2 - Hindi Nga Pala Ito Panaginip (1 of 5)

293 34 0
                                    


"Dáyan?" tawag ni Ima galing sa labas ng kwarto.

Kanina pa siya kumakatok, pero hindi siya makapasok dahil tinulak ko 'yong aparador sa harap ng pinto. Hindi rin ako sumasagot kahit anong tawag niya. Nakaupo lang ako sa sahig, sa sulok ng kwarto.

"Dáyan?" Kumatok ulit si Ima. "Kailangan na ninyong maghanda para sa inyong pagsasanay. Pakiusap, buksan na ninyo ang pinto, kundi ay baka makarating pa ito sa Punong Baylan."

Biglang bumukas ang bintana. Sumulpot ang brown na ulo ni Wylan sa bintana bago siya dumungaw sa sa loob ng kwarto at tuluyang tumalon papasok. Halos walang tunog ang paglapag ng mga paa niya sa sahig. Kung papaano siyang nakaakyat sa fifth floor, wala na'kong pakialam. Hindi siya totoo. Hindi totoo ang lahat ng 'to.

Hindi umimik si Wylan. Umupo lang siya sa tabi ko.

"Nasisiraan na yata ako ng bait," bulong ko sa sarili. Niyakap ko ang mga binti ko at sinubukang pigilin ang mga hikbi. "H-hindi ako dapat nandito. Kailangan ko na talagang bumalik."

"Ito ang unang pagkakataon..." mahinang sagot niya.

Napatingin ako sa kaniya.

Sandali siyang nag-isip, hinipo ang markang hugis buwan sa ilalim ng kaliwang mata niya bago sumagot. "Sa loob ng labindalawang taon na nagsilbi ako bilang iyong Paladin, ito pa lang ang unang pagkakataon na nakita ko kayong umiyak, Dáyan."

Dumukdok ako sa tuhod ko para itago ang mukha ko. "Sor—ibig kong sabihin, paumanhin."

"Para sa'n?"

"Dahil hindi na'ko 'yung Shion na kilala mo."

Isang mahinang tawa ang pinakawalan niya. Nakatitig siya sa'kin, may maliit na ngiti. "Kahit magbago ka, Dáyan... ako, hindi. T'saka nanaisin ko pang umiyak ka sa'kin, kaysa naman mag-isa kang nahihirapan at wala akong magawa para sa'yo... gaya ng dati."

Umiwas ako sa titig niya at binaling ang tingin ko sa mga kamay ko. "Bakit... bakit ang bait mo sa'kin?"

Sumandal siya sa pader, tumingala sa kisame na para bang naroon ang sagot sa tanong ko. "'Pagkat pinili ninyo ako."

"Piniling ano?"

Pinatong niya sa tuhod niya ang nakasarang kamay niya at iniangat ang hinliliit, tila batang nagbibilang. "Ang akala ng lahat, isa kang Maharlikang walang malasakit sa iba, nakakatakot at mapagmataas—"

Hindi ko napigilan ang sumabat. "A-ako? Gano'n ang tingin ng mga tao sa'kin?"

Mukhang nagsisi agad siya sa pagkakadulas niya dahil muntikan na siyang magkandasubsob sa pagluhod at pagyuko. "Pero alam ko, Dáyan, na may mabuti kayong kalooban. Maganda ang inyong mga hangarin at hindi kayo natatakot na ipaglaban kung ano'ng sa tingin ninyo ay tama."

Bumukas ang bibig ko, pero walang salitang lumabas. Pinaniniwalaan niya si Shion. 'Yung Shion na hindi ako.

"Mukha akong mahina, at hindi ako ang pinakamagaling sa pakikipaglaban, pero ako ang pinili ninyo para manatili sa tabi ninyo. Kaya isinumpa ko, na habang-buhay ko kayong paglilingkuran, Dáyan." Kahit nakayuko siya at hindi ko makita ang mukha niya, halata sa pagsasalita niya na nakangiti siya.

May kung ano'ng lungkot sa kalooban ko dahil sa mga sinabi niya. Dahil hindi 'yon para sa'kin. Napakabuti ni Wylan at hindi ako ang dapat na tumanggap ng kabutihang 'yon. Pa'no kung malaman niyang hindi ako ang tunay na Shion? Malamang masasaktan siya. At sa mundong ito man o sa kabila, ayaw ko nang maging dahilan ng paghihirap ng ibang tao.

Huminga ako nang malalim, pinahid ang mga luha ko, sinikap na ngumiti. "Ah! Mukhang napalakas yata talaga ang pagkakatama ng ulo ko sa sahig kahapon. Kung anu-ano tuloy ang naiisip ko."

"Dáyan..."

"Hintayin mo na lang ako sa labas, Wylan. Kailangan ko nang maghanda."

Wala na siyang nagawa kundi tumayo at umakyat sa bintana.

"Wylan," sabi ko, hinintay na lumingon siya. "Salamat... sa lahat."

Halata sa mata niya ang gulat na sinundan ng isang ngiti. "Ito rin ang unang pagkakataon... na nagpasalamat kayo sa'kin, Dáyan."

AlterraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon