Chapter Two

3K 80 31
                                    


Fourteen years ago...

"SINO si ChocNut?" tanong ni Elliot kay Candy nang lumapit ito sa kanya habang nakaupo siya sa bench sa ilalim ng punong akasya sa St. Michael's High School.

"Binasa mo?" nanlalaki ang mga matang balik-tanong ni Candy sa ka-barkada nang mapansing dala-dala nito ang slam book ni Valerie, isa ring miyembro sa barkada nila.

"Oo." Tumabi si Elliot ng upo. "Katatapos ko lang mag-sign. Ang hihirap ng mga tanong, mas mahirap pa sa Physics exams natin."

Inagaw niya ang slam book dito. Isa iyong mamahaling slam book na hard bound at magaganda't makukulay ang pages, sabi ni Valerie ay padala pa daw iyon ng pinsan nito mula sa Taiwan kaya kuntodo-bilin na ayusin nila ang pagpirma.

Agad niyang hinanap ang parteng may mga personal questions. Ano ba paki niya sa favorite foods, most embarrassing moment at mannerisms ni Elliot? Alam na niya lahat iyon dahil second year high school pa lang sila ay magka-barkada na sila nito.

"A. L," basa ni Candy sa nakalagay na crush ni Elliot. "Sino naman ito?"

"A. I. 'yan," pagtatama naman nito.

"Sorry naman. Sa parang kinalaykay ng manok ang penmanship mo, 'no?"

"Lagi mo na lang akong nilalait! Dati buhok ko lang ang pinipintasan mo, ngayon, pati penmanship ko na."

"Sa totoo namang pangit talaga," bale-walang sabi niya. Aba, kahit crush niya ang hinayupak na ito ay never siyang magsisinungaling! Alangan namang utuin niya ito na cute ang hair style nito at penmanship, e hindi naman totoo.

"A. I." Mabilis siyang nag-isip. Iisa lang ang kilala niyang may apelyidong nag-uumpisa sa letter I sa kanilang section. "Infante," usal niya. "A. Aleli?"

Mabilis na tinakpan ni Elliot ng kamay ang kanyang bibig. "Huwag kang maingay!"

Tama nga siya. Si Aleli Infante nga ang crush ni Eleuterio Sangalang Jr.! Kaya pala madalas niya itong nahuhuling nakatingin sa babaeng iyon. Hmp! Wa taste pala ito.

Tinanggal ni Candy ang nakatapal na palad ni Elliot sa kanyang bibig. "Ano ba?!" pagtataray niya dito. "As if naman pagkakalat ko 'yan. Wala sa lahi namin ang tsismosa, ano?"

"What do you think? May pag-asa ba ako kung liligawan ko siya?"

May inis siyang naramdaman sa loob-loob. Sa lahat ba naman ng pagtatanungan nito ng ganoon, siya pa na may lihim na crush dito? Saklap!

"Hindi ba masyado ka pang bata para manligaw?"

Tumawa si Elliot. "Kahit freshmen nga, may girlfriend na!"

"So, makikiuso ka rin sa kanila? Hindi na nahiya ang mga batang 'yan sa mga magulang nilang nagpapakahirap magpaaral sa kanila. Hihingi ng extra money, tapos ipanliligaw lang pala? Sarap pagbabatukan, eh!"

"Hey, hey!" awat ni Elliot sa litanya niya. "Hindi ako hihingi sa parents ko ng ibibili ko ng gifts kay Aleli, okay? May naipon ako galing sa allowance ko at sa cash gifts noong birthday ko."

"Kahit na!"

"At hindi ko naman liligawan si Aleli para maging girlfriend. Ano lang, parang date, ganoon. I want to date her. It's too late anyway to have a girlfriend. Graduating na tayo sa isang buwan, maghihiwa-hiwalay na tayo ng landas."

Escaping the Friend Zone (PREVIEW ONLY)Where stories live. Discover now