kin. Paghawi niya sa'kin, napasandal ako.

"Hoy, Yosef... Yosef," bulong niya, pilit na hinuhuli ang tingin ng Túan na mukhang walang balak mamansin.

Narinig kong umaangal sa likuran ko 'yung blonde na babaeng katabi ni Kamahalan kanina. Mukhang isa rin siyang Alv. Mga Alv lang ang may mapusyaw na kulay ng buhok, sa pagkakaalam ko.

Sa totoo lang, hindi ko na alam kung ano'ng nangyayari. Napasadahan ko na hanggang halos kalahati ng istorya pero kahit minsan, hindi nabanggit do'n si Kamahalan. Hindi ko rin nabasa na may 'malapit na kaibigan' pala si Yosef. Sabagay, naka-focus kasi ang kwento sa point of view ni Shion. Baka hindi pa lang niya na-meet si Kamahalan. O baka naman nagi-imagine na lang ako ng sarili kong karugtong ng istorya? Panaginip nga e.

Naputol ang pag-iisip ko nang pumasok ang isang nakayukong tagapagsilbi. May dala siya pitsel at baso na nilapag niya sa mesa sa harapan ng classroom bago siya paatras na lumabas.

AlterraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon