7

24.3K 645 14
                                    

PALINGA-LINGA siya sa dinaraanan. Kaparangan at mga bundok ang nakikita niya. Iniisip kung saang bahagi ng lupa siya naroroon. Hindi siya makapaniwalang sa ganitong lugar siya ipinadala ng kaibigan. Natitiyak niyang hindi nga siya mahahabol dito ng bayaw.

Huminto ang overloaded jeep sa isang sangang-daan. Nilingon siya ng driver. "'Ayan ang daan patungong Rancho Navarro, Miss," wika nito.

Nalito siya. "Daan? Gaano pa kalayo mula rito ang rancho?"

"Propriedad ng mga Navarro ang lupaing ito, Miss, mula pa kanina sa dinaanan natin may isang oras na ang nagdaan. At mula rito sa sangang-daan hanggang sa Villa Navarro ay tatlong kilometro," sagot ng isang pasahero sa nagsisimpatyang tono.

"Tatlong kilometro!" bulalas niya. 


"A-ano ho ang sasakyan patungo roon?" Sa anyo ng mga pasaherong nakikinig sa kanya ay nahuhulaan na niya ang sagot. At gusto niyang bumulalas ng iyak kung hindi lang siya magmumukhang kahiya-hiya.

Tinulungan siya ng ibang pasahero na ibaba ang maleta niya. At nagkakandahirap siyang dumaan sa pagitan ng mga bayong, basket at kung ano-ano pang mga prutas at bagahe na nasa gitna ng jeep.

Hindi siya ipinanganak na mayaman pero buong buhay niya ay namuhay siyang tulad sa isang mayaman. At sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay niya ay natutuhan niyang sumakay ng bus at jeep na tulad nito.

Itinabi niya ang maleta sa daan at naupo roon. Sinabi na sa kanya ng kaibigan kung gaano kalayo ang rancho. Pero ni sa panaginip ay hindi niya akalaing ganito kalayo at ka-remote. Ang poste ng kuryente ay nakita niyang natapos sa mismong boundary ng bayan. Ano ang ginagamit sa rancho?

Higit sa lahat, paano siya makakarating doon? Dapat ba niyang pagsisihang mula sa Houston ay napapayag siya ng kaibigang magtungo rito? Mabilis din niyang sinalungat ang sarili. Tamang umuwi siya dito sa Pilipinas at dito sa kung saang bahagi man ito ng lupa. Sa mga sandaling ito ay alam niyang nasa Pilipinas na rin si Marvin upang sundan at hanapin siya. At dito sa islang ito ay natitiyak niyang isa sa isang milyon ang tsansang makita siya ni Marvin.

Tumayo siya at dinampot ang maleta at nagpasimulang maglakad. Binaybay ang malapad na daan papasok sa rancho. Tiningnan ang oras sa relo sa braso, alas-otso y media ng umaga. Kung papalarin siya ay makakarating siya marahil doon mamayang gabi. Hindi niya malaman kung matatawa o maiiyak sa iniisip. Lalakarin niya ang tatlong kilometro!

She's dead by the time na naroon siya. At tama ang mga kaibigan niya, hindi na nga siya makikita pa ni Marvin. And she started laughing hysterically sa iniisip. Nag-echo sa buong paligid ang tinig niya na agad ding nagpahinto sa pagtawa niya. She was amazed! Nakarinig siyang talaga ng echo ng sariling tinig!

Umiiling na nagpatuloy siya sa paglakad. Kung narito siya sa dahilang nagbabakasyon, she would have appreciated the beauty of the place. Isang ravine ang dinadaanan niya makalipas ang beinte minutos na lakad. At natatanaw niya ang malawak at asul na karagatan.Parang asukal na puti ang buhangin sa baybayin. Matataas ang puno ng niyog sa tabi nito. Oh, how she would like to go surfing and snorkeling.


Sanda-sandali ay humihinto siya at nagpapahinga. Mabuti na lang at natatakpan ng malalaking puno ang init ng araw. Kung hindi ay baka kanina pa siya bumigay. Patuloy siya sa paglalakad at nakakaramdam na talaga siya ng matinding hapo. Magagawa niya sigurong balewalain ang layo ng nilalakad kung hindi dahil sa maleta niyang bitbit. Gaano man kaliit ito ay mabigat din.

Bigla siyang napatayo sa inuupuang patay na puno nang makarinig ng mga yabag ng kabayo. May mga taong dumarating! Dalawang lalaki ang patungo sa kinaroroonan niya. Tumaas-baba ang dibdib niya sa sama-samang pagod, galak at kaba. Baka mapanganib ang mga taong ito.

Nagsalubong ang mga kilay niya nang mapagsino ang mga dumarating. Hindi niya kilala ang isa pero namumukhaan niya ang malaking lalaking nasa unahan. Huminto ilang dipa mula sa kanya ang mga nakakabayo.

"Ikaw!" hindi makapaniwalang bulalas niya. At lalong nanlaki ang mga mata niya nang itaas ni Alvaro ang hawak na riple at itutok sa kanya. 


"A-anong...!" Sindak na nawalan ng kulay ang mukha.

Pumutok ang riple kasabay ng pagpikit niya. Ilang segundo ang lumipas bago unti-unting nagmulat ng mga mata nang maramdamang nakatayo pa rin siya.She's still alive. Tinakot lang ba siya ng walang modong lalaking ito? Galit na tiningala niya ito at talagang pagsasalitaan subalit ang mga mata ng dalawang nasa ibabaw ng kabayo ay wala sa kanya kundi sa may likurang tagiliran. Nalilitong lumingon siya. Nakulong sa lalamunan niya ang hininga sa nakita.

Ahas! Isang malaking ahas ang binaril nito! And she has always been scared of snake, maliit man o malaki, patay man o buhay. At sa pinagsama-samang takot, pagkabigla, at matinding pagod ay umikot ang paningin niya at bumagsak siya sa lupa.

"Dammit!" galit na usal ni Alvaro at mabilis na bumaba ng stallion.

Kristine Series 8 - Wild Rose (COMPLETED) (UNEDITED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon