Chapter 7

13 2 0
                                    


[ KENJIRO ]

Gabi na ngayon. Tumigil na ang ulan at natuyo na rin ang damit ko na basang basa kanina. Nagpunta ako sa pinakamalapit na bilihan ng sweets, gusto kong makabawi kay Yesha. Hindi ako makakapakali kung hindi kami magbabati na dalawa.

Nang matapos bumili ng matatamis na pagkain na paborito ni Yesha ay agad akong sumakay sa jeep para makauwi na. Alam ko na nasa bahay ko sya, hindi naman 'yun aalis sa bahay ko kung hindi ko alam. Kahit nagtatampo 'yun sa akin, mas gusto nya pa rin doon sa bahay ko kaysa kasama ang magulang nya.

Hindi naman traffic kumpara kaninang hapon kaya nakauwi na rin ako agad. Habang nasa harap ng pintuan, hinigpitan ko ang hawak ng plastic kung saan nakalagay ang mga pagkain na binili ko dahil sa kaba.

Naglakas loob akong pumasok sa bahay ko at nadatnan kong wala si Yesha. Nakita ko naman ang kwarto ko na naka-lock kaya sigurado akong nandoon sya, inayos ko ang sarili ko at kahit kinakabahan, nagdesisyon akong katukin ang pintuan ng kwarto ko.

"Yesha?" Tawag ko sa kanya, walang sumagot. Hindi sya sumagot.

Nagbuntong hininga ako, ako ang may kasalanan kung bakit ganito ang sitwasyon namin ngayon kaya dapat ay gawin ko lahat ng makakaya ko para magbati kami ngayong gabi mismo.

Kumatok ako ulit, "Yesha. I'm sorry, magusap naman tayo oh." Mahinahong sabi ko, wala naman kasing patutunguhan ang lahat ng 'to kung magagalit ulit ako sa kanya at susumbatan sya.

Mayamaya, narinig ko ang pagbukas ng doorknob, bumakas ang pinto at nakita ko si Yesha na nakatingin sa akin habang buhat-buhat si Lili, 'yung teddy bear na binigay ko sa kanya.

Naupo sya sa kama at sumunod naman ako. Hindi sya nagsalita at nakayuko lang sya kaya ako na unang nagsalita.

"Sorry sa ginawa ko kanina, Yesha. Sorry talaga kais pinairal ko ang pagiging seloso ko. Sorry kasi nagselos ako at gumawa ng eksena kahit wala pa namang tayo," nakayuko ko ring sabi sa kanya.

Nahihiya ako. Nahihiya ako sa ginawa ko kanina, napakatanga ko. Hindi ko dapat ginawa 'yun.

"Sorry kasi hindi ko alam na bakla pala si Nash," kinagat ko ang labi ko. Handa kong ibaba ang pride ko para lang kay Yesha, para sa kanya.

Magsasalita pa sana ako para humingi ng tawad pero nagulat nalang ako nang biglang niyakap ako ni Yesha, hindi ako nakapagsalita pero napangiti ako dahil doon. Madaling magtampo si Yesha pero kung magpapaliwanag ka at aaminin ang kasalanan na ginawa mo, papatawarin ka agad nya.

Nagiwas ng tingin sa akin si Yesha, "Sorry din kasi sinikreto ko 'yung pakikipagkita ko kay Nash." Sabi nya.

Gusto ko sanang itanong kung bakit sila nagkita kanina at kung paano sila nagkakilala pero pinigilan ko ang sarili ko. Hindi ko na dapat pang alamin lalo na't bati na kami ulit ni Yesha ngayon at baka lumala pa kung magtatanong na naman ako.

Minsan, kahit gaano pa tayo ka-curious sa mga bagay bagay, kailangan pa rin nating irespeto ang privacy ng isang tao at pagkatiwalaan nalang sila sa mga desisyon na ginagawa nila. Buhay naman nila 'yan, kailangan nalang natin gawin ay suportahan sila basta tama ang ginagawa nila.

Sabi nga nila, may tamang panahon para itanong ang mga bagay na ipinagtataka natin. Malalaman at malalaman naman natin ang isang bagay, gustuhin man natin o hindi.

May mga oras din na kailangan nating pigilan ang sarili natin na magsalita dahil hindi natin alam, kinokontrol na pala tayo ng emosyon natin at nakakasakit na sa ibang tao. Mas mabuti pa rin na magisip muna tayo ng maayos at pakalmahin ang sarili bago magsalita, mamaya kahit salita lang tayo ng salita pero naiyak na pala ang pinagsasalitaan natin.

Hindi rin kasi natin mapagkakatiwalaan ang bibig natin, mapanakit din ito at kayang mangapi ng mga tao pero kung gagamitin natin ito ng maayos, wala tayong masasaktan.

Binigay ko ang plastic na hawak ko na ikinagulat ni Yesha, "Ano 'to?" Tanong nya.

"Buksan mo," sabi ko sa kanya at ginawa nya naman. Nakita ko ang magkahalong gulat at saya sa nakita ni Yesha.

Inilabas nya lahat ng pagkain mula sa plastic at napatingin sa akin, "Hindi ka na dapat bumili." Sabi pa nya.

Sus, choosy pa.

"Nabili ko na e, may magagawa ka pa ba?" Pangaasar ko sa kanya kaya naman tumawa lang sya at nagpasalamat sa akin.

Pinagmasdan ko sya habang binubuksan ang mga ito at kinakain, kitang-kita ko ang saya sa mukha nya. Saya na gusto kong makita sa kanya palagi, 'yung totoong saya.

Siguro 'yung pinaka-goal ko sa buhay ko ay mapasaya si Yesha, minsan ko lang nakikita na ngumingiti at tumatawa sya na hindi pilit kaya gusto kong gawin ang mga bagay na kahit simple lang ay magiging masaya pa rin sya. Gusto kong maging dahilan ng pagiging masaya nya kahit paano para makalimutan nya ang lungkot at sakit na madalas nyang nararamdaman.

"Sige na. Magluluto na ako ng hapunan, magpalit ka na ng damit mo." Sabi nya sa akin, tumango naman ako saka sya umalis sa kwarto ko dala ang mga pagkain na binili ko.

Tulad ng sabi nya, nagpalit na ako ng damit ko at nahiga muna saglit sa kama. Gusto ko munang makaidlip.

--

Nagising ako dahil sa ingay na naririnig ko. Agad akong napatayo mula sa kama ko dahil hindi ko maipaliwanag ang nangyayari sa labas.

Agad kong binuksan ang pintuan ang kwarto ko at lumabas, doon ko nakita ang mga magulang ni Yesha na hinihila sya palabas habang si Yesha naman ay pilit na nagpupumiglas at naiyak.

Napatingin silang lahat sa akin habang ako ay nagulat sa nakita, "Kenji! Tulungan mo ako dito, ayokong sumama sa kanila!" Naiyak na sigaw nya sa akin, kita ko ang mukha sa kanya ang takot.

Lalapit na sana ako nang biglang humarang si tita at ngumiti sa akin, "Kenjiro, ikaw ang nagsabi kung nasaan ngayon si Yesha. Don't tell me na pipigilan mo pa kami," natahimik si Yesha sa narinig.

Agad akong nanginig nang mapagtantong sinend ko nga pala ang address ko kila tita, sila ang paulit-ulit na nagsesend sa akin ng message at palaging tinatanong kung nasaan ang bahay ko para mapuntahan nila si Yesha. Ang sabi nila kakamustahin lang daw nila si Yesha pero bakit ganito?

"Problema na namin 'to bilang pamilya, kami na ang bahala kay Yesha at pangakong magbabago na kami para sa kanya." Dagdag pa ni tita dahilan para tuluyan na akong hindi makagalaw mula sa kinatatayuan ko. "Salamat, Kenjiro. Maasahan ka talaga."

Huli na ang lahat para tumutol ako at tulungan si Yesha dahil nakaalis na sila. Hindi na nagpumiglas pa si Yesha at umiiling-iling ito sa akin habang umiiyak pa rin, halata sa itsura nya na hindi sya makapaniwala sa nagawa kong pagta-traydor sa kanila.

Kahit na ginawa ko 'yun, para sa kanya naman 'yun. Gusto ko lang na tumigil na sya sa pagiwas sa mga magulang kasi baka totoo ang sinasabi nila na magbabago na sila para sa anak nila na si Yesha.

Alam kong mali ang ginawa ko na pagsira ng tiwala ni Yesha pero huli na ang lahat para magsisi ako. Hinihiling ko lang na tuparin nila ang pangako nila na magiging okay si Yesha.

In Another LifeWhere stories live. Discover now