2 - Hindi Nga Pala Ito Panaginip (5 of 5)

347 30 10
                                    


***

Matagal akong nakatayo sa harap ng estatwa ng babae sa labas ng eskwelahan. Parang ako'ng nangangawit para sa kaniya kasi habang buhay na siyang nakatingala.

"Ano naman kaya ang tinitingnan niya sa taas?" bulong ko sa sarili.

"Dáyan," tawag ni Wylan, pinutol ang pagmumuni-muni ko. "Kanina pa kayo nakatitig diyan sa rebulto."

"Wala lang..."

Mga tatlong segundong tumigil ang mga mata niya sa'kin. "Ano'ng ibig sabihin kapag sinabi mong 'wala lang'?"

Nagkibit—balikat ako. "Wala lang... Walang kahit ano'ng dahilan. Basta lang."

"Ah..." tumango siya. "Kahit kailan, hindi ko pa kayo nakitang gumawa ng kahit ano'ng bagay dahil 'wala lang'."

Nangiti ako. "Minsan may dahilan pero baka nakakahiya o mahirap ipaliwanag. Kaya, wala lang."

"Humihingi kayo ng gabay sa Bathaluman?"

Nilingon ko siya. "Bathaluman?"

Tumaas ang parehong kilay niya. "Pati ba ito, nalimutan na ninyo? Mukhang naapektuhan talaga ng pagkakauntog ang utak n'yo." Bago ko pa siya mabatukan, nagpaliwanag na siya. "Ang Bathalumang si Yesha ang unang Baylan. Makapangyarihan siya at sinasabi nilang kaya niyang makita ang hinaharap. Siya rin ang dahilan kung bakit nagkaisa Tatlong Tagapagtatag ng Alterra para magkaroon ng kapayapaan sa pagitan ng mga Angkan. Siya ang inyong huwaran at hangarin ninyong maging makapangyarihan tulad niya."

"Aanhin ko naman ang kapangyarihan kung nakakulong lang naman ako sa Templo... Ang boring--nakakabagot palang maging Baylan. 'Pag minsan, turuan mo'kong bumaba sa bintana ta's isama mo'ko kung sa'n pwedeng mamasyal."

"Dáyan..."

"Hmm?"

"Salamat."

Nilingon ko siya. "Para sa'n?"

Ngumiti siya pero marahang umiling. "Wala lang."

Maglalakad na sana ako pauwi nang maalala ko na wala akong dala. "Ay... naiwan ko sa pagamutan 'yung damit na pinagbihisan ko."

"Makakalimutin na talaga kayo, Dáyan," sabi niya, natatawa. "Babalikan ko na lang. Hintayin ninyo ako dito ha?"

Tumango ako, pinanood siyang tumakbo pabalik sa building.

Nagsimulang maglabasan ang mga estudyante sa building. Hapon na pala.

Lumabas ako ng school grounds kasi malamang, pagtitinginan na naman nila 'ko. Naglakad ako papasok sa mapunong parte sa labas ng mataas na bakod ng school. Malamig ang hangin. Medyo madilim kasi halos hindi na makalusot ang mga sinag ng araw sa pagitan ng mga sanga ng puno. Dito walang ingay kundi ang mga huni ng mga ibon at ang mga kaluskos ng maliliit na hayop.

Naupo ako sa tabi ng isang malaking puno ng acacia hindi kalayuan sa gate para madali akong mahanap ni Wylan. Niyakap ko ang mga binti ko, saka sinubsob ang mukha ko sa mga tuhod ko.

"Kasalanan ko..."

"Ang alin?" tanong ng isang pamilyar na boses.

Tumingin ako sa paligid pero wala namang tao. Nagulat ako ng may biglang tumalon galing sa itaas ng puno at humakbang papunta sa'kin kasabay ng dahan-dahan paghulog ng mga nalalagas na pulang bulaklak at dahon galing sa puno.

Kahit nakasuot 'yung hoodie niya, alam kong siya 'yon. Siya lang naman ang kilala kong sobrang tangkad.

"K-kamahalan..."

AlterraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon